
Sa hapag ng buhay, ang pag-ibig ay tila pagkaing hindi kailanman iisa ang lasa.
May tamis na nananatili sa dila, pait na kailangang lunukin, anghang na nagpapabilis ng tibok ng puso, at alat na nagpapaalala sa mga luhang minsang naging sangkap ng pagsasama. Ngunit kung may isang bagay na kayang gawing mas malinamnam ang lahat ng ito, ito ay ang wikang unang nagturo sa atin kung paano pangalanan ang ating nararamdaman.
Sapagkat kahit gaano kasarap pakinggan ang hiram na “I love you,” may ibang timpla ang “mahal kita”—parang pagkaing niluto hindi lamang sa rekado, kundi sa alaala, kultura, at sariling tahanan.
Marahil kaya masarap magmahal sa Filipino ay dahil ang ating wika ay hindi lamang nagsasalin ng damdamin; hinahain nito ang pag-ibig sa paraang mas pamilyar sa ating panlasa—isang putaheng hindi ka kailanman magsasawa.
Mahal kita
Ang salitang love sa Ingles ay malawak ang gamit at maaaring tumukoy sa iba’t ibang anyo ng pagmamahal. Subalit ang salitang mahal sa ating sariling wika ay nagtataglay ng dalawang magkatambal na kahulugan—ang malalim na pag-ibig at mataas na halaga.
Kapag ang isang tao ay mahal, hindi lamang siya iniibig kundi pinahahalagahan. At sa isang bansang sanay magtanong kung magkano, marahil ay hindi aksidente na ang pag-ibig at presyo ay nagtatagpo sa iisang salita.
Ngunit may isa pang kahulugan ang mahal na hindi nasusukat sa salapi: ang halaga ng isang bagay na ipinaglalaban.
Mahal ang magmahal, dahil hindi lamang ito nararamdaman kundi pinaninindigan. Kapag lubos nating pinahahalagahan ang ating kapwa, bayan, o ang mismong mundo kung saan tayo nabubuhay, nagiging politikal ang pag-ibig. Hindi na lamang ito tungkol sa kung sino ang ating minamahal, kundi kung gaano kalaking parte ng ating mga sarili ang handa nating isakripisyo para sa kanila.
Dahil kung tunay nga silang mahalaga, hindi sapat na sabihing mahal natin sila—kailangan din nating ipaglaban ang kanilang halaga.
Baliw na baliw ako sa’yo
Kadalasang inihahambing ng mga Pilipino ang pagmamahal sa pagkawala ng sariling pag-iisip. Kung nasasakop kasi ng isang tao ang bawat sulok ng ating kokote, isinisigaw agad ng puso ang kanilang pangalan.
Sa Ingles, maaaring kasingkahulugan nito ang katagang ‘head over heels’, ngunit sadyang hindi lamang mula ulo hanggang talampakan ang nakakaya nating mahalin sa nahuhumalingang kapwa. Sa ‘di kalauna’y nakakabisado natin ang kanilang bawat kilos at galaw, pati na rin ang mga gusto nila’t ayaw. Kaya’t habang tumatagal, mas tumataas ang ating listahan ng samu’t sari nilang katangian—buong puso natin itong tinatanggap, kaaya-aya man o kasuklam-suklam.
Kung iisipin, wala ring masyadong pinagkaiba ang taong nahihibang sa isang taong umiibig nang wagas. Isa sa mga sintomas nito ang biglaang pagngiti sa kawalan habang paulit-ulit na inaalala ang kurba ng ngiti ng kanilang minamahal, o hindi kaya’y pakikipag-usap sa sarili habang binibigyang-kahulugan ang pinakamaliit nilang ‘pahiwatig’.
Katulad ng pagkabaliw, walang lunas ang pagiging ‘lovesick’ o ang bahagyang pagkahumaling ng isang indibidwal sa espesyal na tao sa kanyang buhay. Napapakalma at natatahimik lamang ang nababalisang puso kapag sa wakas ay napapalapit na ito sa itinakdang kabiyak—tsaka lamang nangangahas na maglakbay ang nag-aatubiling mga paa kapag nasa tabi na nito ang mga yapak ng sinisinta.
Ikaw lamang ang itinitibok nitong puso ko
Sa panahon ngayon, hindi mo agad nalalaman kung nakikipagsiksikan ka lang sa puso ng iyong iniirog.
Kadalasang nasusubok ang ating pagtitiwala sa tuwing naririnig natin ang pangakong tayo lamang ang tanging iniibig ng isang tao. Minsan kasi, itinutulak ng bibig ang totoong kinakabig ng dibdib. Pero bakit marami pa rin ang pinipiling makihati sa katiting na pagmamahal ng iba?
Dulot ng lubhang paniniwala ng iba sa kakayahan ng pag-ibig na ‘baguhin’ ang sinuman, nakakalimutan ng ilan na maaaring nasa malapit lamang ang ‘the one’ na handang ibigay sa kanila ang uri ng pagsintang pinapakiusapan pa nilang makuha mula sa maling tao. May ilan pa ring sineseryoso ang konsepto ng pagiging tapat, ngunit kailangan mo munang kumbinsihin ang sarili na karapat-dapat mo ring maranasan ang purong pagmamahal.
Kapag sinasabi ng iyong irog na ikaw lamang ang tanging itinitibok ng kanilang puso nang walang bahid ng panlilinlang, ibinibigkis nito ang inyong mga kapalaran ng isang pangakong mahirap buwagin—pero kapag naputol ay hindi na muling maibabalik sa dati.
Kahit maputi na ang buhok ko
Paano kapag unti-unti nang nawawala ang bakas ng mapupungay na mata at mapupulang pisngi na una mong inibig sa isang tao?
Tila walang kapantay sa wikang Ingles ang damdaming hatid ng lirikong, “Mamahalin kita kahit maputi na ang buhok ko,” na pinasikat ng Filipino songwriter na si Rey Valera noong 1980s sa kaniyang kantang Kahit Maputi na ang Buhok Ko. Pinapahiwatig nito ang uri ng pagmamahal na habang tumatagal ay mas tumatatag.
Sa tuwing nakikita natin ang matatandang mag-asawang naghahawak-kamay habang marahang naglalakad, hindi natin maiwasang isipin ang kanilang mga pinagdaanan sa loob ng deka-dekadang pagsasama.
Para sa bagong henerasyon, napakahirap isiping may kabiyak pa silang makakasama tungo sa pagtanda, ngunit minsan ding mga kabataang nagmamahalan ang mga ‘senior couple’ ngayon. adyang araw-araw lamang nilang pinipili ang isa’t isa sa kabila ng mga problemang sinusubok ang kanilang pagsasama.
Bahagya mang nagbabago ang panlabas na anyo, hindi naman kailanman nangungulubot ang ating mga puso.
Upang makasama ka sa hirap at ginhawa
May mga salitang kayang sabihin sa isang pangungusap ang isang buong pangako.
Sa Ingles, maaari itong isalin bilang “through thick and thin” o “in good times or bad,” ngunit gaano man katama ang salin, mas mabigat ang kahulugan nito sa wikang Filipino. Sapagkat ang hirap at ginhawa ay hindi lamang magkasalungat na kalagayan—pareho nilang pinatatamis o pinapapait ang ating mga buhay.
Sa Filipino, may lambing ang paraan ng pangako. Hindi lamang sinasabing mananatili sa tabi mo kapag maayos na ang lahat, tahasang binabanggit pati ang panahong mahirap. Kinikilala nito ang pagmamahal na hindi lamang para sa mga araw na magaan, kundi pati sa mga panahong pasan natin ang bigat at kailangan ng karamay.
At marahil dito nagiging masarap pakinggan ang pagmamahal sa sariling wika—hindi nangangakong madali ang buhay, kundi ang pangakong may makakasama ka. Payak man kung pakinggan,subalit may bigat na tila sinasabing hindi mo kailangang harapin mag-isa ang anumang unos na darating sa buhay.
Sa Filipino, nagiging malinaw na ang pagmamahal ay hindi lamang damdamin kundi pakikisama sa buhay—sa hirap, sa ginhawa, at sa lahat ng pagitan.
Hanggang sa dulo ng walang hanggan
May mga pariralang hindi kailangang sabihin nang marami upang maramdaman ang lawak ng pangako. Sa unang tingin, tila isa lamang itong malikhaing paraan ng pagsabing “until the end” ngunit sa sariling wika, ang hangganan ay hindi lamang katapusan—ito ay guhit na maaaring abutin, tawirin, o lampasan.
Kaya kapag sinabing “hanggang sa dulo ng hangganan,” walang eksaktong lugar kung saan kailangang huminto ang pagmamahal. Hindi nito sinusukat ang pag-ibig sa oras, distansya, o tagal. Sa halip, ipinahihiwatig nitong handang sumabay ang damdamin hanggang sa puntong hindi na kayang pangalanan ng mga salita.
At marahil, ito ang pinakamasarap sa pagmamahal sa Filipino—hindi kailangang isalin ang bawat damdamin upang maging totoo. May mga salitang mas buo kapag nananatili sa wikang unang nagturo sa atin kung paano tumawa, umiyak, mangulila, at magmahal. Sa bawat parirala, may sariling timpla ng kasaysayan, kultura at karanasang Pilipino.
Sapagkat ang wika ay tila pagkain—masarap dahil pamilyar, dahil dito tayo unang nakakilala ng lasa. At sa lahat ng salitang maaaring gamitin upang sabihin ang pag-ibig, may mga pagkakataong ang pinakamasarap pa rin ay ang salitang galing sa sariling kusina.
Baka hindi naman talaga kailangang isalin ang lahat ng paraan ng pagmamahal. May mga damdaming mas buo kapag nanatili sa wikang unang nagturo sa atin kung paano magmahal, at namnamin ang pag-ibig. Dahil may mga salitang kapag sinabi sa Filipino, hindi lamang natin naiintindihan—mas nararamdaman natin ang linamnam na natutunaw sa puso.