Pagkatutong nilulunod

Honey SottoColumns50 minutes ago

Hindi dapat maging normal na sa bawat malakas na pag-ulan at baha, edukasyon agad ang kailangang magsakripisyo. Nauunawaan kong kailangang isuspinde ang klase kapag delikado ang sitwasyon dahil kaligtasan muna ang pairalin. Pero para sa akin, hindi dapat suspension ang maging katapusan ng usapan; doon pa lamang dapat magsimula ang pananagutan. Ayon sa EDCOM 2, maaaring palalimin ng paulit-ulit na suspensions ang krisis sa pagkatuto dahil sa nawawalang instructional time. Samantala, iniulat ng Inquirer na halos pitong milyong estudyante ang naaapektuhan ng school suspensions. Hindi ito simpleng abala sa academic calendar. Bawat araw na nawawala sa pagkatuto ay dagdag na puwang sa pagitan ng estudyanteng kayang humabol at ng estudyanteng wala nang sapat na resources para gawin ito.

Pero hindi suspension ang ugat ng problema. Kung baha ang daan at delikado ang paaralan, walang matinong dahilan para pilitin ang mga estudyante. Ang dapat itanong ay kung bakit isang suspension lang ay kayang magdulot ng malaking learning loss. Hindi rin sapat ang “mag-online class na lang.” Naranasan na natin ito noong COVID-19 pandemic, at para sa akin, malinaw kung gaano kalaki ang naging kapalit nito sa pagkatuto. Ayon sa UNICEF Philippines, 84% ng Filipino adults sa isang survey ang nagsabing mas kaunti ang natututunan ng mga bata sa distance learning. Naranasan ko rin mismo ang epekto nito dahil bumaba ang grado ko at wala akong natutunan dahil iba pa rin ang pagkatuto kapag may direktang interaksyon sa guro at mga kaklase. Kaya hindi ako sang-ayon na gawing automatic solution ang online o modular learning sa bawat suspension. Kung alam na nating hindi pare-pareho ang access at learning outcomes, bakit natin patuloy na ipinapasa sa estudyante ang responsibilidad na “humabol”?

Mas malala, may learning crisis na tayo bago pa man dumating ang mga kalamidad at iba pang disruptions. Sa Daily Tribune, binigyang-diin ng student groups na nakaugat ang krisis sa education sa government neglect, kabilang ang chronic underfunding, deteriorating classrooms, overworked teachers, at kakulangan ng student support. Kaya kapag dumating ang malakas na pag-ulan at pagbaha, hindi nito sinisimulan ang problema. Ibinubunyag lamang nito kung gaano ito kalalim. Ang isang sistemang hirap nang maghatid ng sapat na learning bago ang disruption ay lalo lamang mabibigo kapag nawala ang ilang araw ng klase.

At dito pumapasok ang budget. Hindi sapat na ipagmalaki ang laki ng education allocation kung may mga programang mismong kailangan ng estudyante ang nababawasan ang pondo. Ayon sa IBON Foundation, nakaranas ng cuts ang ilang critical education programs, habang nananatili ang malalaking kakulangan sa classrooms, teachers, at learning resources. Iniulat din ng Daily Tribune ang pagtutol ng NUSP sa proposed 2027 budget, kabilang ang sinasabing ₱39.3-bilyong bawas sa DepEd at ₱3.34-bilyong pinagsamang bawas sa 49 state universities and colleges. Hindi naman ibig sabihin na hindi kailangan ang infrastructure. Kailangan. Pero hindi puwedeng malaki ang ginagastos habang ang estudyante ay nananatiling kulang sa classroom, teacher, learning materials, at suporta. Hindi numero sa budget ang sukatan ng commitment kundi ang epekto nito sa paaralan ang dapat makita.

Para sa mga kolehiyo, mas ramdam ang bawat araw na nawawala. Hindi naman humahaba ang semestre dahil nasuspinde ang klase. Naiiwan ang lectures, naiipit ang laboratories, exams, requirements, at competencies, pagkatapos ay isinisiksik lahat sa natitirang oras. Ang “hahabulin na lang natin” ay hindi strategy. Ito ay pagpapasa ng problema sa teachers at estudyante. Sila ang humahabol ng lessons at nagdadala ng pressure para sa isang disruption na hindi naman nila nilikha.

Kaya huwag nating gawing ‘scapegoat’ ang teachers at students. Ginagawa ng guro ang trabaho sa ilalim ng limitadong oras at resources; ang estudyante naman ang sumasalo sa learning loss. Samantala, malinaw sa kasalukuyang babala ng EDCOM 2 na hindi lamang attendance o school calendar ang nakataya kundi pati ang foundational learning sa literacy, numeracy, science, at mathematics. Para sa akin, mas dapat pagtuunan ang mga bagay na kayang kontrolin ng pamahalaan lalo na ang flood control, school infrastructure, disaster preparedness, reliable communication, at education funding. Kung may paaralang taon-taon ay binabaha, hindi sapat na taon-taon din itong isara. Kung may estudyanteng walang internet, hindi sapat na taon-taon din siyang sabihang mag-online. Hindi natin kontrolado kung kailan at gaano kalakas ang ulan. Pero kontrolado ng pamahalaan kung gaano tayo kahina kapag dumating ito.

At tigilan na rin natin ang paggamit ng Filipino resiliency bilang palusot. Ang estudyanteng nag-aaral sa kandila dahil walang kuryente ay hindi “resilient”—pinipilit lamang niyang makasabay. Ang gurong naghahabol ng ilang linggong lessons dahil sa sunod-sunod na suspension ay hindi dapat purihin lamang sa pagiging “matatag”; dapat tinatanong kung bakit siya inilagay sa ganoong sitwasyon. Hindi dapat maging kapalit ng maayos na serbisyo publiko ang pagtitiis ng Pilipino. Ang resiliency ay dapat huling sandalan, hindi pangunahing disaster strategy ng gobyerno.

Kaya ang hinihingi ay hindi ang pagtigil sa suspensions. Ang hinihingi ay isang sistemang kayang magpatuloy ang edukasyon kahit kailangang itigil ang physical classes. Kailangang may malinaw na catch-up plan pagkatapos ng prolonged suspension: missed competencies, remediation schedules, printed materials para sa walang internet, at makatarungang adjustments sa deadlines. Kasabay nito, kailangang maging transparent at accountable ang paggamit ng pondo para sa education, infrastructure, at disaster preparedness. Hindi class suspension ang tunay na problema. Ang problema ay isang gobyernong hinahayaan na ang bawat malakas na pag-ulan at pagbaha ay maging krisis sa edukasyon. Hindi natin mapipigilan ang ulan, pero kaya nating pigilan na ang bawat pag-ulan ay kumitil ng pagkakataong matuto. Sa isang bansang dapat naghahanda para sa kalamidad, ang ulan at baha ang dapat suspendihin—hindi ang kinabukasan ng estudyante.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...