Namumutawi pa rin sa mga Pilipino ang diwa ng ating mga bayani

Walang lipunang hindi humaharap sa problema’t tunggalian.. 

Bawat bansa, maganda man ang sistema o hindi, ay palaging humaharap sa mga hamon, anuman ang anyo nito. Sa bawat tunggalian ay may ugat na dapat bigyang-pansin upang alisin at pagalingin, dahil kung hindi, hahanap at hahanap ang tao ng paraan upang tumindig at lumaban sa umiiral na bulok na sistema sa lipunan ngayon.

Sa paglipas ng maraming siglo sa Pilipinas, pinilit mang alisin ang mga sintomas ng mga problema ng lipunan, patuloy pa rin itong kumakalat na parang sakit. Habang nakasanayan na nating makita ang ating mga pambansang bayani bilang mga estatwa at larawan sa mga aklat ng kasaysayan, hindi natin dapat kalimutan na nabuhay sila sa panahong ang mismong estado at lipunan ang nagpapahirap sa mga mamamayan.

Ngayong Agosto 31, kung kailan ipinagdiriwang ang Pambansang Araw ng mga Bayani, nararapat lamang na alalahanin natin kung paano sila tumindig noon—at tanungin ang ating sarili kung paano sila titindig ngayon. 

Hindi naman sa wala tayong mga bayani sa kasalukuyan, ngunit kung ang mga tulad nina Andres Bonifacio, Heneral Luna, Gregoria de Jesus, Melchora Aquino at Dr. Jose Rizal ang nasa ating posisyon ngayon, kaninong mga mukha kaya natin makikita ang kanilang diwa sa gitna ng nag-aatikabong mga isyu sa ating modernong lipunan? 

Pagwasak ng makabagong Andres Bonifacio sa tanikala ng pananamantala 

Bago binansagang utak ng rebolusyon, si Andres Bonifacio ay isang batang hindi kailanman naranasan nang lubusan ang pagiging bata. Sa gitna ng paghihinagpis mula sa pagkamatay ng kaniyang mga magulang, kinailangan niyang pukawin ang sariling lakas upang maging haligi ng limang nakababatang kapatid.

Bagaman napilitang huminto sa pag-aaral upang magtrabaho bilang kawani at warehouse messenger sa ilang kumpanya ng kalakalan, hindi ito naging hadlang sa kaniyang pagkatuto. Sa gabi, sa ilalim ng munting liwanag ng lampara, binubuklat niya ang mga pahina ng Kasaysayan ng Daigdig at Rebolusyong Pranses—tinuturuan ang sarili niyang magsalita sa wika ng mga dayuhan habang dahan-dahang hinahasa ang kaniyang sariling sandata: ang kamalayan.

Nang dakipin at ipatapon si Dr. José Rizal noong 1892, napagtanto ni Bonifacio na hindi na sapat ang pakiusap at pagboses ukol sa pagkakapantay-pantay gamit ang tinta lang. Itinatatag niya ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). 

Hindi siya nagdalawang-isip na punitin ang cedula at tawagin ang masa patungong rebolusyon: isang radikal na hakbang na nagpatunay na kapag ang sistemang kolonyal ay marahas at bingi, ang kolektibong pag-aaklas lamang ang puputol sa tanikala ng panggigipit. 

Kung lalakad si Bonifacio sa mga lansangan ng Pilipinas ngayon, hindi mo siya makikita sa mga malalamig na opisina ng gobyerno. Makikita mo siya sa mukha ng mga manggagawang gumigising bago sumikat ang araw, kumakayod ng halos 24 oras para sa barya-baryang suweldo, at sa mga tsuper na maririnig ang pagkapoot sa mga sigaw sa lansangan habang tinututulan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at kawalan ng suporta ng estado. 

Ang madugong sigaw ni Bonifacio ay maririnig pa rin sa mga boses na nag-oorganisa sa kalsada—mga mamamayang lumalaban sa pananamantala ng burukrasya, sa mga patakarang pumuputol sa karapatan ng maralita, at sa anumang kasunduan na sumasagasa sa lupang ninuno ng ating mga katutubo. 

Para kay Bonifacio ngayon, ang tunay na pagtindig ay wala sa tahimik na pagtanggap, kundi nasa sama-samang pag-aaklas laban sa mapang-aping estado.

Pagsiklab ng makabagong Antonio Luna sa tapang ng mamamayan

Ilang beses man nating panoorin ang pelikula, nananatiling sariwa at nagmamarka ang maalab na katanungang: “Negosyo o kalayaan? Bayan o sarili? Pumili ka!” 

Iyan ang mga linya ni Heneral Antonio Luna, ang nakababatang kapatid ng tanyag na pintor na si Juan Luna. Isa siyang matapang na mandirigma at dalubhasang siyentipiko na nagtapos ng parmasya, kapnayan, at panitikan. Nang italaga siyang mamuno sa Hukbong Rebolusyonaryo ng Pilipinas noong Digmaang Pilipino-Amerikano, bitbit niya ang disiplinang militar at walang pakundangang paninindigan. 

Kilala bilang mainitin ang ulo at maikli ang pasensya, marami siyang naging kalabang politikal,  lalo na sa hanay ng mga mayayaman at maimpluwensyang paksyon na mas piniling magpasakop at makipagkasundo sa mga Amerikano kapalit ng sariling interes at negosyo.

Kung susulyap ang Heneral sa kasalukuyang mukha ng Pilipinas, makikita natin ang kaniyang maapoy na diwa sa ating mga sundalo at kawani ng pamahalaan na buong tapang na nagbabantay at nagtatanggol sa ating soberanya sa West Philippine Sea. 

Naroroon din ang kaniyang tapang sa mukha ng ating mga mangingisda, mga ordinaryong mamamayang pumapalag at tumututol sa pang-aagaw ng dayuhang kapangyarihan sa mga teritoryong pambansa tulad ng West Philippine Sea, kung saan ito rin ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng pangkabuhayan ng ating mga kababayan. Dito sila nangingisda at kumukuha ng ibebenta para sila ay may pambili ng ihahain sa hapag. 

Ngunit hindi nagtatapos sa mga hangganan ng dagat ang laban ng makabagong Luna. 

Ang kaniyang galit laban sa mga pandarahas ay patuloy na sumasalamin sa mga mamamayan at aktibistang buong-tatag na tumatayo laban sa katiwalian at korapsyon sa gobyerno, o sa mga patakarang nagpapahintulot sa mga dayuhang impluwensiya tulad ng Estados Unidos at Tsina na manghimasok sa ating politika at ekonomiya, at sa mga nasa kapangyarihang inuuna ang pansariling kagustuhan kaysa sa kapakanan ng mga mamamayan. 

Makikita ito sa tahasang pagtutol sa mga maoanganib na kasunduan at proyekto tulad ng ipinagpipilitang inisyatibong Pax Silica sa New Clark City sa Capas, Tarlac na nagbabantang magpalayas sa mga katutubong Aeta at lokal na magsasaka, gayundin ang patuloy na pagpapalawak ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites na nagsisilbing de facto base militar ng US sa mga istratehikong lalawigan tulad ng Palawan, Pampanga, Cebu, Nueva Ecija, Cagayan, at Isabela. 

Kasabay rin nito ang pagpuna sa mga mapanirang patakaran ng Tsina mula sa pagtatayo ng mga artipisyal na isla at malawakang pagsira sa West Philippine Sea na nagdudulot ng bilyon-bilyong pisong pagkalugi sa sektor ng ekonomiya at agrikultura. Isa pa ang tahasang pagharang at pambubulas ng Chinese Coast Guard sa ating mga kapwa-Pilipino, hanggang sa mga kwestiyonableng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs

Pagsulong ng makabagong Oriang ng tunay na pagkakapantay-pantay

Maliitin man ng lipunan at ikulong sa makikitid na depinisyon ang mga kababaihan, kakaiba ang husay, puso, at tapang na ipinamalas ng isa sa ating mga bayani—isang tapang na kailanman ay hindi papatinag kanino man. 

Si Gregoria de Jesus, na higit na kilala sa palayaw na “Oriang” at sa karangalang Lakambini ng Katipunan, ay isa sa mga naging haligi ng rebolusyon laban sa mapagsamantalang pananakop ng mga Kastila—nagsilbi siya bilang tagapagtago ng mga lihim na kasulatan, armas, at listahan ng mga miyembro ng Katipunan. Namuno at tumulong din si Oriang sa pag-aalaga sa mga sugatang Katipunero, nagbigay ng pagkain, at nag-abot ng tulong-medikal sa gitna ng matinding kakulangan sa ilang pangangailangan. 

Sa tuwing sasalakayin ng mga kawal na Kastila ang kanilang kinaroroonan, buong tapang niyang itinatakbo at itinatago ang mga katibayang ito sa gitna ng mga masukal na damuhan at gubat upang protektahan ang samahan. 

Hindi lamang tagapagtago ng lihim si Oriang; siya rin ang namahala sa pago-organisa ng dibisyon ng mga kababaihan upang tumulong sa rebolusyon at kalaunan ay nagsilbi siyang pangalawang pangulo at kalihim ng sangay ng kababaihan sa Katipunan. 

Kung makikita si Oriang sa wangis ng mga kababaihan sa ngayon, ang kaniyang tapang ay patuloy na mabubuhay sa bawat babaeng pumapalag sa mapagmalabis na pagtrato sa lipunan. Sila ang mga kababaihang hindi nananahimik laban sa patuloy na mga kaso ng pang-aabuso, diskriminasyon sa paggawa, at lantarang pagsasamantala sa kanilang kakayahan kapalit ng mababa at ‘di-makatarungang sahod.

Ang diwa ng Lakambini ay naroon sa mga sektor na lumalaban upang tiyakin na ang bawat batang babae at estudyante ay may pantay na oportunidad na makapag-aral at makapagtapos. Para kay Oriang ngayon, ang tunay na kalayaan ay hindi ganap habang mayroong kababaihang ginagapos ng kawalan ng katarungan at pananamantala.  

Pagkalinga ng mga makabagong Tandang Sora sa mga nagnanais ng tunay na pagbabago

Sa gitna ng lumalalang paninirang-puri, red-tagging, at panlalait sa social media laban sa mga mamamayan at kabataan na nag-oorganisa at nagpupunta sa mga lansangan upang iboses ang hinaing laban sa mapagsamantalang estado, madalas na kinukutya ang mga Pilipinong nagnanais lamang na tuligsain ang bulok na sistema at pang-aabuso sa buwis ng bayan.

Subalit sa kasaysayan, ang pagbibigay ng tulong, kanlungan, at kalinga sa mga lumalaban ay hindi kailanman naging kasalanan—ito ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal sa bayan.

Si Melchora Aquino, na higit na kilala bilang “Tandang Sora,” ang nagpatunay nito bilang dakilang “Ina ng Katipunan.” 

Sa kabila ng kaniyang edad at panganib sa kaniyang buhay, inilaan niya ang kaniyang tahanan at sakahan upang maging ligtas na kanlungan ng mga rebolusyonaryo. Nagsilbi siyang tagapagpakain ng mga katipunero’t katipunera, tagagamot ng mga sugatan, at tagapayo ni Andres Bonifacio. Pinakain niya ang mga Katipunero ng bigas at karne, pinagkalooban ng malinis na damit, at hinandog ang kaniyang tahanan upang gamutin ang daan-daang may sakit at sugatang mandirigma. 

Nang matuklasan ng mga Kastila ang kaniyang mahalagang papel, dinakip siya at isinailalim sa mabigat na interogasyon. Ngunit kahit kailan ay hindi niya ipinagkanulo ang mga lihim ng Katipunan at buong tapang niyang iginiit na handa siyang ialay ang kaniyang buhay para sa inang bayan. 

Kung pagmamasdan si Tandang Sora sa mukha ng mga Pilipino ngayon, makikita siya sa mga mamamayang walang pag-iimbot na nagkakalinga sa mga katutubo, manggagawa, at kabataang ipinaglalaban ang ating kalayaan. Makikita siya sa mga inang buong-tatag na sumusuporta sa kanilang mga anak na namumulat at nag-oorganisa sa lansangan laban sa katiwalian ng estado.

Ang diwa ni Tandang Sora ay buhay sa mga community-led initiatives, sa mga nagbibigay ng pagkain, kanlungan, at disaster response sa gitna ng sakuna, at sa mga taong lumilikha ng ligtas na espasyo para sa bawat mamamayang Pilipino. 

Paghabi ng mga makabagong Jose Rizal sa kamalayan ng lipunan

Halos lahat ng Pilipino ay kilala siya—mula sa mga kwento ng kaniyang kabataan hanggang sa kaniyang pag-aaral. At siyempre, hindi malilimutan ang dalawang nobelang nagpaingay nang husto sa kaniyang pangalan, na naging dahilan upang maging banta siya sa paningin ng mga Kastilang prayle at sundalo.

Si Dr. Jose Rizal, o mas kilala bilang “Pepe,” ay itinuturing ng marami bilang ating pambansang bayani. Batid na ng marami ang angkin niyang talino at mga kursong kaniyang natapos: nag-aral siya ng pilosopiya, batas, at medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas, bago nagtungo sa Espanya kung saan natapos niya ang Licentiate in Medicine sa Universidad Central de Madrid noong 1884. Nagpakadalubhasa rin siya sa optalmolohiya sa Unibersidad ng Paris at Heidelberg University sa Alemanya. 

Isinulat niya ang dalawang tanyag na nobelang Noli Me Tángere at El Filibusterismo, upang ibunyag ang katiwalian, pang-aabuso, at kawalan ng katarungan ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. 

Pinangunahan din niya ang Propaganda Movement kung saan ginamit niya ang kaniyang talino, mga sanaysay, at kaalaman sa pamamahayag upang ipaglaban ang karapatang sibil, pagkakapantay-pantay, at representasyon ng mga Pilipino. 

Kung mahahabi si Rizal sa mga pangalan ng mga Pilipinong namumuhay ngayon, buhay ang kaniyang diwa sa mga estudyanteng mamamahayag na walang takot na nagsusulat at nagpapamulat tungkol sa katiwalian ng estado. 

Sila ang mga mag-aaral na gumagamit ng kanilang talino’t pinag-aralan upang pagsilbihan ang masa at ipaglaban ang mga serbisyong nararapat para sa kanila. Si Rizal ay makikita sa katauhan ng mga Pilipinong nars, doktor, guro, siyentipiko, inhinyero, at iba pang mga dalubhasang nagbabalik sa bayan ng kaniyang mga inaral at natuklasan—mga propesyonal na pinipiling maglingkod sa sariling bansa kaysa sa matamasa ang ginhawa sa ibang lupain.

Ang hamon sa makabagong panahon

Hindi na natin kailangang maghintay ng muling pagkabuhay ng ating mga pambansang bayani, sapagkat ang dugo, tapang, at aral nina Bonifacio, Luna, Oriang, Tandang Sora, at Rizal ay dumadaloy na sa ating mga ugat.

Sa harap ng mga patuloy na panggigipit, pangdarambong sa kaban ng bayan, at kawalan ng katarungan sa ating lipunan, hindi sapat na manatili lamang tayong tahimik na tagapanood.

Tayo ang mga bayani ng kasalukuyan—mga mamamayang may kakayahan at tungkuling maging boses ng mga pinatatahimik at sandigan ng mga pinagsasamantalahan.

Ang tunay na pag-alala sa kanilang sakripisyo ay wala sa taunang pag-aalay lamang ng bulaklak sa kanilang mga rebulto, kundi nasa ating aktibong pagkilos at pagtindig. 

Sa ating mga lansangan, silid-aralan, at mga komunidad, tawag ng panahon ang pag-oorganisa, pagpapamulat, at paglaban para sa ating mga batayang karapatan. Kapag pinili nating magsalita laban sa bulok na sistema, isinasabuhay natin ang makabagong rebolusyon ng pagbabago. 

Sa bawat hakbang na ginagawa natin upang labanan ang kawalan ng katarungan, binibigyang-buhay at karangalan natin ang pangalan ng bawat bayaning nauna sa atin. Hindi nagtatapos sa mga aklat ng kasaysayan ang laban para sa kalayaan; narito ito sa ating mga kamay. Sapagkat hangga’t may Pilipinong tumatayo para sa kapwa at para sa bayan, mananatiling buhay at hindi kailanman mababaon sa hukay ang diwa ng ating pagkabayani.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...