
Paris Dilanglawin
Sino ang makikiramay sa pagmamahal kong namatay, kung wala namang nakakaalam na ito’y minsang nabuhay?
Paano ko ipagtitirik ng kandila ang pagsintang nauna nang maupos bago pa man masindihan?
Gabi-gabi akong gagambalain ng mga pangakong nilipad ng hangin
Hindi rin ako patutulugin ng mga planong binuo natin.
Kasama sa kabaong ang pag-asa kong namatay
Pati mga alaalang naibaon kahit walang hukay.
Hindi ko man mapaglamayan, pahintulutan mo akong magdalamhati
Dahil walang katumbas na alay o abuloy ang makapapawi ng pighati.
Iuukit ko sa mga lapida ang mga salitang hindi ko binigkas
At dadalawin ko sa libingan ang puntod ng ating gunita.
Bakit ba kasi hindi nabigyan ng kahit isa pang sandali?
Handa naman akong sumama sa hukay.
Ngayon, ako’y mag-isang naghihintay
Walang darating, walang makikiramay
Gayunman, habangbuhay kitang ipagdarasal.
Marahil hindi ito ang tamang panahon
Marahil hindi na dapat tayo nabigyan ng pagkakataon.
Isang huling pamamaalam sa pag-ibig kong yumao.