
Sa bawat awitin ay may kwentong naghihintay na mapakinggan.
Agosto na naman. Kasabay nito ang kakaibang dagitab ng pinaghalong kaba, pananabik, at panalangin na maririnig sa bawat pagtibok ng puso ng mga mag-aaral sa senior high school na iisang taon na lamang ang nalalabi bago tahakin ang buhay-kolehiyo. Aminin man nila o hindi, unti-unti nang tumatakbo sa isipan ng marami ang tanong: Anong landas nga ba ang tatahakin matapos ang labindalawang taon ng pag-aaral?
Sa dami ng mga pamantasang maaaring pasukan, nananatiling isa ang University of the Philippines sa pinapangarap ng libo-libong kabataang Pilipino. Ngayong taon, tinatayang mahigit 153,000 ang muling susubok na makapasok sa UP—mga mag-aaral na sabay-sabay mangangarap, magdarasal, at tahimik na aasa habang hinihintay ang pagkakataong matawag na Iskolar ng Bayan.
Ngunit ang bawat pangarap ay may kaakibat na himig. May mga awiting sasabay sa mahahabang biyahe patungo sa testing center, sa mga gabing puno ng pagod mula sa requirements na kailangang ipasa, sa pagdududa kung makapapasa ba talaga, sa paghihintay ng resulta, sa unang paglalakad sa loob ng kampus, at maging sa pagkatuklas kung bakit hindi lamang para sa sarili ang edukasyong pinapangarap.
Sapagkat sa UP, ang pagpasok ay hindi dulo ng paglalakbay, ito ang simula ng mas malalim na pag-unawa sa sarili, sa kapwa, at sa bayang paglilingkuran.
At sa bawat yugto ng paglalakbay na iyon, may mga awiting nagiging higit pa sa simpleng musika. Nagiging paalala ang mga ito ng mga pangarap na pinanghahawakan, mga takot na kailangang harapin, at mga paninindigang unti-unting hinuhubog habang naglalakad tungo sa pagiging tunay na Iskolar ng Bayan.
Para sa bawat biyaheng hindi batid ang patutunguhan
Ang bawat biyahe ng kabataang Pilipinong naghahangad na makapasok sa pamantasan ay higit pa sa simpleng paglalakbay. Isa itong paglalakbay patungo sa edukasyong magpapabukas ng isipan hindi lamang sa loob ng silid-aralan, kundi sa piling ng masa at ng mga mamamayang kailangang paglingkuran.
Maaaring sa biyahe mo sa dyip patungo sa unibersidad ay marinig mo ang kantang Saan ni Maki: himig para sa lahat ng naghahanap ng kasagutan, kagaya ng paghanap ng tamang sagot sa UPCAT.
Subalit higit pa sa paghahanap, tulad ng linyang “Sa t’wing ako’y masaya, naiisip pa rin kita,” ipinapakita nitong may mga pangarap na hindi kailanman lumilisan mula sa isipan. Kahit sa mga sandaling puno ng saya, patuloy pa ring bumabalik ang pagnanais na makapasok sa UP at matupad ang matagal nang minimithing kinabukasan.
Ngunit hindi nagtatapos ang paglalakbay sa mismong pagsusulit. Dumarating din ang araw na tuluyan nang makapasok sa pamantasang matagal nang pinapangarap.
Kapag iniikot mo ang mga daanan sa loob ng kampus ng UP Los Baños o UP Cebu, hindi lamang mga puno at kalsada ang iyong makikita, kundi isang komunidad na yumayakap sa iba’t ibang pagkakakilanlan. Sa Kyusi ni Zild, naroon ang katotohanang hindi kailanman kailangang baguhin ang sarili para maging bahagi ng pamantasan.
Ang linya niyang “‘Di mo kailangang baguhin ang iyong anyo” ay paalala na sa UP, sapat ang pagiging totoo at tapat sa sarili. Sapagkat ang tunay na edukasyon ay hindi lamang humuhubog ng talino, kundi nagbibigay din ng puwang upang maging malaya ang bawat isa na yakapin ang sariling pagkakakilanlan.
Ngunit kahit nasa loob na ng pamantasan, hindi nawawala ang mga tanong sa sarili. Kasabay ng mga bagong karanasan ay ang mga pag-aalinlangan at pangamba na tila bahagi na rin ng bawat paglalakbay.
Sa mga sandaling iyon, naroon ang liriko ng Waltz of Four Left Feet ng Shirebound bilang bisig na maaaring sandalan: “Handa ‘kong harapin ka, walang katiyakan; kahit na takot sa maaaring kasagutan.” Isa itong pagyakap sa pag-aalinlangan, isang paalala na hindi kailangang mawala ang takot upang magpatuloy. Minsan, sapat nang piliing humakbang kahit nanginginig at maghintay nang may pagtitiwala.
At sa gitna ng lahat ng pag-aalinlangan, madalas tayong bumabalik sa ating pinagmulan.
Mula pagkabata, may alaala ng pagbili sa tindahan sa tabi ng bahay. Pero paano kung ang binibili ay hindi kendi o laruan, kundi mismong alaalang kailangang balikan habang unti-unting hinuhubog ng buhay-kolehiyo? Sa tindahan ng mga alaala ni Ian Quiruz, maririnig ang mga katagang “Pabili po ng sandaling naging simula ng mga pangarap.”
Isang paanyaya itong balikan ang pinagmulan at alalahanin kung saan nagsimula ang bawat mithiin. Sapagkat sa pagbabalik sa mga alaalang iyon, mas nagiging malinaw kung bakit kailangang magpatuloy.
Para sa pagsibol ng mga pangarap
Sa araw ng UPCAT, maaaring marami kang makikilalang kapwa estudyante mula sa iba’t ibang lalawigan, rehiyon, at panig ng bansa. Sa mahabang pila sa testing center, hawak ang iyong test permit, lapis na tinasahan, at baong pagkain, mapapansin ang sari-saring ID lace at unipormeng nagsisilbing paalala na sa iisang pangarap kayo pinagtagpo—ang makapasok sa UP.
Sa loob ng limang oras ng pagsusulit, bawat lapis na dumudulas sa answer sheet ay tila hindi lamang sumasagot sa mga tanong sa test booklet. Isa rin itong paunti-unting pagpapaalam sa buhay na nakasanayan sa senior high school. Habang papalapit ang pagtatapos ng pagsusulit, mas nagiging malinaw na hindi lamang ang resulta ng UPCAT ang hinihintay, kundi ang pagsisimula rin ng panibagong yugto ng buhay.
Sa mga sandaling iyon, mas lumilinaw ang mensahe ng Minsan ng Eraserheads. Ang linyang “At kung sakaling gipitin ay laging iisipin na minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan” ay paalala na saan man tayo dalhin ng kapalaran matapos ang pagsusulit, pinagbuklod tayo ng parehong pag-asa at pangarap.
At habang nakikipagbuno ka sa mga pagsubok at naiisip na nalalapit na ang iyong pagpasok sa isang yugto ng buhay na tila hindi na kasing-dali noong ika’y musmos, muli mo na namang naririnig ang awiting dati’y napapakinggan mo lang sa radyo—ang kantang Batang-Bata Ka Pa ng APO Hiking Society: “Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo.” Binibigyang-linaw nito na ang pagpasok sa UP at ang pagtanda mismo ay hindi nangangahulugang kailangang alam mo na lahat ng sagot sa lahat ng bagay.
Kahit na ang mga katanungang ito ay madalas na nagpapahinto sa atin upang mangarap at maniwala sa sarili, nagbibigay-kapanatagan sa gitna ng pag-aalinlangan ang mga katagang “Handa na ‘kong hamunin ang aking mundo ‘pagkat tuloy pa rin” mula sa kantang Tuloy Pa Rin ng Neocolors.
Sa gitna man ng maraming takot, ang mahalaga ay ang pagpili na bumangon araw-araw at lumaban pa rin. Tulad ng ipinaaalaala ng kantang Susi ng Ben&Ben: “Balikan kung bakit ba nagsimula bago mo sabihin na ayaw mo na.” Sa sandaling gustuhin mo nang sumuko, ang dahilan kung bakit ka pumila sa araw ng UPCAT ang magsisilbing susi upang magpatuloy.
Para sa pagsisilbing nag-uugat sa pagmamahal
Ngunit ang pangarap na makapasok sa UP ay hindi nagtatapos sa pagtanggap ng admission letter. Sa katunayan, dito pa lamang nagsisimula ang mas malaking tungkulin ng isang Iskolar ng Bayan. Dahil sa UP, ang musika ay hindi lang para sa sarili, kundi para sa bayan.
Sa Pula ang Kulay ng Pag-Ibig ng Plagpul, ang pagmamahal ay hindi nakukulong sa pagiging mag-isa. Sapantaha ng kanta: “Okay lang sa akin na wala s’yang panahon, ’pagkat ito naman ay para sa rebolusyon.” Ipinakikita nitong ang pag-ibig ay maaari ring maisabuhay sa pakikiisa at paninindigan. Sapagkat ang aktibismo ay hindi terorismo, kundi isang anyo ng pagmamahal sa kapwa at sa bayan. Sa ganitong paraan, nagiging tinig ang musika ng responsibilidad na kaakibat ng pagiging Iskolar ng Bayan.
Kung ang unang awit ay nagpapaalala kung para kanino dapat ialay ang pagmamahal, ang susunod naman ay nagtuturo kung paano haharapin ang mundong iyon.
Sa Bata, Dahan-Dahan! ng IV of Spades, naroon ang paalala na ang kabataan ay hindi lamang tungkol sa panahon ng pagtuklas. Tulad ng linyang “Halika na’t tuklasin, ang mundong puno ng isip-hangin”, inaanyayahan ang bawat Iskolar na lumabas sa sariling mundo at harapin ang masalimuot na realidad ng lipunan—isang mundong puno ng mga ideya, pangarap, kontradiksyon, at pakikibaka.
Ang pagpasok sa UP ay hindi paanyaya upang maging komportable, kundi paanyayang magtanong, matuto, at makibahagi sa mas malawak na lipunan.
Hindi naman kasi perpekto ang lipunang ating ginagalawan. Marami itong sigalot at sistemang nangangailangan ng pagbabago. Sumasalamin dito ang tanyag na mga linya mula sa kantang Upuan ni Gloc-9: “Kayo po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo at baka matanaw ninyo ang tunay na kalagayan ko.”
Ipinakikita nito ang bulok na sistema kung saan ang mga nasa kapangyarihan ay hindi nagseserbisyo sa mamamayan, bagkus ay umaabuso pa sa kanilang posisyon. Ang mga mag-aaral na tumatanggap sa hamon ng UP ay huhubuging tumaliwas sa ganitong kalakaran. Sa bayang ating pagsisilbihan, ang hirap ng mamamayan ay magiging atin na rin, at ang kanilang pasanin ay kasama nating bubuhatin.
Kahit subukang takutin o patahimikin ang mga iskolar sa pamamagitan ng panunupil at pananakot, mananatiling buhay ang kanilang boses. Ang lirikong “‘Di na magpapaalipin pa sa mga rehas mo. ‘Di mabubuwag ng kahit anumang sindak ang katotohanang ‘to” mula sa kantang Kapangyarihan ng Ben&Ben ay nagpapatunay na kailanman, hindi maaagaw ng kapangyarihan ang katotohanan at ang paninindigan ng kabataang lumalaban para sa bayan.
Para sa mga himig na ‘di magmamaliw
Sa magkakaibang himig at kuwento ng mga awiting ito, nabubuo ang larawan ng kabataang dumaraan sa iba’t ibang yugto ng pangangarap—may mga araw ng pag-aalinlangan, may mga sandaling tila nawawala ang direksiyon, at may mga pagkakataong ang tanging magagawa ay magpatuloy.
Hindi man iisa ang mensahe ng bawat kanta, iisa ang damdaming kanilang pinatutunayan: ang paglago ay hindi tuwid na landas, normal ang makaramdam ng pag-aalinlangan sa lahat ng bagong daan na tatahakin, at ang pagsisilbi para sa bayan ang pinakadakilang layunin sa pagpasok sa UP.
Sa pagdaan sa bawat nota, unti-unting nagiging higit pa sa paghahanda para sa UPCAT ang paglalakbay; nagiging proseso ito ng pagkilala sa sarili, pagyakap sa mga aral ng kabataan, at paghubog sa diwang handang magsilbi.
Kapag huminto na ang musika at natapos ang playlist, saka pa lamang nagsisimula ang tunay na paglalakbay. Sapagkat ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi lamang ang makapasok sa UP, kundi ang isabuhay ang mensahe ng bawat awit sa bawat hakbang—mula sa aspirasyon, tungo sa tunay na paglilingkod sa bayan.