Kaya mo naman pala. Pero ba’t pagdating sa akin, hindi mo magawa?

John Luis Soriano

Akala ko nung una, ganiyan ka lang talaga.

Akala ko, ipinanganak kang may batong dibdib at malamig na kamay. Akala ko, sadyang wala sa bokabularyo mo ang mag-alay ng bulaklak, ang magparamdam ng lambing, o ang mag-abala para sa taong naghihintay sa iyo sa gitna ng pumapatak na ulan. Akala ko, ang pag-ibig sa’yo ay isang tahimik na obligasyon—walang gaanong salita, walang gaanong galaw, at walang nakasisilaw na liwanag.

At minahal kita nang ganoon.

Sinanay ko ang sarili kong magkasya sa mumo mo. Pinaniwala ko ang aking puso na kapag sinabi mong pagod ka, ay talagang ubos ka. Kapag tinitingnan mo ang aking mukhang tumatangis at mga luhang pumapatak nang walang anumang bakas ng pag-aalala, isinusulat ko sa hangin na baka hindi ka lang talaga expressive. Pinagtiyagaan ko ang bawat panlalamig at sinubukang akyatin ang pader na itinayo mo sa pagitan ng pagmamahal ko at ng mundo mo.

Ginawa ko ang lahat upang maging madaling mahalin, upang maging tahanan ng iyong mga sakit, umaasang sana’y balang araw, kapag naging maayos ka na, ako ang unang sasalubong sa iyong mainit na yakap.

Pero ganoon kasakit pala ang sampal ng realidad nang makita ko ang iyong matamis at mahigpit na yakap sa bisig ng iba.

Bigla kong nasaksihan ang taong kailanman ay hindi mo ipinakilala sa akin. Ang sigaw ng iyong pusong kailanman ay hindi tumibok sa akin. Nakita ko kung paano mo ialay sa kaniya ang iyong umaga, kung paano ka sabik na sabik na tugunan ang pagmamahal niya—mga tugon na buwan akong nagmakaawa na makuha mula sa iyo. Nakita ko kung paano mo siya damayan nang nagkasakit siya, at kung paano mo ipinagmalaki ang pangalan niya sa tuwina.

Gumuho ang lahat ng aking paniniwala.

Hindi ka naman pala tuyong balon na walang mapainom. Hindi ka naman pala batong salat sa lamving. Hindi ka naman pala nawala ng kakayahang maging maunawain, romantiko, at maalaga.

Hindi ka naman pala piging balon. Hindi ka naman pala bato. Hindi ka naman pala nawalan ng kakayahang maging maunawain, romantiko, at maalaga.

Siguro nga’y nahirapan ka lang talaga sa akin. Ngunit nahirapan ka ba dahil ako’y may malalim na pagkukulang, o nahirapan ka dahil ako’y isang balong labis na nag-uumapaw sa pagmamahal hanggang sa ikaw ay nalunod na?

Dahil sa pagkakatanda ko, ginawa ko naman ang lahat upang maging sapat.

Kaya kitang intindihin sa anumang pagkakataon. Kaya kong maging pader na pilit kumakapit sa iyo tuwing pumapatak ang ulan at lumilindol ang iyong mundo. Kaya kong magsilbing kumot na magbibigay ng mainit na yakap sa bawat oras na nilalamig ka, kahit na ako mismo ay giniginaq din. 

Ibinuhos ko ang buo kong kaluluwa para lang maging lihim na tahanan ng iyong mga sugat, pero bakit sa dulo, nagmukha pa akong isang kulungang pilit mong tinatakasan?

Kaya mo naman pala. Pero bakit pagdating sa akin, hindi mo magawa?

Kaya mo naman palang maging taong dadating sa oras na kinakailangan ka. Kaya mo naman palang iparamdam sa isang tao na ligtas siyang maging mahina sa piling mo—mga bagay na gabi-gabi kong ipinagdasal noong ako pa ang kasama mo. 

Sana ako na lang ang pininggin ng ganoong klaseng pag-aalaga. Sana sa akin mo rin ipinaranas ang maging paborito mong tahanan.

Ako ang naglinis ng kalawang sa iyong pagkatao, pero iba ang nakinabang sa kintab nito. Ako ang naging pandayan at martilyo noong kalbung-kalbo pa ang iyong mga pakpak, pero noong handa ka nang lumipad, sa piling niya  pinili mong magpakalaya.

Hindi ko naman inasam na ialay mo ang iyong buong mundo sa akin. Subalit ganito pala kasakit na makita na ibinigay mo ito sa kaniya nang walang kahirap-hirap.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...