Buhay na kailangang buhayin 

Hindi magkatulad ang kinahihinatnan ng isang bulaklak sa bawat palad na may hawak nito. 

Bago sumapit ang Nobyembre 1, pansin na ang lamesang inilalatag sa paligid ng sementeryo. Kinalakihan na ang ganitong tanawin tuwing Undas. Ngunit kalakip din ng mga panindang nakahain ay mga taong umaasang kikita sa pagdami ng mga mamimili. Para sa kanila, may puhunan silang kailangang mabawi at pamilyang naghihintay sa kanilang pag-uwi.  Iisang bulaklak, ngunit magkaiba ang dahilan kung bakit ito hawak ng bawat isa. 

Kaya ikaw na bibili ng bulaklak, naiisip mo ba kung magkano ang kinikita ng taong nagtitinda nito? Marami ang dumadalaw sa sementeryo, ngunit marami rin ba ang nabebentahan?

Marami man ang taong mamimili, hindi naman ibig sabihin nito na tataas din ang kita ng mga nagtitinda. Patunay dito ang nangyari sa mga nagtitinda sa labas ng Manila North Cemetery noong Undas 2025.

Ayon sa ulat ni Dianne Sampang ng Inquirer.net noong October 31, 2025, nahirapang makabenta ang mga flower vendor kahit marami ang mga dumadalaw sa sementeryo. Si Jocel Leonor, na siyam na taon nang nagtitinda tuwing Undas, ay nakabenta lamang ng halaganag ₱500 ilang oras matapos magbukas ang kanilang puwesto. Noong nakaraang araw ayon sa kaniya, ₱1,200 lamang ang kinita ng kanilang pamilya. Ayon kay Leonor, ang perang iyon ay sapat lamang para sa kanilang pagkain. Sa katunayan, may apat siyang anak na umaasa sa kanilang kabuhayan. 

Gaano man karami ang bumibisita, kaunti pa rin ang kanilang naibenenta dahil marami rin ang nagtitinda sa paligid ng sementeryo. 

Hindi ba’t kabalintunaan ito? Puno ang paligid ng sementeryo, ngunit hindi puno ang mga bulsa ng mga nagtitinda. Marami mang dumaraan, ngunit hindi pinalad na bumili sa kanilang puwesto. Kung hindi naibebenta ang mga bulaklak, ang mga nagtitinda na ‘to ay mapipilitan na ibaba ang presyo para hindi masayang ang kanilang paninda. Kapag nangyari ito, nalulugi sila sa halip na mas kumita. Ang pag-asang sana’y may maiahin sila sa mga susunod na araw sa hapag, ay unti-unting nauupos.

Hindi rin bulaklak lamang ang pinagkukunan ng kita sa paligid ng mga sementeryo. Sa ulat ng Philippine Information Agency (PIA) noong Octubre 31, 2025, nailathala ang karanasan ng mga naglilinis ng puntod sa Puerto Princesa. Si Nelson Asmidon ay naniningil ng ₱300 sa bawat lapida na kaniyang nililinis tuwing tanghalian. Gayunpaman, mahirap makanap ng kostumer noong panahon na iyon dahil dumarami ang mga nag-aalok ng kaparehomg serbisyon. 

Sapat na ang ₱300 sa bawat puntod kung titignan, pero hindi naman araw-araw may nagpapalinis. Gaya ng mga nagtitinda ng bulaklak, nakasalalay din sa dami ng mga mamimili ang kanilang kinikita. Kahit man dagsa ang sementeryo, hindi namn ito nangangahulugan na lahat ay may kinikita. 

Kaya sino ang dapat kumilos? Hindi ba ang mga lokal na pamahalaan na may kapangyarihang magtakda at magregula ng mga lugar na maaaring pagtindahan? Sa ilalim ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, kinikilala sa Section 16 na tungkulin ng mga lokal na pamahalaan na itaguyod ang kabuhayan ng kanilang residente. 

May halimbawa na nito sa Iloilo City, noong Undas 2025. Sa ilalim ng Executive Order No. 108, nagtakda ang pamahalaang lungsod ng mga lugar para sa mga nagtitinda ng bulaklak at magpatupad mg special permit system. Kung nagawa na ito sa Iloilo, kaya rin itong gawin ng mga ibang lokal na pamahalaan. Nararapat na magkaroon ng patas na pagkakataon na sila’y makabenta. 

May mga bulaklak na iniaalay sa mga yumao. May mga bulaklak namang kailangang maibenta upang may maihain sa hapag ng mga buhay. Kaya ikaw, hanggang sa pag-alala lamang ba sa mga yumao ang ating Undas? Paano naman ang mga taong naririto pa, naghahanapbuhay at umaasang may kikitain bago matapos ang araw? 

Bigyan din natin ng puwang ang mga taong umaasa rito upang buhayin ang kanilang pamilya.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...