Russielle Taduran
“Ang player ng esport o sino mang naglalaro ng game na ’to is bata. I want to give them a bright future,”
—Ako si Dogie, Honor of Kings Podcast
Ang bagong hari ng labanan
Sa panahon ngayon, hindi na biro ang pagiging gamer. Kung dati ay libangan lang ito, ngayon ay isang propesyonal na larangan, isang oportunidad, at para sa ilan, isang pangarap. At sa pusod ng mabilis na paglago ng esports sa Pilipinas, isang bagong pangalan ang lumilitaw bilang hari sa larangan ng MOBA: ang Honor of Kings.
Habang patuloy ang dominasyon ng Mobile Legends (ML) sa local scene, dumarami na ang mga manlalarong lumilipat patungong Honor of Kings (HoK)—isang Chinese-developed Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) na unti-unting kinikilala hindi lamang bilang alternatibo, kundi bilang bagong pamantayan sa genre.
Bakit MOBA pa rin?
Likas na sa kulturang Pilipino ang MOBA. Ang mga laro gaya ng ML, Dota 2, at ngayon, HoK ay may timpla ng competition, strategy, diskarte, at adrenaline. Sa isang fast-paced world, naghahanap ang kabataan ng mga espasyo kung saan sila’y maaaring makipagtagisan ng galing at talino—at dito pumasok ang mga MOBA.
Sa mga Local Area Network (LAN) shop ng probinsya hanggang sa esports arenas ng Maynila, ang MOBA ay hindi lamang laro. Isa itong social currency, creative expression, at para sa ilan, pangarap na propesyon.
Honor of Kings: Ang pag-angat ng bagong higante
Inilunsad sa Philippine server noong Hunyo 23, 2024, ang Honor of Kings ay mabilis na umangat sa top 1 ranking ng lahat ng kategorya sa Google Play Store. Bukod sa quality graphics at console-feel gameplay, malakas din ang hatak ng HoK sa mga baguhang manlalaro dahil sa free epic skin boost na inaalok sa mga bagong accounts.
Hindi pa man umaabot ng isang buwan mula sa release nito, nag-trending agad ito sa mga gaming platforms at streaming sites—patunay na may momentum ang pag-akyat nito bilang major MOBA sa bansa.
Hindi lang laro, kundi karera: HoK para sa pro players
Ngunit higit pa sa aesthetics at mechanics, ang mas mahalagang usapin ay ang oportunidad. Para sa mga professional gamers at content creators, ang HoK ay nagbibigay ng bagong pinto ng posibilidad.
Marami sa mga sikat na personalidad sa ML gaya nina Renejay, Yawi, H2WO, at Sumpak ay lumipat na sa HoK. Isa sa mga rason? Mas mataas na kompensasyon, flexible affiliate programs, at konkretong plano para sa mga tournament organizers.
“Kasi, they [HoK] will give me authorization to have my own tournament, na kung sino man ang mag-champion doon is mag-qua-qualify for PKL [Philippine Kings League],”pagbabahagi ni Ako si Dogie, isa sa pinaka-impluwensiyal na gaming content creator sa bansa.
“Ang player ng esport o sino mang naglalaro ng game na ’to is bata. I want to give them a bright future,” dagdag pa niya.
Ang naturang pahayag ay hindi lamang patunay ng tiwala sa HoK, kundi indikasyon ng direksyong nais tahakin ng laro: player-centered, inclusive, at pangmatagalan.
HoK para sa lahat: Casual Man o hardcore
Hindi lamang mga pro ang target ng HoK. Kahit ang mga casual players, baguhan, at skin collectors ay may lugar sa bagong larong ito. Isa sa mga dahilan ng mabilis nitong pag-angat ay ang pagiging accessible at rewarding.
Ang mga murang skins, frequent in-game events, at free collab drops ay nagbibigay kasiyahan sa manlalaro. Sa katunayan, may mga libreng skin na may high-tier graphic effects—mga item na sa ibang laro ay kailangang bayaran ng mahal.
Halimbawa, sa kanilang collaboration event kasama ang Jurassic World: Rebirth, nakatanggap ang mga manlalaro ng free skin para kay Consort Yu. Mga ganitong surprise rewards ang nagbibigay saysay at excitement sa bawat login.
Sa likod ng paglipat: Bakit Honor of Kings ang pinipili?
May ilang pangunahing rason kung bakit ang HoK ang pinipiling alternatibo sa ML:
Sa isang eksenang matagal nang pinaghaharian ng isang laro, HoK ang unang lumalaban nang pantay, hindi bilang kopya kundi bilang kompiyansang innovator.
Ayon sa ilang analyst, ang HoK ay maihahambing sa League of Legends: Wild Rift in terms of gameplay quality, ngunit may lokalisadong appeal na akma sa Southeast Asia market.
Mas malawak na epekto: Eksena, ekonomiya, at esports
Kung magpapatuloy ang trajectory ng HoK, malaki ang posibilidad na mapasama ito sa international tournaments gaya ng 2026 Asian Games. Mula grassroots tournaments sa barangay halls hanggang major collabs at sponsor deals, lumalawak ang ecosystem ng Filipino esports—at HoK ang isa sa mga nagtutulak nito.
Bukod dito, umaasa ang mga developers at organizers na lalago rin ang community-based teams, na maaaring magbukas ng hanapbuhay at scholarship grants para sa mga batang manlalaro.
Sa dulo ng laban
Ang tanong: Hari nga ba ang HoK o isa lamang itong panandaliang uso? Kung pagbabasehan ang datos, desisyon ng mga pro player, at excitement ng community, mukhang ang sagot ay malinaw.
Sa panahon ng mabilis na pagbabago sa dihital na mundo, ang MOBA ay hindi nawawala—nag-iiba lang ng mukha. At para sa maraming Pilipino, ang mukha ng susunod na henerasyon ng gaming ay unti-unting nililikha na ng Honor of Kings.