Angelo James Dela Rama
Kilala ang kontinenteng Antarctica sa taglay nitong mga glacier o malalaking tipak ng yelo, ngunit buhat ng matinding pagbabago sa klima ng mundo, maaaring ito ang maging sanhi ng malubhang pagputok ng bulkan sa lugar.
Natuklasan ito sa isinagawang pag-aaral sa Chile kung saan habang unti-unting natutunaw ang mga glacier dulot ng lumalalang init sa ating mundo, mas nagiging aktibo ang mga bulkang nababalot ng mga ito.
Ayon kay Pablo Moreno-Yaeger, tagapanguna ng naturang pananaliksik na ipinamalas sa Goldschmidt Geochemistry Conference sa Prague, “as glaciers retreat due to climate change, our findings suggest these volcanoes go on to erupt more frequently and more explosively.”
[Dahil sa pagkawala ng mga glacier buhat ng pagbabago sa ating klima, ipinapakita ng aming resulta na mas nagiging malimit at malakas ang pag-alboroto ng mga bulkan.]
Batay sa nasabing pag-aaral, nangyayari ito sapagkat nawawala ang pressure na nararanasan ng magma chamber o imbakan ng magma sa ilalim ng lupa na pumipigil sa pagsabog ng mga bulkan.
Nagdudulot ito ng pag-expand ng mga gas sa loob ng magma na nagiging sanhi upang tumaas ang aktibidad ng mga bulkang natabunan ng glacier.
Dahil dito, posibleng malagay sa panganib ang mga rehiyong nababalot ng yelo, partikular ang kanlurang bahagi ng Antarctica na nagtataglay ng West Antarctic Ice Sheet na tumatakip sa mahigit 100 na bulkan.
Kung tuluyang matutunaw ang naturang malaking piraso ng yelo, maaari itong ikapahamak ng mga naninirahan dito at maapektuhan maging ang kanilang hanapbuhay dulot ng labis na pagputok ng bulkan.
Bukod dito, posible rin itong maging dahilan ng pagtaas ng lebel ng carbon dioxide at methane sa ating atmospera na mas lalong magpapalubha ng init sa ating planeta.
Bunsod nito, makatutulong ang pagsasagawa ng malawakang pag-aaral upang mas mapatibay ang epekto ng pagbabago ng ating klima sa mga natural na proseso gaya ng pag-alboroto ng bulkan.
Sa patuloy na pagbabago ng klima sa ating mundo, patuloy ring lumilitaw ang nakakubling peligro sa ilalim ng yelo. At kung hindi tuluyang maaagapan, maaaring umabot sa punto kung saan higit pa sa pagsabog ng bulkan ang maging tugon ng kalikasan.