
Elijah Costes
“The pen is mightier than the sword.”
Madalas iniuugnay ang kasabihang ito sa isang bayaning nakilala hindi dahil sa lakas ng kaniyang sandata, kundi sa talim ng kaniyang pluma — isang panulat na naging inspirasyon sa pakikibaka ng mga Pilipino laban sa ‘di pantay at mapang-abusong lipunan — siya si Pepe, ang ating pambansang bayani, o mas kilala bilang Gat. Jose Rizal.
Ang kanyang mga akdang El Filibusterismo at Noli Me Tangere ang nagsilbing susi upang pasiklabin ang damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino. Kaya’t hindi kataka-taka na hanggang ngayon, itinuturo sa mga kabataan ang mga nobelang ito upang sila ay mamulat at maging mapanuri.
Ngunit kamakailan lamang, nagkaroon ng mosyon upang bawasan ang pag-aaral sa mga akda ni Rizal sa ilang institusyon. Hindi lamang ito simpleng reporma sa edukasyon, kundi isang malaking hakbang palayo sa layuning higit pang palawakin ang pag-unawa sa kahalagahan ng mga akda ni Rizal at kung paano ang mga ito ay nananatiling mahalaga sa kasalukuyan.
Pinakakilalang bayaning humawak ng pluma
Upang gawaran ng karampatang pagkilala ang mga natatanging bayani ng ating kasaysayan, kinikilala sila sa pamamagitan ng pagbuo ng mga komite na nakasentro sa pagpupulong at pagsisiyasat sa mga nagawa ng bawat bayani. Sa bisa ng rekomendasyon mula sa National Commission for Culture and the Arts – National Heroes Committee noong 1995, isa si Rizal sa siyam na Pilipinong kinikilalang pambansang bayani na nagpamalas ng kagitingan at naging bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Kabilang din sa siyam na ito ay sina:
Sa siyam na ito, si Rizal ang natatanging pangunahing kinilala sa paggamit ng pluma bilang sandata. Kung sina Bonifacio at Aguinaldo ay gumamit ng dahas bilang pagtanggol sa mga Pilipino laban sa mga Espanyol, ang ginamit nila ay mga akdang nagpamulat sa mga Pilipino upang magsimula ng aklasan.
Ang legasiya niya mula sa mga akdang ito ay patunay na sandata rin ang mga salita. Dahil sa mga akdang ito, nabuo ang aklasan at unti-unting nabuo ang damdaming mapaghimagsik ng mga Pilipino.
Bakit napapanahon pa rin si Rizal at ang kaniyang mga akda?
Ang akda niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay parehong mga nobelang tumatalakay sa mga isyung panlipunang kinaharap ng bansa natin noong nasa ilalim ito ng kolonyalisasyon.
Sa Noli Me Tangere, ipinakilala niya ang katiwalian at korapsyon ng rehimeng Espanyol, pati ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil lang sa pera at ang mababang pagtingin sa kababaihan.
Habang sa El Filibusterismo, mas napalalim ang konsepto ng rasismo, abuso mula sa mga prayle, at pagpapahalaga sa repormang politikal.
Sa kasalukuyan, makikita pa rin natin ang mga ganitong pangyayari — hindi man eksaktong replika, magkasingwangis pa rin. Gaya ng sa mga akda ni Rizal, isang malaking suliraning panlipunan ang pagkakahiwalay ng taumbayan base sa kanilang uring panlipunan, na nagbibigay ng malaking pagitan sa gitna ng mayayaman at mahihirap. Hindi rin nawala ang katiwalian sa ating bayan. Napapasok ito sa iba’t ibang anyo. Hindi rin nawawala ang konsepto ng repormang politikal. Dito, pinapahalagahan ang pangangailangan ng pagbabago o reporma sa mga polisiya upang pahigpitin o paluwagin ang batas upang umayon sa pangangailangan ng bansa.
Ang mga tauhan sa kanyang mga nobela ay hindi lamang produkto ng kolonyal na panahon, kundi representasyon din ng mga patuloy na karanasang Pilipino. Gaya lamang ng karumal-dumal na kapalaran ni Sisa sa kolonyal na okupasyon, sinasalamin ng karakter na ito ang mga kasalukuyang suliraning panlipunan na hinaharap natin sa iba’t ibang anyo at nananatiling problema sa atin ngayon. Katulad din ng buhay ni Maria Clara sa Noli Me Tangere, hindi pa rin nalalayo ang epekto ng kaisipang hindi pantay na pagtingin sa kababaihan ng lipunan.
Sa madaling salita, hindi lang basta akda ang mga gawa niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang mga literaturang ito ay hindi lamang napapanahon kundi panghabambuhay na suntok sa mga mukha ng mga mapang-abuso sa ating bansa, kahit na may puwesto o wala.
Bagamat nagbago na ang panahon, nananatiling mahalaga ang mga temang tinuligsa ni Rizal, na tumatalakay sa pang-aabuso sa kapangyarihan at ang kakulangan ng representasyon ng mga Pilipino sa panahon ng kolonyalisasyon
Ang pamana ni Rizal sa salinlahi
Sa bisa ng Batas Republika Blg. 1425 o Rizal Law, ipinag-utos ang pag-aaral ng buhay at mga akda ni Rizal sa mga paaralan. Hindi lamang ito pag-alala sa kagitingan ni Pepe. Ngunit para na rin mahubog sa paaralan pa lamang ang mga kabataang may kamalayang panlipunan. Pinapahalagahan nito ang pangangailangan na ang kabataan ay maging mulat, responsable, at mapanuri. Upang sana ay maiwasan ang suliraning panlipunang hinarap ni Rizal sa kaniyang pagtanda.
Binibigyang-diin ng batas na ito na tungkulin nating Pilipino ang mamulat at magpamulat ng mga kabataan, nang sa gayo’y mapanagot ang mga may kapangyarihan at maisulong ang mabuting pamamahala na malayo sa katiwalian at pang-aabuso.
Hindi naging pambansang bayani si Rizal dahil siya ang pinakamalakas na mandirigma kundi dahil pinatunayan niyang kayang baguhin ng isang akda ang pagtingin ng isang bayan sa sarili nito. Sa panahon ng kolonyal na panunupil, nagsilbing tagapagmulat sa kamalayan ng taumbayan ang kaniyang mga akda.
Sa kasalukuyan, mayroon din tayong munting mga “Rizal” — mga manunulat, mamamahayag, at kabataang gumagamit ng salita upang maglantad ng katotohanan at hamunin ang kapangyarihan. Gaya ni Rizal, mahalagang parte rin sila ng lipunan upang may tagapagtanggol pa rin tayo sa kasinungalingan.
Hindi man humawak ng armas si Rizal, napakalaki pa rin ng ambag ng kaniyang panulat sa pag-usbong ng paghihimagsik ng mga Pilipino. Patunay na kayang magpasiklab ng rebolusyon ang isang pluma.