
Posibleng tumaas muli ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo dahil sa pagtaas ng global oil prices bunsod ng patuloy na sigalot sa Middle East.
Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) prices at foreign exchange rates mula Agosto 10 hanggang 13, maaaring magkaroon ng ₱2.30 kada litro na dagdag sa presyo ng diesel, habang ₱1.40 kada litro naman para sa gasolina at ₱1.50 kada litro para sa kerosene.
Iginiit ng Presidente ng Jetti Petroleum na si Leo Bellas na nananatiling pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng langis ang kawalan ng katiyakan sa sitwasyon sa pagitan ng United States (US) at Iran gayundin ang pagkakaroon muli ng shipping traffic sa Strait of Hormuz.
“Oil prices climbed due to a rebuild in the geopolitical premium as prospects for a diplomatic solution to the US-Iran conflict and normalization of navigation through the Strait of Hormuz have dimmed,” paliwanag ni Bellas.
Samantala, nagbabala si US President Donald Trump na magpapatupad siya ng “most crushing sanctions” laban sa Iran.
Ayon pa kay Bellas, maaaring higit pang maapektuhan ang suplay ng krudo sakaling magkaroon ng disruptions na dulot ng sanctions.
Habang patuloy ding nakaaapekto sa presyo at suplay ng diesel ang limitadong exports mula sa Russia.
“Sustaining the strength of diesel is the still-fragile physical balances, despite improving replacement supply from continued acceleration of outflows from China, as concerns remain over low inventories, reduced Middle Eastern availability through the Strait of Hormuz, and constrained exports from Russia,” dagdag ng pangulo ng Jetti Petroleum.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang kanilang price adjustments tuwing Lunes, na ipinapatupad pagsapit ng Martes.