Pagtaas ng stunting rate sa Pinas, dagok sa edukasyon ng kabataan — EDCOM 2

Explained PHNews1 month ago

Photo courtesy of EDCOM 2

Jan Ethan Caliboso

Nagbabala ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na maaaring magkaroon ng malawakang epekto sa pagkatuto ng mga batang Pilipino ang muling pagtaas ng kaso ng stunting o pagkabansot sa bansa, sa kabila ng patuloy na pagsisikap na tugunan ang krisis sa edukasyon.

Ito ay matapos na umakyat sa 25.3% ang kaso ng stunting sa mga batang Pilipino noong 2025 na kauna-unahang pagtaas sa loob ng mahigit isang dekada, ayon sa datos ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na inilabas nitong Hunyo 17.

Ang datos ay mula sa National Nutrition Survey ng ahensya na isinagawa mula Abril 2025 hanggang Marso 2026.

Mas mataas ito ng 1.7 porsyento kumpara sa naitalang noong 2023, at nananatiling isang seryosong suliranin sa pampublikong kalusugan ayon sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).

Ayon sa EDCOM 2, ang mga batang nakararanas ng stunting ay mas nanganganib na magkaroon ng pagkaantala sa pag-unlad ng pag-iisip, kasanayan sa wika, at kakayahang matuto bago pa man sila pumasok sa paaralan.

“The increase in stunting after a decade of decline should serve as a wake-up call for all of us. We cannot remediate in Grade 3 what was neglected in the first three years of life. If we are serious about solving the learning crisis, we must start by solving the nutrition crisis,” ani Rep. Roman Romulo, EDCOM 2 co-chairperson at chairman ng House Committee on Basic Education and Culture.

Binigyang-diin din ng komisyon na paulit-ulit nang ipinakita ng kanilang mga pagsusuri na ang mga batang pumapasok sa paaralan na kulang sa nutrisyon ay nahaharap sa mas malaking hamon sa pagbasa, matematika, at pangkalahatang pagkatuto kumpara sa kanilang mga kapantay.

Sa kabilang banda, base sa mga pag-aaral ng WHO, ang stunting ay bunga ng magkakaugnay na salik tulad ng hindi sapat na pagkain, madalas na pagkakasakit, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, mahinang sanitasyon, at iba pang panlipunan at pang-ekonomiyang kondisyon.

Sinabi na rin noong 2023 ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Philippine Institute for Development Studies (PIDS) matapos tumama sa 23.6% ang kaso ng stunting na hindi sapat ang mga feeding program lamang upang tuluyang masolusyunan ang pagkabansot ng mga bata.

Ayon sa kanilang mga pag-aaral, kinakailangan ang komprehensibo at tuloy-tuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor—kabilang ang kalusugan, edukasyon, social protection, at mga lokal na pamahalaan—upang matugunan ang mga ugat ng problema gaya ng kahirapan, kakulangan sa pangunahing serbisyo, at hindi pantay na oportunidad para sa mga bata.

Isa rin sa mga nakikitang salik sa pagtaas ng stunting ang lumalalang kawalan ng seguridad sa pagkain sa bansa. Ayon sa parehong survey, isa sa bawat tatlong Pilipino o 31.4% ng populasyon ang nakararanas ng katamtaman hanggang matinding antas ng food insecurity.

Itinuturing itong isa sa mga pangunahing dahilan ng kakulangan sa nutrisyon ng mga bata at maaaring nag-aambag sa pagtaas ng kaso ng pagkabansot sa bansa.

Isinasagawa ng DOST-FNRI ang naturang survey kada dalawa hanggang tatlong taon mula pa noong 1989.

Batay sa mga naitalang datos, unti-unting bumaba ang kaso ng stunting sa bansa mula 44.5% noong 1989 hanggang 23.6% noong 2023, maliban sa bahagyang pagtaas noong 2015. Gayunman, ang naitalang 25.3% ng nagdaang taon ang unang malinaw na pagbaliktad sa matagal nang pagbaba ng kaso ng pagkabansot sa loob ng mahigit isang dekada.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...