
Orlando Liwag
Hinimok ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga administrasyon ng paaralan at mga magulang na turuan ang mga mag-aaral kung paano gamitin ang Unified 911 hotline sa oras ng emergency, kasunod ng mga insidente ng karahasan at banta sa seguridad ng paaralan.
Binigyang-diin ni Remulla ang kahalagahan ng kahandaan at mabilis na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mapabilis ang pagtugon sa mga emergency at makatulong sa pagliligtas ng buhay.
“Sa nangyari sa Tacloban, within one minute tumawag ang teacher sa 911 at within four minutes dumating ang BFP on-site. It’s working. Turuan po natin ang ating mga kabataan na gumamit ng 911, nationwide po iyan,” pahayag ni Remulla sa isinagawang National Simultaneous School Safety Drill sa Carlos F. Gonzales High School sa San Rafael, Bulacan noong Huwebes, Setyembre 3.
Nanawagan din ang kalihim sa mga guro, stakeholder, at publiko na maging pamilyar sa mga emergency response system at protocol upang maging handa sa oras ng panganib.
Samantala, kinilala ni Remulla ang mahalagang papel ng mga guro sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mag-aaral.
“I pay homage to the teachers. A lot is on your shoulders.The responsibility is on you to take care of the children,” saad ni Remulla.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at pagsasagawa ng simulation drills upang matutunan ng mga responder at mamamayan ang wastong pagkilos sa oras ng emergency.
“The process of learning never stops, and today is an example of that,” ani Remulla.
Dagdag niya, mahalaga ang mga ganitong pagsasanay upang matutunan ng mga kalahok kung paano maghanda at tumugon sa iba’t ibang sitwasyon.
“Today we learn to prepare, today we learn to react. Today we learn that in cases of emergencies, alam natin kung ano ang mangyayari,” dagdag pa niya.
Ayon kay Remulla, mahalaga ang ganitong antas ng kahandaan, hindi lamang sa mga insidente ng karahasan sa paaralan kundi maging malalaking kalamidad, kabilang ang inaasahang “Big One” na lindol.