
John Carlo Bangsoy
Lantad na sa publiko ang bawat hakbang ng mga pangunahing repormang pang-edukasyon matapos ilunsad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Legislative Tracker, isang online dashboard na magbibigay sa publiko ng real-time na pagsubaybay sa mga pangunahing panukala at batas sa edukasyon mula Kongreso hanggang sa aktuwal na pagpapatupad.
Layunin ng bagong plataporma na palakasin ang transparency at pananagutan sa pamamagitan ng pagbubukas ng impormasyon tungkol sa estado ng mga prayoridad na reporma sa edukasyon para sa mga mambabatas, ahensya ng pamahalaan, mga mananaliksik, development partners, at mamamayan.
Ayon kay EDCOM 2 Co-Chairperson at Pasig Rep. Roman Romulo, ipinakikita ng Legislative Tracker ang pag-unlad ng mga panukala at batas na isinusulong ng komisyon bilang patunay ng kanilang pangako sa pagsusulong ng makabuluhang reporma sa sektor ng edukasyon.
“[The Legislative Tracker] allows all citizens to see the progress of bills and laws championed by EDCOM 2. These are landmark initiatives that show our commitment to transparency in pushing for education reform,” ani Rep. Romulo.
Pinagsasama ng tracker ang mga prayoridad na hakbang sa walong pangunahing larangan ng reporma at ang mga batas sa edukasyong naipasa sa ika-19 at ika-20 Kongreso upang masundan ng publiko ang buong proseso ng policymaking.
Kabilang sa mga tampok na batas sa plataporma ang Republic Act 12321 o Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) Schools Act na naglalayong tugunan ang suliranin ng mga paaralang nasa liblib at mahihirap na lugar.
Maaari ring magsumite ang publiko ng mga position paper at pag-aaral para sa mga panukalang batas na nasa deliberasyon pa sa Kamara at Senado upang makatulong sa paghubog ng mga polisiya.
Ayon sa EDCOM 2, kokolektahin at susuriin ang mga isusumiteng rekomendasyon bago ito ibahagi sa mga mambabatas bilang bahagi ng proseso ng paglikha ng batas.
Hindi lamang pagpasa ng batas ang binabantayan ng tracker dahil sinusubaybayan din nito ang paglalabas ng implementing rules and regulations o IRRs gamit ang mga visual indicator.
Naka-amber ang mga batas na nalalapit na ang itinakdang deadline ng kanilang IRRs habang naka-red naman ang mga lumampas na sa itinakdang panahon nang wala pang kumpletong implementing rules.
Kabilang sa mga nakitaan ng pagkaantala ang ECCD System Act o Republic Act 12199 at ang Expanded Career Progression Law o Republic Act 12288 na dapat sana ay nagkaroon na ng IRR noong Disyembre 2025.
Binigyang-diin ni EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee na makikita lamang ang totoong epekto ng mga reporma kung malinaw ang guidelines, may sapat na pondo, at maramdaman ng mga guro at mag-aaral.
“Reforms achieve their intended impact only when implementing guidelines are clear, are funded, and when the intended reforms are felt by teachers and students on the ground”, ani Dr. Yee. “By making this process visible, we hope to encourage participation in the legislative process, and also promote greater accountability among policymakers, implementing agencies, and the public.”
Maaari nang ma-access ng publiko ang Legislative Tracker sa edcom2.gov.ph upang masubaybayan ang pag-usad ng mga repormang pang-edukasyon at mapalakas ang pakikilahok ng bawat mamamayan sa proseso ng paggawa at pagpapatupad ng batas.