SONA 2025 | Kulang pa sa lakas ang palakasan

Sa ikaapat na SONA ni Pangulong Marcos Jr., binanggit niya ang sports development — isang pangakong kadalasang naiiwan sa sidelines ng tunay na reporma. Ngunit kailan nga ba magiging full-time player sa polisiya ang larong pampalakasan, at hindi panay cheering section lang ng gobyerno?

Sa kanyang midterm State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 28, 2025, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang intensyon na buuin ang kabataan sa pamamagitan ng sports — “Uumpisahan natin ito sa paaralan pa lamang.” Ipinagmalaki rin niya ang mga tagumpay ng bansa sa Winter Games. Subalit sapat ba ang pagbabalik ng interschool activities upang buuin ang atletang Pilipino?

Sa gitna ng mga adyenda sa edukasyon, agrikultura, at imprastruktura, nananatiling kulang ang konkretong plano para sa grassroots sports development. Wala pa ring malinaw na blueprint para sa paghubog ng batang atleta mula paaralan hanggang elite level. Bagama’t positibong hakbang ang pagbabalik ng interscholastic sports, tila limitado ito sa game events na kulang sa support systems tulad ng coaching, equipment, at athlete protection protocols.

Sa public education context, kinikilala ng pagbabalik ng school-based sports ang papel ng physical activity sa holistic development ng mga kabataan. Ngunit ayon sa DepEd at EDCOM II, may 165,443 na kakulangan sa silid-aralan noong School Year 2023–2024, at 70% ng school buildings ang kailangan kumpunihin. May kakulangan din ng mahigit 89,000 guro, na may “insufficient teacher” rates na 9% (K–6), 24% (JHS), at 34% (SHS).

Ayon sa Philippine Sports Commission (PSC), 44% ng sports participation ay nasa urban centers—indikasyong hindi pantay ang access sa sports. Samantala, mga sistematikong review ng internasyonal na pag-aaral at ulat mula sa PMC (2023) ay nagpapakita na ang structured at consistent na partisipasyon sa sports ay may positibong epekto sa self-esteem, social interaction, at mental well-being ng kabataan. Sa mga batang babae, 17% lamang ang may depression kung regular silang naglalaro, kumpara sa 29% sa hindi; habang 11% vs 21% ang gap sa anxiety rates.

Ngunit hindi sapat ang isang beses na intrams kada taon. Ang tunay na epekto ng sports ay nakasalalay sa consistency at kalidad ng implementasyon. Kung ang pokus ay panalo lamang, nawawala ang layuning bumuo ng disiplina, self-worth, at kolektibong kasiyahan.

Sa ngayon, wala ring sapat na athletic scholarships, career pathways, o injury protection para sa mga batang atleta sa pampublikong paaralan. Ang sports development ay nangangailangan ng holistic structure — hindi lamang sa field kundi pati na sa loob ng silid-aralan at komunidad.

Sa perspektibo ng human anatomy, ang formative years ang pinaka-kritikal sa physical literacy development. Ngunit kulang sa oras ang PE classes, at maraming paaralan ang walang equipment — sayang ang pagkakataon para sa optimal growth.

Sa mga probinsya, limitado pa rin ang access sa kalidad na pasilidad. Halimbawa, ang Polysports Complex sa Butuan na itinayo para sa rehiyon ay nananatiling hindi operational matapos ang halos isang dekada: kulang sa certified coaches, kagamitan, at access.

May umiiral na batas gaya ng RA 5708 (Schools Physical Education and Sports Development Act), pero hindi ito lubusang naipatutupad sa maraming lokalidad dahil sa kakulangan sa infrastructure at scholarship support. Sa 2025 budget, ayon sa IBON Foundation, mas prayoridad ang debt servicing at intelligence funds kaysa social services gaya ng edukasyon at labor. Sa ₱218M budget ng PSC noong 2023, tinatayang ₱30M lang ang napunta sa grassroots programs tulad ng Batang Pinoy at Palarong Pambansa — malayo sa ₱300M na orihinal na panukala.

Sa halip na mga sentro ng talento, maraming regional training centers ang nananatiling underdeveloped. Ayon sa PSC, kailangan pa ng rehabilitasyon sa PhilSports Complex, Rizal Memorial, at Baguio training center. Kulang din ang mental health professionals, physiotherapists, at nutritionists — basic needs para sa maayos na training ecosystem.

Kaya ang tanong: paano tayo makaaasa ng consistent excellence kung ang tagumpay ng atleta ay kadalasang bunga ng tiyaga, hindi ng sistema? May mga batang kailangan magbenta muna ng fishball bago makapag-ensayo, o gumamit ng hiniram na sapatos sa national competitions. Hindi ito kuwento ng kakulangan sa talento kundi kakulangan sa suporta.

Sa halip na umikot lamang sa mga slogan, dapat tumungo sa konkretong investment: sports education modules para sa guro, inter-agency athletic support, health and mental frameworks, at regular PE evaluation. Hindi sapat ang simpleng pagbabalik ng palaro.

Kailangan itong kilalanin bilang bahagi ng youth empowerment agenda.

Ang tunay na grassroots sports development ay nangangailangan ng political will: tuloy-tuloy na pondo, malinaw na policy framework, at sistematikong suporta mula paaralan hanggang podium. Sapagkat ang pagiging kampeon ay hindi dapat nakadepende sa ZIP code kundi sa pagkakapantay-pantay ng oportunidad.

1 Votes: 0 Upvotes, 1 Downvotes (-1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...