Tahanan ni Mang Nanie na nagpalago ng “punò” ng kaalaman at paglilingkod sa sangkatauhan

Sa dinami-rami ng mga tahanan sa Balagtas Street, Barangay La Paz, Makati City, mayroong isang bahay na namumukod-tangi sa lahat. Hindi lamang ito nagsisilbing kanlungan sa mga taong dumaraan kundi naghahandog din ng bunga ng karunungan para sa mga nais sumilong at muling makahanap ng direksyon.

Sa kalayuan, isa lamang itong munting tirahan na napaglipasan na ng panahon, ngunit sa bawat paghakbang papalapit dito, unit-unting mararamdaman na mayroong kakaiba sa lugar. 

Sa likod ng makitid na raan at simpleng pader ay nakatago ang isang adhikaing halos dalawang dekada nang tahimik na umuugat sa puso ng komunidad, pinagyayaman hindi ng pera o kapangyarihan, kundi ng paniniwalang may mga bagay na mas lalong lumalago kapag malayang ibinabahagi sa iba.

Ito ang tahanan ni Hernando Guanlao, o mas kilala bilang “Mang Nanie” — ang lalaking nagtanim ng isang munting binhi ng adbokasiya na kalaunan ay yumabong bilang Reading Club 2000, isang community library na patuloy na namumunga para sa mga taong gutom sa kaalaman. Kapansin-pansin man ang kaniyang mga puting buhok at kulubot na balat, kailanman ay mananatiling bukas para sa lahat ang kaniyang bahay, dahil walang-tigil niya itong itataguyod hanggang kaya pa ng kaniyang katawan.

Ugat ng adbokasiya

Bawat puno ay tumutubo nang matatag kung matibay ang ugat nito. Gayundin ang nakaraan ni Mang Nanie, kung saan ang paniniwala sa kaniyang mga ginagawa at sa sarili ang kaniyang mahigpit na kinapitan.

Bago pa man ang lahat, isa siyang Certified Public Accountant na kalaunan ay naging political strategist at namuhay tulad ng maraming Pilipinong nagsisikap na itaguyod ang pamilya sa gitna ng araw-araw na pangangailangan. Subalit, unti-unti niyang naranasan na hindi na sapat ang perang naisisilid niya sa pitaka upang suportahan ang kaniyang tatlong anak, dahilan upang dumating siya sa puntong kinakailangang humanap ng panibagong direksyon ng buhay.

Sa panahong iyon, hindi negosyo o malaking pagkakakitaan ang naisip niyang simulang ipunla. Sa halip, noong taong 2000, nagsimula siyang maglabas ng mahigit-kumulang 50 na aklat sa labas ng kanilang tahanan — mga librong kaniyang ibinahagi para sa sinumang nais magbasa, manghiram, o pansamantalang tumigil mula sa bigat ng realidad.

“I make it appear like I’m selling the idea of these reading materials like newsstands. Make it attractive, inviting,” saad niya sa isang panayam ng ABS-CBN News.

Wala siyang katiyakang mayroong papansin dito, at lalong wala siyang inaasahang magiging malaking bahagi ito ng kaniyang buhay balang araw. Gayunpaman, habang may mga taong humihinto upang sumilip at bumabalik upang muling manghiram, unti-unti ring lumalalim ang ugat ng munting adhikaing hindi niya inakalang yayabong sa paglipas ng panahon.

Habang dumarami ang mga taong naaabot ng kaniyang simpleng pagbabahagi, dumarami rin ang mga taong kumakatok sa kaniyang pinto upang kusang magkaloob ng libro. Hanggang sa ang dating limampung aklat lamang ay naging milyon-milyong pahinang sumasakop na sa bawat sulok ng kaniyang tahanan.

Kaya naman ngayon, saksi ang ugat ng kaniyang pinagmulan sa libo-libong tao na kaniyang natutulungan dahil bukas na ang kaniyang aklatan anumang oras sa isang araw. Hindi rin humihingi si Mang Nanie ng salapi dahil libre nang humiram ng libro at maaari na rin itong kupkupin ng kahit sino man.

Sanga ng pagbabahagi

Sa mahigpit na kapit ng kaniyang ugat, unti-unti na ring umunlad at tumubo nang mataas ang kaniyang layunin. Tulad ng punong humahaba ang sanga patungo sa iba’t ibang direksyon, ganoon din ang naging paglalakbay ni Mang Nanie dahil mula sa loob ng kaniyang tahanan ay naabot na rin niya ang malalayong komunidad. 

Ang dating personal na adhikain ay unti-unting naging mas malawak na misyon na sumasaklaw sa mas malaking suliranin ng edukasyon sa bansa.

Hindi lamang sa Makati City umiikot ang kaniyang pagbabahagi, kundi sa mga paaralan at komunidad na ilang kilometro pa ang layo, at nananatiling limitado ang akses sa mga aklat at iba pang kagamitan sa pagkatuto. Sa bawat biyahe niya, tila bitbit niya ang isang paalala na ang pagkatuto ay hindi rapat nakakulong sa mga sentrong lungsod lamang, kundi rapat abot kahit sa pinakaliblib na bahagi ng bansa.

“As of this date, I’m still here, very active in doing some of my programs like books to reach the remote places in the Philippines, sending books to different provinces that seem to be a record for my project. It’s not that easy. But surprisingly, I was able to achieve that until today,” wika niya sa panayam ng Philstar Life.

Tuwing siya ay naglalakad sa kahabaan ng mga kalye, bitbit niya ang kaniyang trolley o backpack kung saan nasa loob ang mga aklat na kaniyang ipapamahagi tuwing makakakita siya ng mga batang nakatambay sa kalsada o nasa labas ng paaralan. Para sa kaniya, ang bawat aklat ay hindi lamang bagay na hinahawakan, kundi pagkakataong iniaabot — dahil siya ay naniniwalang ang kaalaman ay rapat lumalapit sa tao upang mas maging hinog sa karunungan, lalo na sa mga lugar na madalas ay naiiwan sa agos ng kaunlaran.

“I initiated a book walking concept that when I go out because I cannot afford the high cost of transportation, I walk with books tagging along with me, and chances are there are kids that I will be sharing this and making them happy,” dagdag pa niya.

Napadpad na rin ang kaniyang mga aklat patungo sa Cagayan sa hilagang bahagi ng Pilipinas hanggang sa Tawi-Tawi sa timog. Sa bawat komunidad na kaniyang narating, paulit-ulit niyang nasasaksihan ang parehong tagpo na marami pa ring mga batang nahihirapan sa pagbabasa at mga paaralang kapos sa materyales.

Sa mas malawak na konteksto, lumilitaw pa rin ang malalim na krisis sa pagbabasa sa Pilipinas.

Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), tinatayang nasa 85 porsyento ng mga mag-aaral sa baitang 1 hanggang 3 ang nahihirapan sa pagbabasa, at halos 15 porsyento lamang ang nasa tamang antas ng literasiya. Kaakibat nito ang 4.5 milyong mga batang Pilipino na itinuturing ang pagbabasa bilang isang malaking hamon.

Sa kabila nito, patuloy na naninindigan si Mang Nanie sa kaniyang simpleng layunin. Sa bawat aklat na kaniyang dinadala sa mga paaralan at komunidad, bitbit din niya ang pag-asang maaari pang magbago at bumuti ang lahat.

Sa paglawak ng kaniyang adbokasiya, mas naging malinaw na ang sanga ng kaniyang punong itinanim ay hindi lamang basta umaabot sa mas marami, kundi tahimik ding lumalaban sa unti-unting paglayo ng tao sa gaspang ng mga pahina.

Dahon ng pananatili

Gayunpaman, tulad naman ng dahon na unti-unting sumasalo ng liwanag upang patuloy na mabuhay ang puno, ganoon din ang naging paglawak ng adbokasiya ni Mang Nanie sa gitna ng mabilis na modernisasyon. Sa panahong mas maraming kabataan ang nahihilig sa liwanag ng mga gadyet kaysa sa hiwaga ng mga pahina ng aklat, unti-unting nagbago ang direksiyon ng atensyon ng lipunan patungo sa mas mabilis na anyo ng impormasyon.

Sa pag-usbong ng digital na mundo, mas naging malinaw ang agwat sa pagitan ng tradisyunal na pagbabasa at modernong pagkonsumo ng impormasyon.

Base sa Digital 2026 report ng We Are Social, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang tinatangkilik ang internet na may 83.3 porsyentong mga Pilipino na gumagamit dito. Malaking bahagi ng oras ng kabataan ay nauubos sa social media at short-form content kaya naman ay bumababa ang inilalaan nilang panahon sa malalim na pagbabasa, na siyang pundasyon ng kritikal na pag-unawa.

Kaya naman, sa ganitong kalagayan, mas tumitingkad ang misyon ni Mang Nanie at ng Reading Club 2000. 

Patuloy siyang nagbubukas ng pinto para sa mga taong gustong muling maranasan ang tahimik na mundo ng pagbabasa, kung saan hindi minamadali ang pag-unawa at bawat pahina ay binibigyan ng oras. 

Tulad ng dahon na patuloy na humihinga sa gitna ng pagbabago ng panahon, ang aklatan ni Mang Nanie ay nananatiling buhay sa gitna ng digital na mundo. Sa bawat mambabasang muling tumitigil dito, para sa kaniya ay unti-unting bumabalik ang isang katotohanang halos nakalimutan na ng karamihan — na ang pag-unawa ay hindi nakukuha sa bilis, kundi sa lalim at bigat nito.

Bunga ng paglilingkod

Sa dami ng kaniyang natulungan at sa mga buhay na tuluyang nabago, unti-unting naging malinaw kay Mang Nanie na ang tunay na bunga ng kaniyang adbokasiya ay hindi kailanman nasusukat sa rami ng aklat na naipamahagi, kundi sa lalim ng pagbabagong naiwan sa bawat taong kaniyang naabot. 

Tulad ng punong patuloy na namumunga sa kabila ng panahon, ganoon din ang kaniyang layunin — hindi humihinto, hindi nauubos, at hindi nakasentro sa sarili, kundi patuloy na umaabot sa iba.

Sa bawat batang natutong bumasa matapos ang mahabang panahong pagkakakulong sa kahirapan ng kakulangan, sa bawat mag-aaral na muling nagkaroon ng kumpiyansa sa sarili dahil sa isang pahinang kanilang naunawaan, at sa bawat komunidad na nakaramdam na hindi sila kinalimutan ng edukasyon, mas lalong tumitibay ang kaniyang paniniwala na ang tunay na paglilingkod ay nakikita sa pagbabago ng buhay ng tao.

Sa kaniyang mas malalim na pagninilay sa takbo ng buhay, unti-unting naging malinaw kay Mang Nanie na ang lipunan ay kadalasang hinuhubog upang habulin ang materyal na tagumpay, ngunit sa proseso nito ay may mga bagay na nalilimutan — ang malasakit, ang pagbabahagi, at ang simpleng layunin ng paglingkod sa kapuwa. Sa ganitong pag-unawa umuugat ang kaniyang paninindigan na ang kaalaman ay hindi rapat nagtatapos sa sarili lamang, kundi rapat lumalawak patungo sa iba.

“My basic rule in life is to serve humanity. We failed to explore that area [as] we are educated more on material destiny which is very regretful in the end,” diin niya.

Ayon pa sa kaniya, ang pinakamalalim na kakulangan ng lipunan ay hindi lamang sa yaman o oportunidad, kundi sa kakulangan ng pag-unawa na ang tunay na kahulugan ng buhay ay nakaugat sa paglilingkod.

Sa bawat pagdalaw niya sa mga komunidad, sa bawat pagbukas ng kaniyang maliit na silid-aklatan, at sa bawat taong muling natutong magbasa, mas malinaw niyang nakikita ang bunga ng kaniyang punong adbokasiya. 

Para kay Mang Nanie, kung sakaling balang araw ay humina man ang kaniyang katawan, mananatili ang kaniyang itinanim sa anyo ng mga taong kaniyang nabago. Dahil ang punong tunay na nagbigay-buhay sa iba ay hindi kailanman namamatay kundi nagpapatuloy sa bawat alaala, sa bawat binuksang pahina, at sa bawat pangarap na muling nabigyan ng direksiyon.

Sa dinami-rami ng mga tahanan, kailanman ay mananatiling bukod-tangi ang kay Mang Nanie — sapagkat dito unti-unting tumubo ang bunga ng karunungan na patuloy na pinangangalagaan upang matikman pa ng susunod na henerasyon.

13 Votes: 13 Upvotes, 0 Downvotes (13 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...