₱799-M ayuda ng DSWD at rekonstruksyon ng NHA, pinasimulan na 

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of DSWD XI - Davao Region

John Paul Siapel

Pinasimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang distribusyon ng ₱799.59 milyong Emergency Cash Transfer (ECT) para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.

Ayon sa opisyal na ulat ng ahensya, may kabuuang 139,000 pamilya mula sa Davao Region at SOCCSKSARGEN ang nakatakdang makatanggap ng naturang pondong pinansyal.

Sinabi ni DSWD Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabel Lanada na mabilis nilang inilabas ang pondo matapos makumpleto ang pamamahagi ng mga paunang pagkain at kagamitan.

Ipinaliwanag ng kagawaran na ang pamamahagi ng salapi ay isasagawa sa iba’t ibang yugto upang matulungan ang mga pamilya na unti-unting makuha ang kanilang pampinansyal na panganagilamngan.

Ayon sa ulat ng DSWD, ang tulong na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga residente na bumili ng iba pa nilang mga partikular na pangangailangan bukod sa mga relief goods.

“Part ito ng process natin na nagsimula sa relief, at ngayon naman ay cash assistance,” dagdag na pahayag ng pamunuan ng ahensya ukol sa takbo ng operasyon.

DSWD Secretary, nanguna sa operasyon

Personal na nagtungo si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga bayan ng Glan, Malapatan, Jose Abad Santos, at Balut Island upang pangunahan ang pag-abot ng tulong pinansyal noong Hunyo 23.

Inihayag ng kalihim na ang pangunahing layunin ng cash aid na ito ay matulungan ang mga residenteng makapagsimula muli sa pagsasaayos ng kanilang mga buhay pagkatapos ng kalamidad.

“Ang layunin natin is makabalik sila sa sense of normalcy,” diin ni Gatchalian ukol sa kahalagahan ng pagbibigay ng agarang tulong sa mga biktima.

Inihayag din ng kalihim na ang eksaktong halaga ng ibinibigay na ayuda ay nakadepende sa bigat ng pinsalang natamo ng bawat sambahayan.

Batay sa datos, nakatanggap ng tig-₱10,244 ang mga pamilyang nawalan ng tirahan habang tig-₱5,122 naman sa mga bahagyang napinsalaan sa Balut Island.

“Sana, hindi man natin mapalitan lahat, ay makapagsimula sila doon sa ibibigay natin,” pahayag ng kalihim sa mga mamamahayag matapos ang inspeksyon.

Tiniyak ng DSWD na hindi aalis ang ahensya sa mga apektadong komunidad hanggang sa makumpleto ang yugto ng pagbawi ng mga residente mula sa epekto ng lindol.

Pagbabalik-tanaw at aksiyon ng NHA

Batay sa tala ng ahensya, umabot sa humigit-kumulang 84,580 na kabahayan ang nagtamo ng bahagya at kabuuang pinsala dulot ng pagyanig na naganap noong Hunyo 8.

Iniulat ng mga awtoridad na patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga earthquake drill at orientation sa mga evacuation center upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Sinabi ng pamahalaan na nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa National Housing Authority (NHA) upang mapagsama ang mga programa para sa pagsasaayos ng mga istruktura.

“Yung National Housing Authority, sa ilalim ni Secretary Aliling, namimigay rin sila ng tulong pinansyal,” paglilinaw ni Gatchalian ukol sa ugnayan ng dalawang ahensya.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang residenteng si Lanie Cosio matapos tanggapin ang ayuda para sa nasirang bubong at pader ng kanilang bahay.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa DSWD dahil sa cash assistance na binigay nila, makatutulong na po ito sa pagpapa-repair ng aming bubong at pader na nasira dahil sa lindol,” wika ni Cosio sa isang panayam.

Nauna nang nakapamahagi ang gobyerno ng kabuuang 520,722 family food packs, 13,125 non-food items, at 10,364 ready-to-eat food boxes bago pa man simulan ang pag-abot ng salapi. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...