6 sa 10 pamilyang Pilipinong hirap sa hospital bill, pagiging OFW ang nakikitang insurance — sarbey

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of Radyo Pilipino/ Philstar/Wikipedia

Crystal Anne Cu

Pumalo sa 60% ng pamilyang Pilipino ang hindi kayang bayaran ang P10,000 na bayarin sa ospital nang walang utang, kaya napipilitan ang marami sa kanilang gawing “insurance” ang trabaho abroad upang makasigurong makakuha ng access sa serbisyong pangkalusugan, batay sa isang report. 

Ayon sa Boston Consulting Group na nagpatupad ng sarbey sa mga OFW, lumalabas na 20% ang nagsabing kaya lamang nilang bayaran ang medical bill na mas mababa sa P1,000. 28% naman ang kayang bayaran ang hanggang P5,000, habang 16% ang kayang bayaran ang hanggang P10,000.

“The OFW, then, is one of the family’s most important forms of insurance, strengthening the family against fragility by leaving it,” saad sa report. 

Natuklasan din na karamihan sa mga OFW ay matatandang Pilipino, na ang pangunahing motibasyon sa pagtatrabaho abroad ay ang kumita ng mas malaki para sa pangangailangang pangkalusugan ng kanilang pamilya.

Ayon sa report, ang financial security na makasisigurong access sa serbisyong pangkalusugan sa oras ng emerhensiyang medikal ay nangungunang prayoridad para sa 70 porsyento ng mga pamilyang Pilipino.

Subalit, karamihan sa mga respondente ay umamin na nahihirapan silang bayaran kahit ang maliliit na gastusing medikal sa oras ng emerhensiya.

“For many households, getting sick is a major financial event just as much as it is a medical event, which can mean debt, delayed tuition, or rapidly eroded savings,” ayon sa report.

Binanggit din ng report na ang mga Pilipino ay bumubuo sa 60 porsyento ng mga nurse sa United Arab Emirates, na sumusuhay sa medical system ng isa sa malalaking ekonomiya sa mundo.

Sa Pilipinas, naglaan ang gobyerno ng P448.125 bilyon para sa sektor ng kalusugan sa 2026 national budget.

Pinuna naman ng economic think tank IBON Foundation ang halagang ito, na sinasabing malayo ito sa “5% standard” ng World Health Organization.

Sumasaklaw ang medical emergencies sa 40 porsyento ng pinakahuling utang ng mga OFW, na nagpapakita na ang biglaang alalahanin sa kalusugan ang pangunahing dahilan kung bakit nangungutang ang mga Pilipinong nagtatrabaho abroad.

Ang medical emergencies din ang pangunahing dahilan ng dagdag na remittances sa mga respondente.

Sa nakaraang taon, 39 porsyento ng OFW sa US, 31 porsyento sa Middle East, 46 porsyento sa Asya, at 56 porsyento sa United Kingdom ang nagsabing kinailangan nilang magpadala ng dagdag na pera sa kanilang pamilya sa Pilipinas para sa emergency medical expenses.

Ang naturang sarbey ay kinabilangan ng 1,337 na OFW sa Estados Unidos, Middle East, Asya, at United Kingdom noong Hunyo 2025. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...