
Sa bughaw na kalangitan na napapalamutian ng ulap, namamangha tayo sa biglang pagsilang ng bahaghari—isang himalang sumisilip matapos ang unos, paalala na may pag-asang naghihintay. Gaya nito, binuo ni Ralph William Datoon—mas kilala bilang Maki—ang kanyang bagong obra, KOLORCOASTER, na inilunsad nitong Setyembre 19, 2025.
Isa sa mga rising OPM artists, umabot na si Maki sa 6.5 milyon na buwanang listeners sa Spotify. Noong 2024, itinanghal siyang Breakthrough Artist sa tagumpay ng Dilaw, na sinundan ng mga kantang Saan?, Kailan?, Bakit?, Sikulo, at Kurba.
Ngunit sa halip na pitong kulay, sampung awitin ang bumuo sa kanyang sariling spectrum. Sa KOLORCOASTER, ipininta ni Maki ang saya, thrill, takot, lungkot, at nostalgia ng pag-ibig parang pagsakay sa isang rollercoaster. Ang magmahal sa estranghero, sa taong hindi ka priority, ang i-set aside ang sarili para sa pangarap niya na hindi ka kasama, sa taong naging dahilan na ng mga lihim mong ngiti, at higit sa lahat, ang magmahal pa rin kahit matagal nang tapos ang ‘kayo.’
Sa pamamagitan ng Namumula, Kahel na Langit, Dilaw, Turning Green, Bughaw, Indigo (with u), Nangungulila, Itim na Ulap, Abelyana, at ROYGBIV, binigyang-hugis ni Maki ang bahaghari ng damdamin—isang masalimuot ngunit makulay na paglalakbay ng puso.
Pula ang kulay ng pag-ibig, ng kilig at init ng damdamin. Ngunit sa kanta ni Maki na “Namumula”, ipinakita rin nitong kulay ang panganib, paninibugho, at sakit.
Sa kabila ng malinaw na “red flags,” hindi mapigilan ng persona ang habulin ang taong nagbibigay saya at pamumula ng pisngi, ngunit siya ring ugat ng pagdurusa at pagdududa. Dito lumilitaw ang tensyon: ang isip na nagtatanong kung deserve ba ang ganitong trato, laban sa pusong handang magpaka-alipin sa pag-ibig.
Sa huli, ang “pula” ay naging doble talim billang tanda ng pagmamahal at kasabay nito’y babala ng maling pagpili.
Tulad ng araw na sumisibol matapos ang dilim, ang “kahel na langit” ay paalala ng pag-asa sa gitna ng pangungulila. Inilarawan ni Maki ang isang pusong nagmamahal ngunit sabik sa yakap at halik ng minamahal na matagal nang lumisan o nasa malayo.
Ang kahel ng dapithapon ay naging tulay ng dalawang pusong pinaglayo ng distansya—patunay na kahit wala sa ating tabi ang mahal natin, nananatili silang buhay sa alaala at sa bawat araw na nagtatapos.
Banayad ngunit matindi, ipinapakita ng kanta na ang tunay na pagmamahal ay hindi nasusukat sa pisikal na presensya, kundi sa patuloy na pagnanais ng pusong makabalik: sa ngiti, tinig, at init ng iniibig.
Ang “Dilaw” ay nagsimula sa pakiramdam na mahirap bigyang-kahulugan—ang kasiyahang sumisiklab tuwing naiisip o kasama ang minamahal. Katulad ng mainit na sinag ng araw, ipinakita ng kanta kung paano muling bumubukas ang puso matapos ang mapait na sugat ng nakaraan.
Sa awitin, ang minamahal ay inihalintulad sa dilaw—isang tanglaw at yakap na nagbibigay-init at kapanatagan. Ito ang kulay ng muling pagtitiwala, ng pag-ibig na hindi kailangan madaliin o pagdudahan.
Sa huli, ang dilaw ay naging simbolo ng pagbabalik ng araw matapos ang bagyo bilang isang kumpas na sinusundan ng puso sa paglalakbay tungo sa bagong pag-ibig.
Parang minumulto ng presensya ng iniwan: ng amoy, ng alaala, ng damdaming pilit binabaon ngunit laging bumabalik. Ito ang sentro ng “turning green”, kanta ni Maki na sumisimbolo sa luntian ng bahaghari.
Ngunit ang green dito’y hindi lang pag-usbong, kundi selos, pangungulila, at pait ng alaala. Isang pusong paulit-ulit nagpaalam ngunit nananatiling nakakulong sa anino ng nakaraan.
Sa huli, “turning green” ay anthem ng mga hindi pa rin makalaya—mga pusong nagsisisi, nananatili, at laging bumabalik sa parehong tao.
Bughaw ang kulay ng kapayapaan—damdaming hindi naglalagablab sa selos o takot, kundi marahang dumadaloy na parang alon. Sa “Bughaw,” ipinapakita ni Maki na ang tunay na pag-ibig ay hindi laging apoy, kundi kapanatagan sa piling ng minamahal.
Ang linyang “paghahabol sa araw hanggang matanaw ang dulo ng bughaw” ay naging simbolo ng shared journey, isang panunumpa ng sabayang paglalakbay. Ang bughaw rito’y hindi lang langit at dagat, kundi kasunduang natagpuan ang katiyakan sa isa’t isa.
Ang kantang ito ay paalala na matapos ang lahat ng luha, may darating ding taong hahawak sa iyong kamay at magsasabing: “dito ka na lang habang buhay.”
Sa ilalim ng indigo na kalangitan, ipinakita ni Maki ang tibok ng pusong nagtatago—damdaming hindi maamin, tanong na laging nakabitin: “gusto niya rin kaya ako pabalik?”
Ang “Indigo” ay kuwento ng pag-ibig na walang label, walang kasiguraduhan, pero punô ng mga sulyap, midnight talks, at katahimikan na mas malakas pa kaysa anumang pag-amin.
Indigo rito’y kulay ng misteryo at pananabik. Sa kabila ng takot na masaktan muli, nangingibabaw ang kagustuhang manatili: “I’d trade every moment, just to be with you in this indigo.”
Lila ang kulay ng pagbitaw—ng pagpapalaya at pagpapauna sa kasiyahan ng minamahal kaysa sa sarili. Sa “Nangungulila,” inilalarawan ang sakit ng pusong umiibig ngunit kailangan pumili: pipigilan ba siya, o hahayaan siyang lumisan para sa sariling mga pangarap?
Sa kabila ng matinding pagnanais na hawakan at hagkan, ramdam ang paalala: ang pag-ibig ay hindi pagmamay-ari. Ito’y marangal na desisyon na inuuna ang kaligayahan ng iba kaysa sariling kagustuhan.
Kaya’t bawat linya ng kanta ay punô ng tahimik na pagtanggap—na minsan, pinakamalaking patunay ng pagmamahal ay hindi ang paghawak, kundi ang pagbitiw.
Hindi katulad ng ibang kanta sa KOLORCOASTER, ang “Itim na Ulap” ay may hinahon at lalim. Hindi lang ito awit ng pagmamahal, kundi ng takot—na balang araw, maaaring mawala ang lahat ng ito.
Ang “itim na ulap” ay hindi lang ulan o lungkot, kundi simbolo ng pagbabago at pagkawala: ng mga taong tatanda, ng sandaling magiging alaala na lang. Sa bawat linya, ramdam ang pangamba ng pusong natatakot sa pagdating ng dulo.
Ngunit kasabay ng takot ay pasasalamat. Ang kanta’y panata ng pagpili—na sa kabila ng pagbabago, mananatiling tapat at hindi magsasawa, kahit lampas pa sa dulo ng buhay.
Hindi man kabilang sa pitong kulay ng bahaghari, ang “Abelyana” ay sariling sinag—awit ng pagkahumaling at lihim na pagsulyap na puno ng pag-asa. Sa bawat titig, may mundong gumuguho at muling bumabangon sa dibdib ng persona.
Naroon ang kaba at kilig na parang musika, hanggang sa mabuo ang mapagbirong pahayag: “Kung malabo man, pwede bang dagdagan na lang ng grado ang salamin?”—isang pagnanais na luminaw ang katotohanan, na sana’y makita rin sa mga mata ng iniibig ang parehong damdamin.
Sa huli, ang “Abelyana” ay awit ng pananabik at pagtatapat—patunay na kahit ang pinakasimpleng sulyap ay maaaring maging daan patungo sa pinakamalalim na pag-ibig.
Sa “ROYGBIV,” ipinapakita ni Maki na sa iisang tao natin madarama ang buong spektrum ng emosyon. Ang pag-ibig ay hindi lang isang kulay, kundi lahat—isang buo, masalimuot, at makulay na karanasan.
Pula para sa silakbo ng damdamin, kahel para sa pag-asa, dilaw para sa liwanag, luntian para sa pangungulila sa mga alaala, bughaw para sa kapanatagan, indigo para sa misteryo, at lila para sa pagbitaw at muling pagsilang.
Sa kantang ito, pinaparamdam ni Maki na ang tunay na pagmamahal ay pagsasanib ng lahat ng kulay ng bahaghari—isang kumpletong paglalakbay ng puso.
Sa dulo ng KOLORCOASTER
Sa dulo ng biyahe sa KOLORCOASTER, natutuhan natin na ang pag-ibig ay hindi lamang iisang kulay. Hindi ito laging pula ng silakbo o dilaw ng kasiyahan, kundi pati bughaw ng kapanatagan, lila ng pagpapalaya, berde ng pangungulila, at maging itim na ulap ng takot sa pagkawala.
Sa bawat awit, ipininta ni Maki ang pag-ibig bilang isang bahaghari: isang himala na hindi natin mahahawakan, ngunit lagi nating inaasahan matapos ang ulan. Ang kanyang musika ay tila rollercoaster ride: nakapapagod at nakaka-excite, masakit at masaya, ngunit sa huli’y pinipili pa rin nating sumakay. Sapagkat doon natin matutuklasan ang lalim ng pagiging tao: ang magmahal, masaktan, magpatawad, at muling umibig.
At gaya ng bahaghari, hindi permanente ang mga kulay ng damdamin… dumaraan, nagbabago, naglalaho, at muling sumusulpot. Ngunit sa oras na nasilayan natin sila, alam nating buhay at tunay ang pag-ibig na ating nararanasan at tinitibok ng damdamin.