
Tinapos ng Filipina netter na si Alex Eala ang kanyang ikaapat na sunod na quarterfinal campaign matapos kapusin kontra kay Viktoria Golubic ng Switzerland, 6-2, 2-6, 7-6 (0) sa 2025 Suzhou Open, Oktubre 3 sa China.
Humulagpos ang World no. 70 na Swiss matapos balewalain ang 6-5 bentahe ni Eala sa third set para muling umalagwa at itarak ang 7-0 pagwalis sa tiebreaker round.
Naging maalat ang ika-12 game ng World no. 58 na Pinay sa naturang round nang isuko niya ang tatlong-sunod na set mula 3-5 bago makuha ang abante, 6-5 na agad kinapos sa dulo.
Napasakamay pa ni Eala ang abante sa ika-12 na game bitbit ang 40-15 kalamangan subalit nawalan ng makina nang magtala ng back-to-back errors dahilan para samantalahin ni Golubic ang ritmo ng bakbakan gamit ang forehand attack na sumelyo ng tiket sa semifinals.
Bukod dito, nabitin din ang dominanteng panimula ni Eala matapos sagutin ni Golubic ng matikas na baseline defense na naging mitsa para baliktarin ang tagpo sa ikalawang set, 6-2.
Bumulusok naman si Eala matapos bumanat ng tatlong breakpoint mula sa kanyang anim na sunod na puntos, swak para burahin ang dalawang abante ng European mainstay at angkinin ang unang set, 2-6.
Kaugnay nito, nauna nang pinatumba ng 20 taong gulang na Filipina sina Katarzyna Kawa ng Poland at Greet Minnen ng Belgium sa naunang dalawang rounds ng torneyo.
Sa kabila ng pagkabigo, inaasahang aakyat ng apat na pwesto si Eala na nasa ika-54 ng WTA live world ranking.