
Naungusan ng TNT Tropang 5G ang Meralco Bolts, 100-95, matapos burahin ang dominateng panimula, swak upang ibulsa ang unang panalo sa best-of-seven series ng semifinals ng PBA Season 50 Philippine Cup, sa Smart Araneta Coliseum, Enero 4.
Nasayang ang itinayong 21-point first-half lead ng Bolts matapos mamayani ni Calvin Oftana na kumamada ng 28 puntos at pitong rebounds, na nagdala sa TNT sa pagsikwat ng panalo sa semis opener.
“Mahaba pa tong series,” saad ni Oftana na may one-of-five 3-point shooting at 11-of-12 shooting sa free-throw line na nagpalakas ng signal ng Tropang 5G.
Pumukol ng three-point play ang forward na si Oftana sa nalalabing 2:57 minuto na sumira sa pukpuang 91-all para ibigay ang komportableng tatlong deficit sa TNT, 94-91.
Pinalobo pa ng Tropa ang kalamangan nang magdagdag ng layup si Matt Ganuelas-Rosser, 96-91 na agarang naidikit sa 96-95 ng Bolts gamit ang dalawang drive nina Chris Newsome at Chris Banchero sa huling 1:21 minuto.
Kasunod ng mala-lintang depensa, dalawang krusyal na fouls ang naipamigay sa TNT na naisalpak ni Oftana na sumelyo sa bakbakan.
Gin Kings umabante
Samantala, sinikwat naman ng No.2 seed na Barangay Ginebra San Miguel ang Game 1 kontra sa San Miguel Beermen, matapos sakyan ang 99-90, paggupo sa huling rolyo.
Bumida ang bench ng Gin Kings sa pangunguna ni RJ Abarrientos, na kumana ng game-high 23 puntos, habang nagsanib-puwersa sina Ralph Cu, Jayson David, at Norbert Torres para sa kabuuang 31 puntos.
Kinapos ang 14-2 run ng SMB sa ikalawang kwarter para ibalandra ang dikdikang 42-40 na tuluyang naagaw pagdako ng ikatlong frame matapos irehistro ni Marcio Lassiter ang tres, 52-58.
Sinundan pa ito ng pagtambal nina Junemar Fajardo at CJ Perez na nagposte ng pinakamalaking kalamangan ng SMB, 56-64.
Agad itong nalusaw nang kumonekta ng back-to-back three nina Torres at Cu para muling akayin ang Gin Kings sa nalalabing pitong minuto ng bakbakan, 84-81.
Mula rito ay hindi na lumingon pa ang Ginebra at tuluyang tinuldukan ang 10-game winning streak ng top-seed na Beermen.
“We’re very aware that they’re the No. 1 team in bench points and we challenged our guys to come out and play,” wika ng headcoach ng Ginebra na si Tim Cone.
“We got to battle for this one. We’re happy to pull this one out despite June Mar having a big game,” dagdag pa niya matapos tumikada ng game-high 27 puntos at 23 rebounds ni Fajardo ng SMB.