
Isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM) ang de-kalidad na edukasyon bilang mahalagang hakbang sa paghahanda ng mga susunod na henerasyon ng mga mahuhusay na doktor at nars sa bansa.
Binigyang-diin ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon na hindi sapat ang libreng matrikula upang matiyak ang magandang kinabukasan ng mga estudyante, lalo na sa larangan ng medisina at nursing.
Sa kanyang pagbisita sa University of the Philippines-Manila, sinuri ni De Leon ang mga makabagong pasilidad para sa pagsasanay ng mga magiging doktor at nars, kabilang ang Surgical Knowledge Intensive Learning Laboratory through Simulation (SKILLS) ng College of Medicine at ang skills and simulation laboratory ng College of Nursing.
Ayon kay De Leon, mahalagang sabayan ang pagpapalawak ng access sa edukasyon ng sapat na kagamitan, mahusay na mga guro at praktikal na pagsasanay upang maihanda ang mga estudyante sa aktuwal na pangangalaga sa mga pasyente.
Binigyang-diin din niya na ang kalidad ng pagsasanay na natatanggap ng mga estudyante ngayon ay may malaking epekto sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan na maibibigay nila sa hinaharap.
Samantala, ipinakita rin ng UP Manila ang kahalagahan ng pagbabahagi ng kaalaman sa ibang institusyon.
Noong Enero 2026, 37 guro mula sa iba’t ibang nursing institution ang lumahok sa isang workshop tungkol sa simulation-based education upang mapahusay ang kanilang paraan ng pagtuturo.
Bilang National Health Sciences Center ng bansa, patuloy ding nag-aambag ang UP Manila sa pamamagitan ng pananaliksik medikal, pagbuo ng mga patakarang pangkalusugan at serbisyong medikal sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon naman kay UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee, nakatutulong ang suporta ng pamahalaan sa pagpapalakas ng edukasyon, pananaliksik at serbisyong pangkalusugan, pati na rin sa paghahanda ng bansa sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Dagdag pa ni De Leon, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng makabagong pasilidad. Mahalaga rin ang mga kwalipikadong propesor, mananaliksik, teknikal na kawani at iba pang empleyado ng unibersidad upang matiyak na lubos na mapapakinabangan ang mga pamumuhunan ng pamahalaan sa edukasyon.