Ang Ifugao Calendar bilang panahong pinagtagpo ng kalikasan at pamayanan

Neil Clarence Lagat

Siglo-siglo nang sumisikat ang araw at lumilitaw ang buwan. Kasabay nito, mula sa sari-sarili nilang karanasan ay lumikha ang sangkatauhan ng iba’t ibang paraan ng pag-unawa sa mundong kinabibilangan.

Sa Pilipinas, sa gitna ng sari-saring katutubong kaalaman na umusbong sa pakikibagay ng mga pamayanan sa kanilang kapaligiran, namumukod-tangi ang Ifugao Calendar.

Nakaugat ito sa siklo ng pagsasaka ng tinawon, ang mga tradisyunal na heirloom rice variety ng mga Ifugao. Sinusundan nito ang pagbabago ng kalikasan at mga gawain sa mga payyo o hagdan-hagdang palayan, mula paghahanda at pagtatanim, hanggang paglaki, pag-aani at pagpapahinga. 

Sa naitalang sistema, ginagamit ang 13 tali na may tig-28 buhol upang subaybayan ang paglipas ng mga araw at buwan. Ang ika-14 na buhol ay nasa kalagitnaan ng buwan at iniuugnay sa kabilugan ng buwan. Sa kabuuan, umaabot ito sa 364 na araw ang 13 tali, dagdag ang isang araw upang mabuo ang taunang siklo.

Umiikot ang agricultural cycle sa apat na pangunahing yugto: 

  • Kiwang (fallow period)
  • Lawang (field preparation and planting season)
  • Tiyalgo (dry season)
  • at Ahi-Ani (harvest season)

Kiwang: Panahon ng pagpapahinga

Bago magsimula ang panibagong siklo ng pagtatanim, ipinapahinga muna ang mga payyo sa panahon ng Kiwang o Iwang. Matapos ang mahabang siklo ng pagtatanim at pag-aani, hinahayaang makabawi ang lupa bago muling bungkalin para sa susunod na taniman.

Gayunman, hindi nangangahulugang tuluyang napapabayaan ang palayan. Sa Ahilamun, pinuputol ang mga natirang o muling tumubong tangkay ng palay at tinatapakan ang mga ito upang mabaon sa putik at mabulok, na nakatutulong sa pagpapanumbalik ng sustansiya ng lupa. Samantala, sa Ahiloba naman, nililinis ang mga pader, pilapil, kanal at paligid ng payyo habang inaayos ang mga daluyan ng tubig.

Sa ilang lugar, ginagamit din ang mga inado o pingkol, mga bunton ng lupa sa paligid o loob ng payyo, para sa pagtatanim ng gulay habang nagpapahinga ang palayan.

Bukod sa mga gawaing pangangalaga sa palayan, isinasagawa rin pagkatapos ng ani ang Bakle at Ubaya, na kaugnay ng pasasalamat, pagdiriwang, at pagkilala sa naging bunga ng nakaraang taniman.

Sa Ubaya, ang isang masaganang ani ay maaaring sundan ng handaan at pag-aalay ng mga hayop, kasama ang pagbabasbas sa bukid at kamalig para sa kasaganaan at proteksiyon. Sa kabilang banda, sa Bakle naman, naghahanda ng mga rice cake at nagtitipon para sa salu-salo sa kamalig ng tumonak.

Habang nagpapahinga ang lupa, naghahanda naman ang pamayanan para sa panibagong siklo. Sa pagtatapos ng Kiwang, muling bubuhayin ang mga payyo at magsisimula ang panahon ng pagtatanim.

Law-ang: Panahon ng pagtatanim

Sa pagpasok ng Law-ang, muling nagiging abala ang mga payyo. Nagsisimula ang Ahi-gaud, o paghahanda ng lupa, bago ihanda ang punlaan at mga binhi para sa susunod na taniman.

Mula rito, isinasagawa ang Ahipaphod, ang paghahanda ng punlaan. Inaalisan muna ng tubig ang bahagi ng palayan, nililinis ang mga maaaring kumain sa binhi o makasagabal sa pagtubo, at pinapantay ang punlaan. Sa ganitong paraan, inihahanda hindi lamang ang mismong palayan kundi ang lugar kung saan unang sisibol ang bagong tanim.

Kapag handa na ang punlaan, sinusundan ito ng Ahi-hopnak, na tumutukoy sa paghahasik ng mga binhi. Kasama rin sa mga unang yugto ang mga ritwal tulad ng Lokah o Loah, Lukya, Hipngat, at Panal. Sa mga ritwal na ito, humihingi ng pahintulot at basbas para sa mabuting paglaki ng palay at sa kaligtasan ng mga magsasaka. 

Kapag handa na ang mga punla, isinasagawa ang Ahi-tunod o paglilipat ng mga punla sa palayan. Kaugnay nito ang Bolnat, isang ritwal na isinasagawa sa yugtong ito ng pagtatanim.

Sa pagsisimula ng mga gawaing ito, pinagkakaisa ng Tumonak o Puntonakan, ang agricultural ritual leader ng isang boble o distrito, ang pagsisimula ng mga gawaing pang-agrikultura. Batayan ang kaniyang ritwal na bukid upang sabay-sabay na magtrabaho ang mga magsasaka sa mga payyo.

Kasama rin dito ang mga mumbaki, mga espesyalista sa ritwal na nagsasagawa ng seremonya at pag-aalay sa iba’t ibang yugto ng pagsasaka.

Tiyalgo: Panahon ng paglaki

Pagkatapos ng pagtatanim, sa Tiyalgo o Ti-algo, nakatuon ang mga gawain sa pagpapanatili ng palayan at paglaki ng pananim. Kabilang dito ang pag-aalis ng damo sa mga pader ng payyo, at Ahi-kagoko, ang pag-aalis ng damo sa mismong palayan. 

Bago ang unang pag-aalis ng damo, isinasagawa ang Hagophop, kung saan hinihingi ang pahintulot na matuyo ang mga damo nang hindi naaapektuhan ang palay. Habang lumalaki ang pananim, nagpapatuloy ang paglilinis ng palayan, mga pader at paligid upang mapanatili ang kondisyon ng bukid.

Sa panahong ito, ginagawa rin ang Bodad, isang ritwal para sa panahong malapit nang mamunga ang palay. Dito hinihingi ang basbas upang maging puno, mabigat at ganap na mahinog ang mga butil.

Mahalaga rin ang pagmamasid sa mga pagbabago sa kapaligiran. May mga likas na palatandaang ginagamit upang matukoy ang pag-usad ng bawat yugto at ang panahon para sa susunod na gawain.

Dagdag pa rito, may mga kaalamang ginagamit sa pagkontrol ng mga peste. Sa Holok, halimbawa, ginagamit ang mga halamang sangkap at iba pang likas na pamamaraan bilang bahagi ng pangangalaga sa pananim.

Kapag daga naman ang banta, ginagamit ang Hulin o Tagtag upang itaboy ang mga ito gamit ang mga pamukpok na yari sa kahoy o kawayan. Kapag namumuo na ang uhay at maaaring dapuan ng mga ibon, gumagamit naman ng mga panakot at tali sa Ahiabul o Ahiadug. Para sa mga unos at bagyo, may Gito o Puwo na nakatuon sa paghingi ng proteksiyon para sa pananim.

Kasabay ng pangangalaga sa palay ang pangangalaga sa mga kagubatan sa mataas na bahagi ng kabundukan. Ang Muyong o Pinugo ay tumutulong sa pagpapanatili ng suplay ng tubig para sa mga payyo at nakatutulong sa pagbawas ng panganib ng pagguho ng lupa. Sa ganitong sistema, magkakaugnay ang palayan, kagubatan, tubig, at pamayanan.

Habang lumalaki ang palay, sinusundan din ang mga palatandaang nagpapahiwatig na papalapit na ang panahon ng ani. Kabilang dito ang Paad, na may kaugnay na pagbabawal sa pagkain ng ilang pagkaing mula sa tubig upang hindi maapektuhan ang pagbuo ng mga butil.

Ahi-ani: Panahon ng pag-aani

Pagsapit ng Ahi-ani o Ahitulu, panahon na upang anihin ang tinawon. Bago ang mismong pag-aani, isinasagawa ang Hanglag, kung saan inaani at iniihaw ang ilang unang bigkis upang subukan kung handa na ang palay. Sa bisperas naman ng ani, isinasagawa ang Ngilin, kung saan may iniaalay na sisiw kay Umamo upang maiwasan ang suliranin o pagbawas sa magiging ani.

Sa yugtong ito, isinasagawa ang Ahibotok, ang pag-aani gamit ang tradisyunal na gamulang, isang maliit na kutsilyong ginagamit sa pagputol ng palay. Ang mga naaning bigkis ay dinadala gamit ang batawel bago patuyuin at itago.

Unang nag-aani ang Tumonak bago sumunod ang iba pang magsasaka. Pinipili rin ng mga kababaihan ang pinakamainam na binhi, o binong-o, na itatabi para sa susunod na taniman. Sama-samang isinasagawa ang pag-aani ng pamayanan, kung saan may kani-kaniyang gawain ang mga babae at lalaki, habang sinasamahan ito ng alak na gawa sa bigas, Hudhud at biruan.

Kasunod nito ang Ahi-bakle, na bahagi ng pagtatapos ng panahon ng pag-aani. Isinasagawa naman ang Kahiw bilang bahagi ng mga gawaing kasunod ng ani. Sa ilang pamayanan, isinasagawa rin ang Punnuk bilang post-harvest ritual at bahagi ng pagdiriwang matapos ang ani.

Matapos ang pangunahing ani, nagpapahinga muna nang dalawa hanggang tatlong linggo bago muling balikan ang bukid upang tipunin ang mga natitirang butil. Kasunod nito ang Ahihape o Ponpon para sa pagpapatuyo at pag-iimbak ng palay.

Kasama rin sa pagtatapos ng siklo ang Tuldâg at Tungoh. Ang Tungoh ay isang ceremonial field holiday kung kailan walang isinasagawang trabaho sa bukid, isang itinakdang panahon ng pagpapahinga matapos ang mahabang siklo ng paggawa.

Sa pagtatapos ng Ahi-ani, muling haharap ang mga payyo sa Kiwang. Mula sa pag-aani at pagpapasalamat, babalik ang lupa sa panahon ng pahinga bago muling simulan ang paghahanda para sa susunod na taniman.

Ang pamayanan at kalikasan

Mula Law-ang hanggang Kiwang, nagpapatuloy ang Ifugao Calendar sa kasalukuyang panahon. 

Bagaman humaharap ito sa mga hamon tulad ng pagbabago ng klima at pagbabago sa paraan ng pagsasaka, patuloy itong naipapasa ng mga nakatatanda, Tumunoh, at mumbaki sa mga susunod na salinlahi.

Habang umiikot ang mundo at lumilipas ang mga taon, nananatili ang kaalamang kanilang pinanghahawakan, panahong binibilang, kulturang isinasabuhay, at pamana ng isang salinlahing patuloy na umuukit ng sariling kuwento sa kasaysayan. 

Kuwento ng siklong nakaugat sa panahon, namumukadkad sa tradisyon, at nagpapatuloy sa bawat henerasyon.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...