
John Luis Soriano
Natatakot ako sa aking kinabukasan. Natatakot ako sapagkat utak lang ang aking puhunan—natatakot akong baka hindi nito mapakain ang kumakalam na sikmura, baka nga hindi man lang nito mabawi ang bawat patak ng pawis at puyat na aking inaalay.
Lumaki ako sa mundong pera at kakilala ang unang hinahanap, kaya naman ano nga ba ang laban ng isang taong talino lang at pangarap ang kayang itanim?
Noong ako ay musmos pa lamang, akala ko basta’t may kaalaman ka, kaya mong ihaon ang pamilya mo mula sa laylayan. Akala ko, ang talino ang mahiwagang susi na maglalagay ng kanin at ulam sa mesang dating nilalamok na.
Ngunit hindi man lang ako binalaan ng mundo.
Hindi ako binalaan na sa labas pala ng lilim ng paaralan, hindi na itinatanong kung gaano kabigat ang iyong ulo, kundi kung kaninong apelyido ang nakatatak sa dugo mo.
Hindi magara ang apelyido na ibinigay ng aking tatay, wala akong salaping magiging rason sana upang ako—kahit minsan—ay magpahinga, at lalong-lalo nang wala akong koneksyon upang agarang may magbukas sa akin ng pinto sa naglalakihang kumpanya. Kaya naman, ano nga ba ang aking laban?
Sa tuwing malulunod ako sa ganitong isipan, pilit kong itinutuon ang tingin sa kasalukuyan. Mahilig akong tumitig sa itim na pisara, hilig kong pakinggan ang halakhak ng aking mga kamag-aral sa likod ng aming silid-aralan. Sapagkat iyong mga halakhak na iyon ang tunog ng mga kabataang hindi pamilyar sa amoy ng basang semento o sa hapdi ng mga namumulang mata na kumakapit sa kapeng barakong nagpapanatiling gising pa ang diwa upang mag-aral at magsumikap.
Iyong mga halakhak na iyon ang tunog ng may mga pangarap na nakasemento na sa yaman ng kanilang pangalan, habang ang akin ay tunog ng maralitang pilit na iginagapang sa maalikabok na pahina ang kaniyang munting pangarap na mapakain nang sapat ang kaniyang mga magulang.
Masakit na maunawaan na ang silid-aralan lang pala ang tanging palasyo kung saan kayang bayaran ng aking pagod at pagsusumikap ang matataas kong marka.
Ngunit habang lumalapit na ang aking pagtatapos, unti-unting gumuguho ang dambanang itinayo ng aking kabataan. Sapagkat sa labas ng pintuang ito, walang pakialam ang mundo sa gabi-gabing kape’t pangarap na naging laman ng tiyan ko.
Niyayakap na ako ng takot at kaba, na baka sa labas, hindi na hangaan ang karangalan ko, kundi itanong kung kaninong pader ako nakasandal.
Nakakapanibago na sa unang pagkakataon, hindi para ipagmamalaki ang unang naisip ko pagtingin sa perpekto kong marka—kundi nakaramdam ako ng matinding awa.
Awa para sa batang nag-akalang sapat na ang maging matalino. Awa para sa sarili kong nagpakasagad sa pag-aaral, habang ang iba’y malayang lumilipad gamit ang pakpak ng salapi at pangalan. At awa para sa aming mga dukhang ang tanging armas ay ang isip, ngunit iginigilid lamang sa linyang ang mga dugong bughaw ang siyang nakalilipad nang malaya.
Paano ko papakainin si Mama kung tanging kaalaman lang ang aking hawak? Paano ko babayaran ang utang gamit ang mga papel ng diploma? Paano ko gagamutin ang kanilang sakit gamit ang aking mga medalyang unti-unti nang kinakain ng kalawang at pagdurusa?
Habang ang iba ay natutulog na may nakalatag na kinabukasan, ako’y gising sa bingit ng bangin—bitbit ang pangarap kong pira-piraso na.
Sa mga gabing ito, madalas kong hawak ang aking kaalaman, habang dumadalangin na sana, kahit minsan man lang, maging sapat ito upang makapagtayo ng kinabukasan.
Ngunit tila kahit lumuhod pa man ako sa asin ng tadhana, nariyan at nariyan pa rin ang pinakamatinding dusa’t poot na pumapatay sa akin araw-araw.
Iyon ay ang katotohanang kahit isagad ko ang aking utak hanggang mamanhid ang isip at pumutok ang aking mga ugat, ang pangarap kong binuo nang buong buhay ay matatabunan lang ng perang kailanman ay hindi ko mahahawakan.