Ragasa ng panata

#CartoonOnPoint by Cesar Camba Jr.

Ilog ng laman, dugo, at pawis ang nagsisilbing daluyan ng debosyon sa bawat Traslacion. Sa gitna ng siksikan, hindi lamang minamartsa ang dantaong imahen mula sa Quirino Grandstand pabalik sa Basilika sa Quiapo. Isa itong masalimuot ngunit tapat na pagpapahayag ng pananampalataya sa sandaling natutunaw ang panlipunang katayuan at ang natitira na lamang ay ang tindi ng pangangailangan o pasasalamat.

Ang bawat hakbang ng deboto ay may baong bigat. May mga humihiling ng kagalingan mula sa malalang sakit, may mga nagpapasalamat sa nakuhang trabaho, at may mga nandoon lamang upang tuparin ang isang panata na ipinamana pa ng kanilang mga ninuno mula pa noong dinala ang imahen noong 1606. Para sa mga kritiko, ito ay tila isang panatikong pagpapakita ng debosyon ngunit sa sosyolohikal na pananaw, maiintindihan ang pagharap sa angking mga panganib ay tinatanggap bilang bahagi ng pakikibahagi sa pasyon ni Kristo. Ang kanilang sariling penitensya.

Nagtatagpo ang tao at ang Diyos sa gitna ng dumi at gulo ng mundo. Ang pananampalatayang Pilipino, sa ganitong paraan ay hindi nangangailangan ng masalimuot na teolohiya. Sapat na ang pagkilala na ang tao ay mahina at nangangailangan ng kanlungan, isang Tagapagligtas. Isang Tagapagligtas na hindi isang haring nakaupo sa gintong trono kundi isang Diyos na maitim ang balat, naghihirap, at pasan ang napakabigat na krus. Katulad ng isang karaniwang mamamayang nakikipagbuno sa pagsubok ng buhay. Marahil ito ang puso ng incarnational na katangian ng masisilayang debosyon. Ang andas ay sinisikap na masilayan, mahawakan, mayakap, at mapunasan.

Higit pa sa pagiging ebidensya na ang pananampalataya ay hindi lamang matatagpuan sa loob ng tahimik na simbahan, nagsisilbi ang Traslacion bilang matalim na salamin ng lipunan. Ang tindi ng pangangailangan na nag-udyok sa milyun-milyong deboto ay madalas hindi natutugunan ng takdang institusyon. Maraming nangunguna sa pila para sa pag-asa na gumaling sa iniindang sakit, kaligtasan sa sakuna, pinansiyal na stabilidad, minimithing tagumpay at mabuting bunga sa gitna ng matinding sakripisyo. 

Sa katunayan, sa Traslacion 2026, ang banal na misa ay naging plataporma upang tuligsain ang korapsyon at kawalan-katarungan sa bansa, gamit ang matapang na panawagang “Mahiya naman kayo” laban sa mga mapagsamantala sa kapangyarihan. Ang Nazarenong espirituwalidad ay may lakas at giting na hamunin ang bawat isa na isantabi ang pansariling interes para sa pag-angat ng kapuwa at kalauna’y ang bansa.

Ang lahat ng hiyaw, bawat patak ng luha, at ang bilyun-bilyong yapak ng mga paa ay nagsasama-sama upang maging isang hindi mapigilang ragasa ng panata. Isang agos ng pananampalatayang pilit bumubuwag sa krus ng katiwalian tungo sa minimithing ginhawa ng buong bayan.

5 Votes: 5 Upvotes, 0 Downvotes (5 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...