
Ikinababahala ng mga tsuper ng bus at jeepney sa Cebu ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel na direktang nakakaapekto sa kanilang araw-araw na kita at kabuhayan.
Sa eksklusibong panayam ng Explained PH, daing ng mga drayber, “nahihirapan” silang pagkasyahin ang kanilang kinikita dahil sa gitna ng patuloy na pagmahal ng krudo at iba pang mga bilihin.
KAPIRANGGOT NA KITA
Ibinahagi ni Vicente Eleanor, 52, na mahigit sampung taon nang drayber ng Ceres Bus, na bumababa ang kanilang mga sahod dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina at kakulangan ng pasahero.
“Naapektuhan jud ang sweldo. Dako naman an krudo, unya dili naman pud sige’g byahe ang mga pasahero. Naa koy duha ka college, mada pa man nuon siguro’g adjust bisan lisod na,” ani Eleanor.
Nanawagan ang drayber sa gobyerno na agarang solusyonan ang isyu sa gasolina, dahil hindi lamang mga drayber ang apektado kundi ang mga mag-aaral, manggagawa, at iba pang pasahero.
Dagdag pa rito, ayon naman kay Rudy Cabunilas, 33, pitong taon ng drayber sa Cebu South Bus Terminal, na maaaring mapilitan silang humanap ng ibang trabaho kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
“Mangita jud ta’g lain panginabuhi. Commission-based raba mi, unsa man ang i-commission namo kung magpadayon pa nig taas ang gasolina,” aniya.
POSIBLENG TIGIL-PASADA NG JEEP
Matindi rin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo sa mga tsuper ng jeepney.
Ayon kay Romeo “Romy” Balag, 65, at 30 taon nang namasada, halos dumoble ang kanilang gastos sa gasolina.
“Sauna, mutubil mi og 1,000; karon 1,700 na. Grabe gyud kaayo ang kalit nga pagtaas,” ani Balag.
Aniya, umaabot sa 18 na litro ang konsumo ng kaniyang jeep kada araw, na katumbas na ng halos ₱1,800 na gastos sa gasolina, bukod pa sa renta at maintenance.
Ganito rin ang sitwasyon ni alyas Larry, 54, na 38 taon nang drayber.
“Lisod na kaayo among kahimtang karon. Sauna, ang full tank kay 800 pesos ra, pero karon pag-abot sa gabii, moabot na og 1,600 pesos,” payahag ni Larry.
Pag-aalala niya, maaring mapilitan silang tumigil sa pamamasada kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina.
PAGLOBO SA PRESYO NG KRUDO
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkaso dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa suplay ng krudo.
Batay sa ulat ng The Times of India, umabot sa mahigit $100 kada bariles ang presyo ng langis, dahilan upang tumaas ang presyo ng gasolina at diesel sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Bunsod nito, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina sa Pilipinas ng ₱12 hanggang ₱23 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina sa mga susunod na linggo.
Sa Cebu, nananawagan ang mg atransport group ng fuel subsidy at pansamantalang suspensyon ng fuel excise tax upang maibsan ang gastos ng mga driver.
HAKBANG NG PAMAHALAAN
Ayon sa Department of Energy (DOE), nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga oil company upang mapabagal ang pagtaas ng presyo ng langis.
Pinag-aaralan din ang pagpapatupad ng staggered price increase upang hindi agad maramdaman ng publiko ang biglaang pagtaas ng presyo ng krudo, ayon sa Philippine News Agency.
Samantala, iniulat din ng Philippine Information Agency na patuloy ang monitoring ng Department of Trade and Industry sa Central Visayas upang matiyak na hindi inaabuso ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kasagsagan ng krisis sa gasolina.
PANAWAGAN NG MGA DRAYBER
Umaasa ang mga tsuper na magbibigay ng agarang tulong ang pamahalaan, kabilang ang fuel subsidy at iba pang mga hakbang upang mapanatili ang kanilang kabuhayan.
“May unta mahatagan mi og ayuda kay lisod na gyud kaayo among kahimtang,” ani Larry.