Dito sa Albay, hindi lang ulan ang bumabagsak — kundi abo rin

Bawat probinsya sa Pilipinas ay may natatanging yaman tulad na lamang sa Albay na may bantog na tanawing kumukumpleto sa kanilang pagkakakilanlan. Ngunit higit pa sa halos perpektong hugis nito ay may ibinubuga naman kapag nagngangalit.

Ang Bulkang Mayon sa Albay, Bicol na kilala sa kaniyang ‘perfect cone’ o ang rurok nito na hugis apa ay isa sa mga aktibong stratovolcano o uri ng bulkan na nabuo mula sa patong-patong na lava, abo, at mga bato. May taas ito na aabot sa 2,462 – 2,463 metro mula sa antas ng dagat.

Batay sa mga umiiral na datos, nakapagtala na ang bulkan ng lagpas 50 na pagputok mula sa pinakauna nitong aktibidad noong 1616. Nananatili naman itong aktibo hanggang ngayon at nasa Alert Level 3 (Intensified Unrest) simula pa noong Enero 2026.

Sa kasalukuyan, nito lamang Mayo 2 ay binalot ng matinding pagbagsak ng abo ang mga lugar sa Albay kabilang na ang siyudad ng Ligao at munisipalidad ng Camalig at Guinobatan. Ito ay dahil sa strombolian eruption at patuloy na pagdaloy ng pyroclastic density currents (PDCs) galing sa Bulkang Mayon.

Ayon sa panayam ng Inquirer kay Guinobatan Mayor Gemma Ann Ongjoco, ilang bahagi ng kanilang bayan ang nakaranas ng halos zero visibility dahil sa makapal na abo, na nagdulot naman ng pagkaantala sa mga aktibidad sa lugar.

Mahigpit pa ring binabantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga kaganapan sa bulkan, habang nananatili pa ring mataas ang antas ng paggalaw sa loob nito na maaaring magbunga ng mas mapanganib na pagsabog kung kaya’y pinag-iingat ang lahat.

Siyensyang nakakubli sa tila perpekto nitong anyo
Kung sisiyasatin ang kailaliman ng Bulkang Mayon, matatagpuan dito ang sistemang kayang bigyang-linaw ng siyensya.

Sa ilalim nito, ang pag-akyat ng magma na may kasamang kumukulong volcanic gases ay patuloy na nag-iipon ng pressure hanggang sa makahanap ito ng labasan patungo sa ibabaw dahilan ng pag-aalburoto at kalauna’y pagputok nito.

Nagkaroon ng strombolian eruption ang bulkan, isang uri ng pabugso-bugsong pagsabog na nagbubuga ng abo at volcanic gases mula sa bunganga nito. Sa mga nakalipas na buwan, patuloy na naitatala ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Mayon bago pa ang naturang pagsabog.

Ang aktibidad nito ay maaaring magpakita ng kombinasyon ng strombolian at effusive eruption, na parehong nagmumula sa galaw ng magma at dami ng nakulong na gas. Ang strombolian ay nailalarawan ng sunod-sunod na pagbuga, habang ang effusive eruption naman ay mas tuloy-tuloy na pag-agos ng lava mula sa bunganga ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, nananatiling aktibo ang effusive eruption sa Bulkang Mayon sa ika-116 na sunod-sunod na araw nito na nagdudulot ng lava flows, PDCs, at pagguho ng bato.

Naobserbahan din sa pagsabog ang PDCs o kilala sa lugar bilang uson. Ito ay ang pinaghalo-halong napakainit na bato, gas, at abo na mabilis na dumadaloy sa dalisdis ng bulkan.

Ayon kay Teresito Bacolcol, direktor ng PHIVOLCS, nabubuo ang PDCs kapag bumagsak ang eruption column o ang mataas na ulap mula sa bunganga nito dahil sa sarili nitong bigat. Mas delikado naman ito kumpara sa mga tipikal na rockfalls dahil sa halo-halong materyales na binubuo nito.

Sa ganitong mga proseso, ang PDCs ay itinuturing na pangunahing panganib dahil sa bilis at init nito. Kasunod ang ashfall na maaaring umabot sa malalayong lugar, habang ang mga pagguho ng bato at lava flows ay nananatiling lokal ngunit mapanganib na epekto ng pagsabog.

Mula sa taas ay hindi basta-basta lamang bumabagsak ang PDCs sa lupa na siyang bumabalot sa mga bayan ng Albay sapagkat ito ay may mga natural na daluyang dinadaanan upang marating ang paanan ng bulkan. Ito ay dumadaloy sa mga gully o ang mga uka at kanal na nabubuo dahil sa erosion.

Namataan naman sa abiso ng PHIVOLCS na gumagalaw ang mga PDCs patungo sa Mi-isi gully sa timog at timog-kanlurang dalisdis ng bulkan.

Dahil sa patuloy na pagiging aktibo ng bulkan ay mariing ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) upang masiguro ang kaligtasan ng lahat habang ang mga residenteng naninirahan na sakop dito ay agad na pinalikas.

Ang patuloy na aktibidad nito ay bunga ng kumplikadong interaksyon ng magma, gas pressure, at heolohikal na istruktura nito, na siyang patuloy na humuhubog sa anyo at panganib ng bulkan.

Kahandaan na bitbit ng mga Albayano
Para sa mga residenteng naninirahan sa Albay, hindi na bagong karanasan ang nangyari noong Mayo 2 kundi isa lamang sa marami pang panahon na sinubok sila ng Bulkang Mayon.

Sa pagputok ng bulkan, naitala ang humigit-kumulang 87 na mga nayon sa iba’t ibang bayan ng Albay na apektado ng makapal na abo na ibinuga nito. Dahil dito, pinayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay upang maiwasan ang panganib sa labas.

Sa kabila nito, may ilang indibidwal pa ring naabutan sa labas ng kanilang bahay sa oras ng biglaang pag-aalburoto, kabilang ang mga kabataang nagjo-jogging, mga komyuter, at mga sakay ng motorsiklo at iba pang sasakyan.

Sa ganitong sitwasyon, naging mahalaga ang agarang pagsusuot ng face mask upang maiwasan ang paglanghap ng abo na maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, ubo, hirap sa paghinga, at iba pang sakit sa baga.

Kapag pumuputok ang bulkan, naglalabas ito ng mga abo at mapanganib na gas sa hangin tulad ng sulfur dioxide (SO2) na maaaring maging banta sa buhay ng mga apektado.

Hindi lamang kalusugan ang tinatamaan ng pag-aalburoto ng Mayon kundi pati na rin ang kabuhayan ng mga residente. Sa bayan ng Camalig, lalo na sa mga nasa Mayon Unit barangay, ay kitang-kita kung paano nilubog sa abo ang mga pananim at gulay ng mga magsasaka rito.

Nagiging banta ito sa mga pananim dahil maaaring ‘maluto’ o masira ito dahil ang abo ay mainit na siyang tila lumuluto sa mga dahon nito. Maaari din itong makasira dahil sa kemikal na komposisyon na nakaaapekto sa paglago ng mga ito.

Bilang tugon, humiling ang Local Government Unit (LGU) ng Camalig ng agarang cloud seeding o artipisyal na pagpapaulan upang makatulong sa pagbabalik ng mas maayos na kondisyon para sa agrikultura sa lugar.

Samantala, nagtulong-tulong ang iba’t ibang lokal na ahensya sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) – Bicol upang bigyang-diin ang paglilinis ng mga daan para maalis ang naipong abo nang sa ganoon ay mas mabilis silang makapag-abot ng tulong sa nangangailangan.

Sa kabila ng paulit-ulit na hamon na dala ng Bulkang Mayon, nananatiling bitbit ng mga Albayano ang kahandaan at pagtutulungan bilang susi sa mas ligtas na pamumuhay sa harap ng patuloy nitong pag-aalburoto.

Marahil, kapalit ng halos perpektong anyo na nakikita ng mga Albayano araw-araw ay ang panaka-nakang panganib na kaakibat nito. Gayunpaman, nananatiling mahalaga ang kahandaan sa mga oras na ito ay tahimik man o nagliliyab.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...