INKLUSIBONG PAMPALAKASAN: Pag-usbong ng ‘Pickleball’ sa iba’t ibang henerasyon

John Aldrin Cullat

Umaga man o gabi, maaari mong marinig ang masiglang pagtalbog ng bola sa mga hardcourt ng Kalakhang Maynila. Kasabay ng halakhakan ng magkakaibigan mula sa iba’t ibang henerasyon ay ang himig ng pag-usbong ng larong hindi na lang para sa kabataan—ang Pickleball.

Hindi lamang mga bata at teenager ang nahuhumaling dito, kundi pati na rin ang mga matatanda at mga retirado. Isa itong modernong larong pampalakasan na maaaring ituring na anak ng Tennis, Badminton, at Pingpong—at ngayon, bahagi na ng lifestyle ng marami.

Bagama’t bago sa pandinig ng karamihan, may makulay itong pinagmulan at lumalawak na pamayanan. Ang Pickleball ay hindi lamang isport—isa itong kilusan.

 

Maikling kasaysayan ng pickleball


Ayon sa PPATour.com, nagsimula ang pickleball noong 1965 sa Bainbridge Island, Washington, USA. Sa isang mainit na araw, naghahanap ng mapaglilibangan sina Congressman Joel Pritchard at negosyanteng si Bill Bell. Dahil walang sapat na raketa para sa badminton, ginamit nila ang ping pong paddle at wiffle ball sa bakuran ng kongresista. Binabaan nila ang net mula 60 inches patungong 34 inches, at dito isinilang ang isang larong magbabago sa kasaysayan.

Sa loob ng dalawang taon ay nagtayo sila ng permanenteng court, at noong 1972, itinatag ang United States Amateur Pickleball Association (ngayon ay USA Pickleball). Mula roon, kumalat ito sa iba’t ibang panig ng mundo, maging sa Pilipinas.

Bakit “Pickleball?” 

Ayon kay Joan Pritchard, ang asawa ng kongresista, ang pangalan ay hango sa konsepto ng “pickle boat” sa rowing — isang bangka na binubuo ng mga crew mula sa iba’t ibang koponan. Bagama’t may nagsasabing ipinangalan ito sa kanilang alagang asong si Pickles, mas pinaniniwalaang ang inspirasyon ay mula sa ideya ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang tao — tulad ng mismong diwa ng larong ito.


Simple lang ang patakaran: Dapat munang tumalbog ang bola sa magkabilang panig bago ito saluhin sa ere. Ipinagbabawal ang pag-volley ng bola habang nasa loob ng tinatawag na ‘kitchen’—ang bahagi malapit sa net. Isa itong balanse ng estratehiya at timing kaysa purong lakas.

Higit pa sa kumpetisyon


Para sa maraming Pilipino, ang pickleball ay higit pa sa isport—ito ay naging sandigan sa gitna ng unos.

Sa isang panayam ni Anya Granados ng Allure.com, ikinuwento ni Regina Posadas, 54 anyos, kung paano siya tinulungan ng pickleball sa panahon ng kanyang depresyon. Matapos ang sunod-sunod na personal na trahedya—pagkamatay ng ama, pagkawasak ng 23-taong kasal, pagtatalo sa anak, at lumalalang kondisyon ng inang may dementia—nakaramdam siya ng kawalan.

“I felt lost and worthless,” aniya.

Isang pari ang nagpaalala sa kanya ng mga bagay na minsang nagpasaya sa kanya. Bilang dating varsity athlete ng Ateneo sa tennis, football, at track-and-field, sinubukan niyang sumali sa alumni group na naglalaro ng pickleball.

Nahikayat siya ng kaibigang si James Guiab, at makalipas lamang ang isang linggo ng ensayo, sumali na agad siya sa isang torneo—at nagwagi.

Sa kabila ng kanyang kapansanan sa pandinig, muling nabuhay ang kanyang kumpiyansa. Hindi narinig ang bola—pero nadama ito. Hindi niya kailangan ng pandinig, kundi diskarte.

“Pickleball has made me believe in myself more, embrace my independence, and be grateful for the blessings that come with it,” ani Posadas.

Paghasik ng popularidad sa mga Pilipino


Isa sa mga masigasig na tagapagtaguyod ng pickleball sa Pilipinas ay si Gelfe Napoles, 66 anyos. Dating x-ray technician sa Los Angeles, ngayon ay buong pusong ibinabahagi ni Napoles ang kanyang kaalaman sa larong ito sa mga kabataang Pilipino—libre.

Ayon kay Coach Napoles, isang panaginip ang naging mitsa ng misyon.

“May napanaginipan ako na naglalaro ako sa Pilipinas. When I woke up, something inside was telling me—I’m really gonna do this.”

Walang pinipiling edad

Mula high school students hanggang sa mga senior citizen, sinasakop ng pickleball ang lahat. Magaan sa katawan, hindi nangangailangan ng matinding lakas gaya ng tennis, at mas estratehiya kaysa bilis. Kaya nitong yakapin ang mga batang atleta at mga gurong nais mag-relax sa hapon.

Ito ang dahilan kung bakit patuloy itong tinatangkilik ng iba’t ibang henerasyon. Isa itong laro ng inklusibidad, ng koneksyon, at ng patuloy na paggalaw anuman ang edad o karanasan.

Sa kasalukuyang pagdami ng mga community club, torneo, at recreational groups sa buong bansa, ang Pickleball ay hindi na lang bago. Isa na itong patunay na may puwang ang bawat Pilipino sa mundong pampalakasan.

Ito ay hindi lamang kwento ng bola at paddle—kundi ng muling pagtindig, pagkakabuklod, at pagbibigay halaga sa bawat galaw ng buhay.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...