
Sa muling pagbukas ng mga paaralan sa darating na Hunyo 8, muli na namang sasalang ang milyun-milyong Pilipinong mag-aaral at guro sa isang malaking eksperimento ng Department of Education (DepEd).
Sa gitna ng mga bago at nakakalitong terminolohiya gaya ng “trisem” at “strengthened SHS,” hindi maiwasang maitanong ng publiko: Ilang pagtitiis pa ba ang kailangan bago natin tunay na maramdaman ang de-kalidad na edukasyon?
Ang pinaka radikal na pagbabago ngayong SY 2026-2027 ay ang paglipat sa three-term academic calendar. Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., layunin nito na solusyunan ang problema sa “compressed learning periods” dulot ng mga hindi inaasahang pangyayari katulad ng mga kalamidad. Sa bagong sistemang ito, target ng DepEd na makakuha ng 163 araw ng pagtuturo mula sa kabuuang 201 araw sa kalendaryo. Ngunit sa likod ng mga numerong ito, nananatili ang pangamba: Paano ang proteksyon ng mga bata sa ikalawang termino na sasabay sa panahon ng tag-ulan at matinding init? Isa pa, para saan pa ang mga pagbabagong dala ng EDCOM II?
Habang binabago ang petsa at sistema, hindi naman natitinag ang katotohanang napakaraming isinantabing pagkukulang ng pampublikong edukasyon. Mula sa dami ng mga silid-paaralan, suweldo ng mga guro, paglinang sa pundamental na kaalaman, at marami pang iba.
Hindi rin nakaligtas ang sistema ng Senior High School (SHS). Mula sa apat na tracks, ginawa na lamang itong dalawa: Academic at Technical-Professional (Tech-Pro). Dagdag pa rito, ang dating 15 core subjects ay tinapyas at ginawa na lamang lima sa layuning “i-decongest” ang curriculum. Bagama’t layunin nitong tutukan ang “foundational skills,” kailangang bantayan kung ito ba ay tunay na pagpapadali o unti-unting pagbaba ng antas ng ating karunungan. Para na lamang ba sa kapitalistang industriya natin hinuhubog ang kabataan? Tila pinapatay na natin ang simbuyo ng mga mag-aaral. Ipinagkakait ng makabagong sistema ang kapasidad nilang matuklasan ang potensiyal sa kalawakan ng mga larangan.
Kasabay nito ang pagtatangka ng DepEd na buwagin ang kultura ng mass promotion. Sa bagong grading system, ang dating passing raw score na 60 ay itinaas na sa 70 hanggang 72.99 para makakuha ng gradong 75. Ayon sa EDCOM 2, ang dating sistema ay nagmimistulang pagkanlong sa kakulangan sa pagkatuto ng mga bata. Sa kasalukuyan, nakapanlulumo ang estadistika sapagkat 85% ng mga bata sa Grades 1 hanggang 3 ang hirap magbasa, at pagdating sa Grade 12, ang mastery sa mahahalagang skills ay bumabagsak sa nakakaalarmang 0.4%.
Ang krisis na ito ay hindi lamang problema sa iskedyul; ito ay isang systemic rot. Mayroong mahigit 18 milyong estudyante ang itinuturing na functionally illiterate, isang malaking banta sa kinabukasan ng ating ekonomiya. Habang binubuhusan ng makasaysayang 1.3 trilyong pisong badyet ang sektor, nananatili pa rin itong kulang dahil katumbas lamang ito ng dalawa sa tatlong bahagi ng international standard.
Higit sa lahat, nasaan ang malasakit sa ating mga guro? Sila ang mga sundalong nasa harap ng labanan ngunit madalas ay “overworked, underpaid, and pushed to the brink”. Ang mga bagong polisiya ay dagdag na pasanin sa kanila habang ang edukasyon ay tila nagiging pabrika na lamang ng murang lakas-paggawa.
Ayon sa EDCOM 2, aabutin ng hindi bababa sa sampung taon bago natin maayos ang tatlong dekadang problema sa edukasyon. Ang mga repormang ito ay mga kagamitan lamang. Ngunit hangga’t hindi natutugunan ang gutom ng mga bata, ang kakulangan sa pasilidad, at ang kapakanan ng mga guro, ang bawat bagong school year ay mananatiling daan-daang siklo ng pagtitiis. Hanggang kailan tayo magtitiis sa mga band-aid na solusyon para sa isang sugat na nasa buto na ang lalim?