Kakapusan ng klasrum sa Tiltilon ES sa Cebu, sinalo ng makeshift setup; shifting schedule, ipinatupad

Nagpatuloy ang enrollment at paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Tiltilon Elementary School sa Liloan, Cebu, kahit bakas pa rin ang pinsalang iniwan ng Bagyong Tino noong Nobyembre 2025.

Sa ulat ni Annie Perez ng ABS-CBN News, Hunyo 8, ayon umano sa punong-guro ng institusyon, anim na silid-aralan ay hindi pa rin nagagamit dahil, bukod sa sira, kulang din ang pondo para sa rehabilitasyon. 

Napilitan ang paaralan na magpatupad ng shifting schedule, kung saan hinati sa pang-umaga at panghapon ang mga klase upang matiyak na makapagpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante.

Upang matugunan naman ang kakulangan sa mga silid-aralan, gumamit din ang paaralan ng mga makeshift classroom. 

Sa video report, makikitang ginawang pansamantalang learning space ang isa sa mga pasilidad ng paaralan upang magsilbing alternatibong lugar para sa mga bata.

Dagdag pa rito, wala pang kuryente ang ibang bahagi ng institusyon, kung kaya’t napipilitang magdala ng sariling pamaypay ang mga estudyante upang maibsan ang init habang nasa klase.

Sa kabila ng mga pagsubok, umiiral ang determinasyon ng paaralan na maipagpatuloy ang edukasyon. 

Kasabay nito, nananawagan ang pamunuan ng agarang tulong mula sa kinauukulan upang maisaayos ang mga nasirang klasrum at mabigyan ng mas ligtas at komportableng espayo sa pagkatuto ang mga mag-aaral.

Tumangging magpaunlak ng panayam ang school principal ng Tiltilon Elementary School gawa ng kaabalahan sa pang-institusyunal na tungkulin.

Ang sitwasyon sa Tiltilon ay salamin lamang ng isang malawakang krisis sa edukasyon, kamakailan lang ay inanunsyo ng DepEd Region 7 na opisyal silang nagpapatupad ng double-shift schedules dahil sa napakalaking kakulangan na mahigit 10,000 silid-aralan sa buong rehiyon. 

Sa bilang na ito, ang Cebu ang may pinakamabiigat na pasanin na may kakulangang 8,287 classrooms, habang ang Bohol naman ay may 1,713.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...