‘Libreng Sakay’ ng OVP, umabot na sa 2M pasahero; serbisyong medikal at libing, limitado pa rin

Kriztelle Sitoy

Umabot na sa mahigit-kumulang 2.4 milyong pasahero ang nakinabang sa programang Libreng Sakay ng Office of the Vice President (OVP) mula nang ito ay mailunsad noong Agosto 2022, ayon sa pinakahuling pahayag ng tanggapan.

“As of today, July 2025, nakapagsakay na tayo ng 2,416,899 na pasahero,” ani OVP Spokesperson Ruth Castelo, sa isang press briefing noong Hulyo 16.

Sa kasalukuyan, siyam na bus na ang umiikot sa pangunahing ruta sa Metro Manila, Cavite, Cebu, Bacolod, Davao, at ang bagong-dagdag, Tacloban.

Dagdag pa rito, may dalawang bus na pag-aari ng OVP, habang pito naman ay leased o kontraktwal na ibabalik sa mga may-ari sa katapusan ng termino ng bise-presidente sa 2028.

Libre ang biyahe tuwing Lunes hanggang Sabado, mula 5:00-9:00 ng umaga at parehong oras sa gabi.

Alinsunod dito, pinag-aralan ng OVP ang pagpapalawig ng oras mula 4:00-10:00 ng umaga at gabi upang makasakay ang mga maaagang pasahero, lalo na ngayong tag-ulan.

“This is also going to be a very dependable mode of transport for our passengers or the beneficiaries of Libring Sakay, especially with the looming or forthcoming gasoline prices… Of course, with gasoline prices go high, our transportation fare also goes high,” pahayag pa ni Castelo.

Tinatayang nasa Php 170,000 hanggang Php 180,000 kada buwan bawat bus ang gastos ng OVP para sa operasyon, kabilang na rito ang gasolina, sweldo ng driver at konduktor, Wi-Fi, at maintenance.

Sa kabilang banda, aminado si Castelo na walang pondong inilaan para sa medical at burial assistance sa 2024 at 2025 budget ng OVP. 

Gayunpaman, patuloy pa rin nilang tinutugunan ang mga humihingi ng tulong sa pamamagitan ng mga natitirang supply mula sa procurement noong 2023, gaya ng wheelchairs at Janaza kits para sa Muslim burial assistance.

“We do not have budget for medical and burial assistance for 2024 and 2025… I mean, for this year, yes, 2025… And since there is no budget, we only make use of what was left, what resources were left last year,” paliwanag pa niya.

Sa kabila ng pagpapatupad ng mga programa gaya ng Libreng Sakay, iniulat ng OVP na nasa 86 porsyento lamang ng kanilang dalawang bilyong budget ang nagamit noong 2024, at nasa 34 porsyento pa lamang ang utilization rate ngayong 2025.

Ipinaliwanag ni Castelo na ang mga hindi nagamit na pondo ay pangunahing sanhi ng pagkaantala sa pagproseso ng dokumento at beripikasyon ng mga benepisyaryo, lalo na sa mga proyektong may kaugnayan sa kabuhayan gaya ng “Magnegosyo Tayo Day.”

Bagamat nagbigay ang Commission on Audit (COA) ng mga rekomendasyon upang masiguro ang feasibility ng mga proyekto batay sa takdang panahon at panukala.

Nilinaw ni Castelo na walang direktang mungkahi mula sa COA ukol sa pagpapabuti ng absorptive capacity ng OVP, at walang naitalang maling paggamit o misstatement ng pondo.

“And we understand that we need to speed up utilizing the funds, but we also do not want to carelessly utilize the funds… And so we are being very care… So as not to open any issue that may thrown against us,” aniya.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...