
Matapos walisin ang tatlong koponan sa Group A, muling nagningning ang Gilas Youth Men sa semifinal round matapos pabagsakin ang Malaysia sa 130–54 demolisyon, upang umabante sa FIBA U18 SEABA Qualifier finals, nitong Hunyo 13, sa Chankapoh Gym, Thailand.
Tumikada ng 26 puntos, at dalawang rebound si JB Cagurungan, katuwang ang six-foot-six forward na si Prince Cariño na may 21 puntos, at apat na rebounds para muling dalhin ang Gilas Boys sa FIBA U18 Asia Cup sa India sa darating na Agosto.
Agad bumandera ang mga bagito ni head coach Juno Sauler matapos magbitiw ng 17–0 bomba sa pangunguna nina Ethan Aguas at Andrew Chio para makuha ang momentum sa unang frame, 32–11.
Hawak ang manibela, bumulusok pa ang Nationals nang samantalahin ang 10-of-40 field goal ng Malaysians at pinalobo sa 32 ang bentahe sa pagtatapos ng first half, 58–26.
Nagsalpak ng 15–2 run ang Gilas sa natitirang 4:58 minuto ng ikatlong rolyo na pinagbidahan ng tatlong tres ni Cagurungan bago magpakawala ng apat na sunod na two-pointer ni Cariño, na hindi na naapula pa ng Malaysians, 93–40.
Tuluyan nang naubusan ng gasolina ang Malaysian bets matapos itala ang katangi-tanging tres sa ikaapat na rolyo pagkatapos ng 8–0 run ng Gilas, na tinuldukan ng back-to-back trey nina LJ Razon, at Kyle Sardon, 130–54.
Tanging si Kuan Yit Lim lamang ang nakapagtala ng double-digit na may 10 puntos habang may walong markers naman si Kenwen Lee para sa Malaysia.
Naging dagok din para sa Malaysian bets ang kanilang 19 turnovers at mas malamyang 29% field goal percentage (21-of-73) kumpara sa mas mataas na 54% (48-of-89) ng Gilas.
Muling haharapin ng Gilas ang host country na Thailand para sa inaasam na ikapitong sunod na titulo ng U18 SEABA, sa Hunyo 14.