Ano ang mangyayari kung ang kabataan ay nagpadala sa tukso ng ‘bawal?’

Bea Allyson Alimangohan

Ang kabataan ay isa sa mga pinupunterya ng mga produktong kulang pa sila sa kamalayan. Bili rito, bili roon. Basta uso at sikat, agad na binibili kahit hindi pa lubos na nauunawaan ang mga maaaring panganib na dulot nito. 

May mga produktong hindi dapat gamitin sapagkat hindi lamang ito labag sa batas, may kaakibat din itong pinsala sa kalusugan sa negatibong paraan.

Dahil sa likod ng mga produktong ito ay may nagtatagong madilim na anino — ang impluwensya at estratehiyang ginagamit upang mahikayat ang mga kabataan na subukan at patuloy na gamitin ang mga ito.

‎Kahit may batas, may nakatatakas

‎Ayon sa Republic Act No. 11900, Sec. 6, ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga vaporized nicotine (Vape) at non-nicotine na produkto sa mga wala pang 18 taong gulang. Nakasaad din sa batas na may responsibilidad ang mga nagbebenta ng mga produktong ito, pisikal man o online, na beripikahin ang edad ng mamimili sa pamamagitan ng pagpapakita ng government-issued valid ID. 

‎Ipinagbabawal din, sa ilalim ng Republic Act No. 9211, ang pagbebenta ng mga produktong ito sa mga lugar na maraming menor de edad, tulad ng mga paaralan, at dapat ay hindi bababa sa 100 metro ang layo ng mga tindahan.

Sa katotohanan, kabaligtaran ng nakasaad sa batas ang nangyayari. Ayon sa pag-aaral ng Global Tobacco Control (GTC) noong Disyembre 2022 hanggang Enero 2023, mahigit 2,000 tobacco product vendors ang matatagpuan sa hindi bababa sa 276 na paaralan na nasa loob o mas mababa pa sa 100 metrong limitasyon. 

Bagama’t ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta at paggamit ng mga produktong ito sa mga menor de edad, may nakalulusot pa rin sa kabila ng umiiral na regulasyon. Ika nga, kapag gusto, maraming paraan.

‎Dumarami ang bilang, balewala nga lang 

‎Dahil kaliwa’t kanan ang nagbebenta, kahit gaano pa karami ang mga babala o mga larawang nagpapakita ng epekto ng vape at sigarilyo na nakaimprenta sa pakete ng produkto, tila balewala pa rin ang mga ito. 

‎Ayon sa datos ng Global State of Tobacco Harm Reduction (GSTHR) noong 2021, may 82 milyong katao sa buong mundo ang gumagamit ng vape, at 3% nito ay mga Pilipino o humigit-kumulang 2.7 milyon. Mas mataas ito ng 17%  kumpara sa nakaraang taon. 

‎Sa sarbey naman ng Global Youth Tobacco noong 2019, isa sa bawat pitong kabataang may edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng vape. 

Batay pa sa sarbey:

  • 11% ng mga kabataan ay gumagamit ng tobacco;
  • 10% ang gumagamit ng sigarilyo; at
  • 14% ang gumagamit ng e-cigarettes. 

Kung susuriin natin, sa murang edad pa lamang ay nalalantad na ang mga kabataan sa mga kemikal na maaaring makasama sa kanilang kalusugan at pangkalahatang pag-unlad.

Gayunpaman, tila walang malaking pagbabago sa sitwasyon. Nanatiling mataas o halos hindi nagbabago ang porsyento ng mga kabataang gumagamit ng mga produktong ito sa kabila ng prohibisyon.

Dahil dito, patuloy ang panawagan ng publiko na higpitan at mas paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon upang mabawasan, kung hindi man tuluyang mapuksa, ang paggamit ng mga ito ng kabataan sa mga susunod na taon. 

‎May tunay silang balak kaya ka tinutulak

‎Kung hindi maipagbili nang direkta, sa ibang paraan nila itinutulak ang mga kabataan sa paggamit ng vape at e-cigarettes. Para lamang sila ay kumita handa silang hayaang mamayani ang maling paniniwala sa isip ng mga kabataan.

‎Mula sa isang artikulo ng Centers for Disease Control and Prevention sa United States noong 2024, ang marketing strategies, mga flavor, impluwensya ng mga taong nakapaligid, at ang adiksyon sa nicotine ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit nahihikayat ang mga kabataang gumamit ng mga nasabing produkto. 

Kung walang sapat na kamalayan ang mga kabataan, lalo na ang mga menor de edad, tiyak na madali silang matutuksong gumamit ng vape at e-cigarettes. 

Sa isang pag-aaral noong 2025 tungkol sa behavioral intention sa paggamit ng e-cigarettes na inilathala sa National Library of Medicine, karamihan sa mga kalahok o 75.8% ay nasa 18 hanggang 24 taong gulang lamang. 

Sa parehong pag-aaral, natuklasang isa sa pinakamalakas na impluwensya sa mga mamimili ay ang kanilang kaalaman sa produktong ginagamit. 

Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat at tamang kaalaman tungkol sa epekto ng e-cigarettes sa katawan. Sumunod dito ang presyo at social influence. 

Maraming dahilan kung bakit natutukso ang mga kabataan. Kaya ang panawagan ng mga eksperto at advocates, palawakin pa ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa epekto ng nicotine upang matulungan ang mga kabataan na gumawa ng tamang desisyon kahit pa hinihikayat sila ng mga nakapaligid sa kanila.

‎Ang tunay na amoy ng usok

Ang matinding panganib sa kasalukuyan ay ang patuloy na pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa epekto ng vape at e-cigarettes. Mas madalas pa itong inilalarawan bilang mas mabuti at mas ligtas kaysa sa tradisyonal na sigarilyo. Ngunit hindi ito totoo at ito ay panlilinlang lamang.

Nakasaad din sa batas at pinagtitibay ng mga eksperto, “Ang mga ‎produktong ito ay nakasasama sa kalusugan at naglalaman ng ‎nicotine, isang nakalululong na kemikal. Hindi ito ‎inirerekomendang gamitin ng mga hindi naninigarilyo.”

Hindi totoong mas malakas ang katawan dahil bata pa. May mga ulat na ng mga kabataang 16 anyos pa lamang ay naospital na dahil sa paggamit ng vape. Mas masakit pa rito, mayroon nang nasawi dahil dito. Kabilang sa mga sakit na maaaring idulot nito ang cancer, heart disease, at chronic obstructive pulmonary disease. 

Iminumungkahi ng mga eksperto tulad ni Tuo-Yen Tseng, Ph.D. ng GTC ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa publiko, pagbabalik sa 21 taong gulang na minimum age para makabili, pag-aalis ng mga nakaaadik na flavor, pagpapatupad ng mas estandardisadong packaging, at pagbabawal sa maling o hindi beripikadong impormasyon tungkol sa vape at e-cigarettes.

“There is agreement that these products should not be sold to or consumed by children… And yet, we are still seeing them advertised in ways and places that are accessible and attractive to youth – including associations with candy or cartoons,” ani Tseng.

Kung higit ang kanilang panghihikayat sa pagbili, dapat ay mas mahigpit ang pagpapatupad ng batas upang protektahan ang kabataan, lalo na ang mga menor de edad na kailangan pa ng gabay at sapat na kamalayan. 

Para naman sa mga kabataan, huwag nating hayaang makasinghot muna tayo ng maraming usok bago mapagtantong bawal at nakasasama ang ginagamit na produkto. Huwag hintayin ang panahong nakaratay ka na sa higaan ng hospital at ipinaglalaban ang bawat paghinga. Nasa huli ang pagsisi — hindi na kailanman mababawi kung huli na ang lahat.

Kahit paikut-ikutin pa nila ang iyong isip, tandaan mong may pangarap na naghihintay sa iyo. Huwag mong hayaang masira ito ng mga produktong mapanlinlang sa umpisa at tila kaakit-akit lamang upang mapabili ka. Habang hindi pa huli, huwag ka nang magpatukso; itigil mo na. Dahil ang bawal, kahit pa masarap at mabango, ay nananatiling bawal. 

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...