MIMAROPA, Kalayaan Islands kabilang sa posibleng makaranas ng dry conditions sa bansa

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of Philstar/PAGASA/Municipality of Kalayaan

John Carlo O. Bangsoy

Posibleng makaranas ang limang lalawigan ng MIMAROPA at Kalayaan Island Groups ng dry conditions matapos itong mapasama sa 47 areas na inaasahang makapagtala ng mababa sa normal na dami ng ulan dahil sa umiiral na El Nino sa tropikal na Karagatang Pasipiko. 

Kabilang din sa 47 lugar ang ilan pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, ayon sa Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) nitong Lunes, Hunyo 15.

Batay sa inilabas na seasonal climate outlook ng PAGASA, kasama sa maaapektuhang lugar sa MIMAROPA ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Kalayaan Island Groups sa Palawan.

Bagama’t hindi kasing tindi ng drought o tagtuyot ang sinasabing dry condition, possible pa ring makaapekto ito sa suplay ng tubig, agrikultura, at iba pang sektor ng nakasalalay sa klima, kung patuloy na magtatagal ang pagbaba sa normal na dami ng ulan at hindi agad matugunan.

 Inaasahang makaranas ang mga naturang lugar ng 21% hanggang 60% na pagbaba sa dami ng ulan sa loob ng dalawang magkasunod na buwan na tumutugma sa tinatawag na “dry condition” ng PAGASA.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mas matinding sitwasyon sa Camarines Sur kung saan tinatayang makaranas ito ng dry spell o 21% hanggang 60% na pagbaba sa dami ng ulan sa loob ng tatlong buwan o higit 60% sa loob ng dalawang buwan.

Nilinaw naman ng ahensya na wala pang anumang lugar sa bansa na posibleng makaranas ng matinding tagtuyot o drought, ang pinakamalubhang kondisyon ng matagal at matinding kakulangan sa ulan.

Maari pa rin umanong madagdagan ang mga lugar na posibleng makaranas ng dry conditions pagsapit ng Disyembre, ayon kay PAGASA Administrator Nathaniel Servando. 

“That’s just the initial list, but more areas are likely to be added by December. Drought condition is also possible,” ani Servando. 

Nakabatay ang naturang outlook ng ahensya sa December 2025-May 31, 2026 observed rainfall at June-November 2026 forecast rainfall, na iprinesenta nila sa isang press conference kasunod ng Typhoon and Flood Awareness Week (TFAW).

Bunsod ng posibleng epekto ng dry condition sa suplay ng tubig at agrikultura, hinimok ng PAGASA ang lokal na pamahalaan, magsasaka, at iba pang sektor na manatiling nakatutok sa kanilang weather advisory upang maiwasan ang mga posibleng epekto nito.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...