
Nagrehistro ng panalo ang Adamson University (AdU) Lady Falcons at De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos pataubin ang University of the Philippines (UP) Lady Fighting Maroons at National University (NU) Lady Bulldogs sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament na ginanap sa SM Mall of Asia Arena nitong Marso 15.
Dinomina ng Adamson Lady Falcons ang UP Fighting Maroons sa straight sets, 25–18, 25–16, 25–19, upang tapusin ang unang round na may panalong rekord.
Pinangunahan nina Frances Mordi at Shaina Nitura ang opensiba ng Adamson matapos magtala ng 17 at 14 puntos ayon sa pagkakasunod.
Kumana si Mordi ng 16-of-34 attacks kasama ang isang block habang naging sandigan din sa scoring si Nitura para sa Lady Falcons.
Namuno naman si Fhei Sagaysay sa playmaking matapos magtala ng 20 excellent sets at limang puntos.
Nag-ambag din si Eloi Dote ng walong puntos habang nagdagdag sina Marie Joy Aseo at Lhouiz Tuddao ng anim at limang puntos ayon sa pagkakasunod.
Umangat ang Adamson sa 4–3 rekord upang makipagsabayan sa ikatlong puwesto kasama ang Far Eastern University at University of Santo Tomas.
Samantala, bumagsak ang UP sa 3–4 kartada matapos ang kanilang ikatlong sunod na pagkatalo sa pagtatapos ng first round.
Lady Spikers winalis ang unang round
Kinumpleto ng De La Salle University Lady Spikers ang kanilang unang yugto ng sweep matapos pabagsakin ang defending champion na National University Lady Bulldogs sa apat na set, 25–21, 25–19, 19–25, 25–17.
Pinamunuan ni Shevana Laput ang Lady Spikers matapos kumamada ng 19 puntos mula sa 15 kills, tatlong blocks, at isang ace.
Nag-ambag din si Angel Canino ng 14 puntos at 10 excellent receptions, habang nagdagdag si Amie Provido ng 12 puntos.
Naging epektibo rin si Vida Caringal na nagtala ng siyam na puntos, habang nagrehistro si Eshana Nunag ng 22 excellent sets at tatlong puntos.
Tinangkang buhatin ni rookie Sam Cantada ang NU matapos kumamada ng 13 puntos at 14 excellent receptions.
Tinapos ng La Salle ang first round na may malinis na 7–0 rekord habang nagtapos ang NU sa 5–2 kartada sa ikalawang puwesto.