
Nathalie Feliciano
Mariing itinanggi ni Sen. Risa Hontiveros ang mga kumakalat na pahayag sa social media na umano’y isinusulong niya ang pagbabawal sa online game na GoreBox kasunod ng naganap na school shooting sa Tacloban City.
“Pinutak din ng fake news yung office ko over the weekend. I never recommended, said, or even thought about banning any game, including this GoreBox,” ani Hontiveros sa isang panayam nitong Martes, Hunyo 30.
Ayon sa senador, wala pang inilabas na rekomendasyon o konklusyon ang pinumumunuan niyang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality dahil sisimulan pa lamang ng komite ang pagdinig kaugnay ng insidente.
Nilinaw rin ni Hontiveros na hindi nila isinisisi sa iisang laro ang nangyaring pamamaril.
“We’re not saying that this tragedy was caused by a single game. But if there is an online environment that may have been part of the children’s exposure to violence, it is our duty to investigate that,” dagdag niya.
Tatalakayin sa hearing ang iba pang posibleng salik na naghudyat sa trahedya, kabilang ang parent control, pag-access ng mga menor de edad sa baril, at online grooming.
Inimbitahang dumalo si Felix Filip, developer ng GoreBox na nakabase sa Germany, upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang para sa kaligtasan ng mga menor de edad, ngunit tinanggihan niya ang paanyaya.
Isinama ang Gorebox sa imbestigasyon matapos sabihin ng mga awtoridad na isa sa mga suspek ay madalas umanong naglalaro nito bago ang insidente.
Hinimok naman ni Hontiveros ang publiko na iwasang magpakalat ng maling impormasyon at hintayin ang resulta ng pagdinig bago bumuo ng anumang konklusyon.
“So don’t get ahead of yourselves, you who spread fake news over the weekend. Let’s stick to the truth. The truth is that there are children who were killed, parents left without their children, and many more children wounded and deeply traumatized,” ani ng Senador.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang mga ugat ng trahedya at makabuo ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang kabataan.