
Ivy Jhoy Briol
May mga pusang hindi marunong matuto sa salitang “bawal.” Kahit ilang beses nang pinagsasabihan, laging bumabalik sa parehong bakas ng paglabag . Sa Kongreso, ganitong imahe ang iniuugnay ko sa naging kaso ni Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga.
Noong Hunyo 2, 2026, bumuto ang Kamara ng 265 pabor, 14 tutol, at walong abstain upang tuluyang patalsikin si Barzaga sa Kongreso. Ayon sa House Ethics Committee, paulit-ulit siyang nagpapakita ng asal na hindi umano naaayon sa isang mambabatas. Matapos ang dalawang 60-araw na suspenyon, napagpasyahan nilang hindi na sapat ang simpleng parusa. Ang huling naging hatol ay ang tuluyang pagpapatalsik sa kaniya sa Kamara.
Ngunit dito ako napapaisip. Talaga bang pagpapatalsik sa puwesto ang nararapat na katapusan ng kuwento?
Meowder sa Kamara
May karapatan ang bawat mambabatas na magsalita. Ngunit hindi ibig sabihin nito na maaari na nilang guluhin ang proseso. Ayon sa House Ethics Committee, paulit-ulit umanong nakagambala si Barzaga sa mga sesyon sa pamamagitan ng mga interruption, loud, outbursts, at iba pang kilos na nakaaantala sa trabaho ng Kamara. Sa ilalim ng House Rules (Rule XX, Section 141 (a) & (b) ), inaaasahan na ang bawat miyembro ay kikilos sa paraang nagbibigay ng dangal at respeto sa institusyon. Higit pa rito, nakasaad din sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na ang mga lingkod-bayan ay dapat magpakita ng mataas na pamantayan ng propesyonalismo at tamang-aral.
Bagama’t isang ordinaryong batang mamamayan lamang ako na nanonood sa mga ganitong isyu, napagtanto ko na kung ang mismong gumawa ng batas ang hindi sumusunod sa mga alintuntunin, paano aasahan ng publiko na ito ay igagalang at susundin? Kung ang layunin ng Kamara ay gumawa ng mga batas para sa bayan, hindi dapat nauubos ang oras nito sa pagharap ng gulong maaari namang maiwasan.
Ang mga mambabatas ay dapat maging modelo sa kanilang mga nasasakupan, at hindi magpakita ng asal na tila pusang hindi marunong sumunod sa itinakdang hangganan.
Meow, Bawal ‘Yan
Maihahalintulad si Barzaga bilang isang pusang ilang beses nang tinaboy ngunit patuloy pa ring bumabalik sa paglabag. Hindi isang beses lamang napatawan ng disiplina si Barzaga. Siya ay dalawang beses na sinuspinde at umabot sa kabuuang 120 araw ang kaniyang pagkakaalis.
Ang unang suspensyon ay ipinatupad noong Disyembre ng nakaraang taon dahil sa mga social media posts na tinuturing na “unbefitting of a House member,” kabilang ang mga kontrobersyal na larawan at nilalaman ng kaniyang Facebook accounts.
Sa ikalawang pagkakataon, noong Pebrero ngayong taon, muli siyang sinusupende sa loob ng 60 araw. Ayon sa ulat na inilahad sa plenary session ni Rep. Jc Abalos, kabilang sa mga dahilan ang mga pahayag ng Barzaga na umano’y may suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon Jr. kapalit ng suporta kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Ito ay itinuturing ng komite na paglabag sa mga alintuntunin ng Kamara at nagdulot ng patuloy na pagkasira ng reputasyon ng institusyon.
Ayon mismo kay Rep. Abalos, “the sanctions had nothing to do with political speech,” kundi sa mga paglabag na “no elected official should commit.” Ibig sabihin, hindi isyu ang opinyon, kundi ang paraan ng kilos at paglabag sa mga alituntunin.
Gaya ng isang batang tulad ko naiintindihan ko na, ang unang paglabag ay may kaakibat na kaparusahan upang disiplinahin ito. Gayunpaman kung ito ay paulit-ulit na lang na nangyayari, natural lamang na suriin kung kinakailangan na ang mas mabigat na hakbang upang mapanatili ang dignidad ng institusyon. Tulad ng isang pusang paulit-ulit na lumalabag sa hangganan, nagiging tanong kung sapat pa ba ang simpleng parusa?
Meow sa Ilalim ng Ebidensya
May ilang mambabatas, kabilang si Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah San Fernando, na nagsasabing maaring may naganap na “dobleng pamantayan” sa naging desisyon ng Kamara. Ayon sa kaniya, may mga pagkakataon umanong ang ibang kongresista na nasangkot sa mas mabibigat na isyu tulad ng korapsyon at iba pang kontrobersya ay hindi rid agad napapatawan tuluyang pagkatanggal sa puwesto.
Subalit, hindi natin dapat ikumpara ang mga kaso batay lamang sa paratang. Bawat hakbang ng disiplina sa Kamara ay may pinagdadaanang proseso ng ebidensya. Sa kaso ni Barzaga, paulit-ulit na lumalalang paglabag na kung saan ay naaapektuhan ang institusyon ang naging batayan ng Ethics Committee.
Kung ang paulit-ulit na paglabag ay patuloy na sasagutin lamang ng paulit-ulit na babala, maaaring manatiling nakatali ang sistema sa siklong hindi na nito kayang kontrolin.
Nararapat na palakasin ang pagpapatupad ng mga alintuntunin at gayon din ang pare-parehong pamantayan ng pananagutan para sa bawat lingkod-bayan upang mapanatili ang tiwala sa institusyon.
Para sa mga mamamayang katulad ko, ang Kongreso ay hindi isang silid na puwedeng gawing laruan ng sinuman. Maging mapagmatyag. Kumilatis. Gamitin ang iyong karapatan. Tulad ng isang pusang paulit-ulit na lumalampas sa bakod, kung walang malinaw na hangganan, hindi na ito titigil sa paglabag.