
Anastasia Reigh Verzosa
May mga pag-ibig na akala natin ay para sa atin. May mga pag-ibig na akala natin ay sapat. At mayroon ding mga pag-ibig na sa una’y inakala nating totoo, ngunit kalauna’y mauunawaan nating repleksyon lamang pala ng paraan natin ng pagmamahal.
Matagal kong inisip kung minahal mo ba talaga ako, o minahal mo lamang ang pakiramdam ng may taong handang magmahal sa’yo.
May mga pagkakataong kumbinsido akong oo. Sa paraan ng pagtingin mo. Sa pag-aalala mo. Sa bawat pagkakataong sinusuklian mo ang mga bagay na una kong ibinigay. Unti-unti kong binuo ang paniniwalang pareho tayong umiibig.
Ngunit habang paulit-ulit kong binabalikan ang ating mga alaala, may isang bagay na hindi ko na kayang ipagwalang-bahala.
Hindi ka kailanman ang nauna.
Bawat paglapit mo ay may nauna akong paghakbang. Bawat paghawak mo ay may nauna akong pag-abot. Sa bawat paglingon mo, may nauna akong paghihintay. Lahat ng itinuring kong patunay ng pagmamahal mo ay nagsimula pala sa akin.
Marahil, hindi kita minahal upang may maibalik ka. Minahal kita dahil alam kong may mga uri ng pagmamahal na ipinagkait sa’yo — mga yakap na hindi mo natanggap, mga salitang matagal mong hinintay. Inakala kong kung mamahalin kitang sapat, mabubuo ko ang mga bahaging matagal nang may lamat.
Ngunit may mga kakulangang hindi kayang punan ng pagmamahal ng ibang tao. At may mga pusong marunong tumanggap ng pag-ibig, ngunit hindi pa marunong lumikha nito.
Hindi ko na hinahanap kung bakit hindi mo ako minahal. Nauunawaan ko na ngayon kung bakit akala ko’y umiibig ka rin.
Sa tuwing tumitingin ako sa’yo, nakikita kong may pag-ibig sa iyong mga mata. Hindi pala dahil naroon iyon, kundi dahil sarili kong pag-ibig ang nasasalamin ko sa’yo.
Hindi mo ako minahal sa paraang inakala ko. Natuto ka lamang tumbasan ang paraang una kong ipinakita sa’yo. Ang inakala kong pag-ibig na nagmumula sa’yo ay repleksyon lamang pala ng pag-ibig na una kong ibinigay.
Doon ko naunawaan na hindi lahat ng pag-aarugang bumabalik ay pag-ibig. May mga taong marunong tumugon sa lambing, gumanti sa kabutihan, at ibalik ang pag-aalaga — ngunit hindi iyon nangangahulugang pinili rin nila tayong mahalin.
Siguro, ang paborito mo sa akin ay hindi ako. Kundi ang paraan ng pagmamahal ko sa’yo.
Sapagkat ang pinakamalaking pagkakamali ko ay ang isipin na ang bawat pagmamahal na ibinabalik mo ay nagmumula rin sa puso mo.
Ngayon, alam ko na.
Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa dami ng naibabalik. Nasusukat ito sa kusang pagpili — sa paglapit na hindi kailangang hintayin, sa pag-aarugang hindi kailangang suklian, at sa pagmamahal na may sariling pinagmumulan.
Sapagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi repleksyon. May sarili itong liwanag.
At ako? Hindi ako ang pag-ibig na ipinagkait sa akin.
Dahil mula pa sa simula, alam kong ako ang pag-ibig na kaya kong ibigay — malaya, buo, at hindi kailanman nakasalalay sa kung ano ang kayang ipagkaloob ng iba.