
Brylle Ivan Cruz
Nanatiling walang bahid ng pagkatalo ang Junior Golden Tigresses matapos walisin ang Pusong Azul, 25–21, 25–17, at tiyakin ang pagpasok sa semifinal round kasunod ng magkakasunod na panalo, kabilang ang naunang pagdispatsa sa One La Salle (OLS).
Pinangunahan ng setter na si Alexandra San Jose ang balanseng opensa ng UST upang mapanatiling kontrolado ang laban.
Nag-ambag si Kaite Noerine Cruz ng limang puntos na pawang mula sa attacks, habang nagdagdag sina Ryzel Laag at Pauline Moreno ng tig-apat na marka para sa España-based squad.
Tabla pa sa 19–19 ang unang set nang magpasiklab sina Ryza Mae Sespeñe at Laag sa mahahalagang atake upang pangunahan ang 6–2 ratsada ng UST at angkinin ang unang yugto, 25–21.
Hindi na lumingon pa ang Junior Golden Tigresses sa ikalawang set matapos buksan ang 12–9 kalamangan at samantalahin ang magkakasunod na errors ng Pusong Azul sa 13–8 pagtatapos upang tuluyang iselyo ang straight-set victory, 25–17.
Aromin inakay ang PVA
Nagpasabog si outside hitter Lea Aromin ng career-high na 24 puntos upang ihatid ang Pacific Volleyball Academy sa 25–19, 20–25, 15–10 panalo laban sa Philippine School Doha at maitala ang ikalawang panalo sa torneo.
Kumamada si Aromin ng 20 attacks at dalawang service aces, habang ang kanyang 24 puntos ang pinakamataas na naitalang indibidwal na output sa torneo.
Agad na kinontrol ng PVA ang unang set matapos bumuo ng maagang kalamangan sa likod ng sunod-sunod na atake upang angkinin ang 25-19 panalo.
Nakabawi ang Philippine School Doha sa ikalawang yugto sa pamamagitan ng mas matatag na depensa at mahusay na floor coverage upang itabla ang laban, 25-20.
Ngunit muling rumatsada ang PVA sa deciding set, kung saan nagtayo ito ng komportableng bentahe sa gitna ng sunod-sunod na puntos na hindi na nabawi ng PSD, 15-10.
Susubukan ng UST na kumpletuhin ang elimination round nang walang bahid ng pagkatalo sa pagsagupa sa St. John’s Institute, habang sisikapin naman ng Pacific Volleyball Academy na maipagpatuloy ang kanilang pag-arankada sa torneo sa pagtutuos din kontra St. John’s Institute sa pagpapatuloy ng preliminary round sa FilOil Arena.