Nasaan ang puwang para sa mga baguhan? 

Kristine Claire Edaga

“Hiring: Entry-Level Position” 

Karaniwang mababasa ang linyang ito sa mga job postings — isang paanyaya para sa mga nagsisimula pa lamang sa mundo ng trabaho. Ngunit pagdating sa qualifications, madalas na kasunod nito ang mga rekisito na may isa hanggang tatlong taong karanasan, portfolio ng nagawang proyekto, at iba pang espesyalisadong kasanayan. 

Para sa maraming naghahanap ng unang trabaho, tila may kontradiksyon sa mismong kahulugan ng “entry-level”. Paano magkakaroon ng karanasan kung ang mga trabahong dapat sana’y nagsisilbing panimulang hakbang ay nangangailangan na agad ng karanasan? 

“Entry-level” sa entry-level jobs? 

Ang entry-level jobs ay mga trabahong karaniwang bukas para sa mga baguhan na may kaunti o walang karanasan at nagsisilbing panimulang yugto para sa mga bagong manggagawa. 

Sa loob ng maraming taon, ang entry-level jobs ang nagsisilbing unang hakbang sa mundo ng trabaho na may layuning magbigay ng pagkakataon para sa pagkatuto at pagbuo ng aktwal na karanasan na kinakailangan upang makausad sa mas mataas na antas ng responsibilidad sa isang propesyon. 

Ngunit sa kasalukuyang job market, ang mga posisyong dapat sana’y bukas para sa mga baguhan at nagsisilbing unang hakbang sa karera ay mas nagiging mahirap pasukin, lalo na para sa mga aplikanteng wala pang naipapakitang karanasan sa trabaho. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Labor Force Survey, April 2026

  • Ang labor force participation rate ay nasa 62.7%
  • katumbas ng humigit-kumulang 51.30 milyong Pilipino na may trabaho at aktibong nahahanap ng trabaho
  • Ang unemployment rate ay nasa 4.7%
  • tinatayang 2.41 milyong Pilipino ang walang trabaho 

Ipinapakita ng mga bilang na ito ang lawak ng aktibong workforce at ang tensyon ng patuloy na kompetisyon sa job market. 

Sa harap ng milyun-milyong Pilipinong naghahanap ng oportunidad, mas tumitindi rin ang kompetisyon sa mga trabahong magsisilbing unang hakbang sa kanilang karera. 

Dahil dito, mas nagiging masikip ang espasyo para sa mga entry-level workers. Ang mga entry-level na dapat ay panimulang antas ay unti-unting nagkakaroon ng mas mataas na expectations, kaya’t ang “starting point” ay hindi na agad naaabot ng mga baguhan. 

Sino ang naiipit sa pagliit ng Entry-Level jobs? 

Sa patuloy na pagkipot ng entry-level opportunities, mas ramdam ito ng mga nasa panimulang yugto pa lamang ng kanilang karera — mga indibidwal na umaasa sa mga posisyong magsisilbing unang hakbang ng kanilang pagkatuto, pagsasanay, at pagkuha ng unang karanasan sa trabaho. 

Kabilang sa mga pinaka-apektado ay: 

Para sa mga grupong ito, mahalaga ang mga entry-level positions dahil dito nagsisimula ang pagbuo ng karanasan na madalas ding hinahanap ng mga employer. Kapag lumiit ang bilang ng mga trabahong bukas para sa mga baguhan, mas nagiging mahirap ding makapasok sa labor market. 

Experience vs Potential 

Mapapansin sa kasalukuyang hiring landscape, mas pinipili ng ilang employers ang mga aplikanteng may isa hanggang tatlong taon ng karanasan. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay upang makatipid sa oras at gastos para sa training at onboarding. 

Sa ganitong proseso, mas binibigyang-bigat ang naunang work experience kumpara sa mga indikasyon ng potensyal tulad ng academic background at kakayahang matuto, na nagiging hamon para sa mga aplikanteng wala pang aktwal na karanasan sa trabaho. Bagama’t nakatutulong ito sa mga kumpanyang naghahanap ng agarang produktibidad, nagiging mas mahirap naman para sa mga baguhan na makahanap ng oportunidad upang patunayan ang kanilang kakayahan.

Si AI ang bagong junior 

Kasabay ng pag-usbong ng artificial intelligence at automation, maraming gawaing dating itinuturing na entry-level ang unti-unti nang naiaangat sa antas ng machine-assisted o tuluyang ginagawa ng AI. Kabilang dito ang pagsulat ng email messages, data entry, basic research, paggawa ng reports, at pagbuo ng summaries —  mga gawaing dati ay nagsisilbing unang exposure ng mga baguhan sa isang trabaho. 

Dahil dito, unti-unting nababawasan ang simpleng gawaing dating nagsisilbing panimulang pagsasanay sa trabaho. Sa halip na mapunta sa mga entry-level workers, mas madalas na itong ginagawa ng mga automated systems. Ang resulta: mas kaunti ang pagkakataon para sa mga baguhan na matuto sa pamamagitan ng aktwal na trabaho at makabuo ng sariling karanasan. 

Habang nakatutulong ang AI sa pagpapabilis ng mga proseso, binabago rin nito ang paraan kung paano nakakakuha ng unang karanasan ang mga manggagawa. Ang ilan sa mga gawaing dating nagsisilbing training ground ay hindi na dumaraan sa tao bago maisagawa. 

Bagong mukha ng Entry-Level Jobs

Habang patuloy na tumataas ang hiring standards, umiigting ang kompetisyon sa trabaho, at mabilis na lumalawak ang automation, unti-unting nagiging makitid ang dating daan papasok sa mundo ng trabaho. 

Hindi nangangahulugang nawawala na ang entry-level jobs. Ngunit ipinapakita ng mga pagbabagong ito na unti-unti nang nagbabago ang kanilang papel sa labor market. Ang mga posisyon na dating nagsisilbing lugar para matuto at magsimula ay mas madalas nang naghahanap ng kahandaang agad na makapagbigay ng resulta. 

Ang panimulang yugto para sa mga entry-level workers ay dahan-dahang kumukupas. 

Habang lumiliit ang puwang para sa mga baguhan, mas nagiging malinaw ang isang realidad kung saan ang simula ng karera ay hindi na bukas at garantiya na pintuan para sa lahat  — kundi isang puwang na unti-unting nawawala. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...