
Francheska Rayo at Xandra Gonzaga
Mahirap panindigan ang “habang-buhay,” maliban na lamang kung ikaw ay isang asong ginugugol ang kaniyang buong buhay upang magmahal ng tao.
Hindi sila marunong magtaksil, sapagkat tapat sila sa kanilang tagapangalaga. Mabilis silang pasayahin at kontento sa mga munting bagay tulad ng pagkain. Tanging pagbalik mo lamang ang kinasasabikan nilang habang nakaabangsa pintuan ng inyong tahanan — lumulundag ang puso kahit kumakalam ang tiyan.
At sa mata ng isang aso, sapat na ang pagmamahal ng kaniyang amo.
Mula sa unang pagmulat ng kanilang mga mata, agad na naghahanap ng kaibigan ang inosente nilang mga puso. May mga sinuswerte at nakukupkop ng isang mapagmahal na pamilya kung saan ibinibigay ang lahat ng kanilang pangangailangan. Sa kabilang banda, mas marami ang itinuturing na tahanan ang maingay, mausok, at magulong kalsada.
Nasa kalinga man ng isang amo o wala, patuloynang napatunayan ng mga aso na kaya nilang magmahal nang walang hinihinging kapalit — kahit na minsa’y sinusuklian pa ito ng pasakit.
Pangako ni Hachiko
Pilitin mang hindi mangyari, darating din ang araw na maglalaho ang tunog ng kanilang mga yapak. Dumating man ang panahon na wala nang sasalubong tuwing tayo’y umuuwi sa ating tahanan, o tatahol tuwing may napapadaang hindi kakilala, mananatili pa ring buhay ang kanilang mga alaala.
Dekada na ang nakalipas mula noong naging tanyag ang kuwento ng isang asong nagngangalang “Hachiko,” na matagal na naghintay sa estasyon ng Shibuya sa Japan para sa pagbabalik ng kaniyang among matagal nang namayapa.
Ika-15 ng Enero, taong 1924, kinupkop ni Hidesaburo Ueno ang asong si Hachiko. Hindi mabuti ang kalusugan ng aso noong dumating ito, kaya’t anim na buwan siyang pinalakas ng kaniyang amo. Simula noon ay palagi na niyang hinahatid si Hidesaburo sa istasyon ng Shibuya tuwing umaga kasama pa ang dalawa pang ibang aso, at babalik siyang muli sa gabi upang sunduin ang amo.
Lumipas ang isang taon, hanggang dumating ang Mayo, pumanaw si Hidesaburo dahil sa pagdurugo sa utak o “cerebral hemorrhage.” Si Hachiko ay napadpad sa iba’t ibang mga pamilya sa labas ng Shibuya, ngunit sa isang mabuting pagkakataon, nakabalik siya sa lugar na kaniyang kinalakihan sa ilalim ng pangangalaga ng dating hardinero ni Hidesaburo.
Sa kaniyang pagbabalik, hindi napawi sa kaniyang alaala ang kaniyang pumanaw na amo. Muli siyang bumalik sa istasyon ng Shibuya at naglalakad doon araw-araw, at sinisipat ang hitsura ng mga pasahero na tila may hinahanap.
May pagkakataon na binuhusan siya ng tubig ng mga nagtitinda sa estasyon dahil sa inis. Minsan ay sinasaktan siya ng mga maliliit na bata sa tuwing siya’y nakikita. Ika-8 ng Marso, taong 1935, tinapos ng kamatayan ang kaniyang pagtitiis at paghihintay. Ito ang pangako ni Hachiko sa kaniyang amo na kailanma’y hindi binasag ng kaniyang pagpanaw.
Ngayo’y nakatayo ang rebultoni Hachiko sa Shibuya. Tapos na ang kaniyang paghihintay; sana’y payapa na siyang naglalakbay kasama si Hidesaburo Ueno.
Matibay na sandigan
Hindi lamang panghabang-buhay na kaibigan ang makikita sa isang aso. Bukod sa maamo nilang mukha at kaaya-ayang ugali, nakakatulong din silang mapabuti ang pisikal at mental na kalusugan ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Ayon sa mga datos na inilabas ng The Korea Society of Physical Therapy noong 2025, humigit-kumulang 74.5% ng mga nag-aalaga ng aso ang nakakapaglakad ng inirekomendang 150 minuto bawat linggo. Para naman sa mga indibidwal na may-ari rin ng aso na may kasaysayan ng atake sa puso o iba pang coronary events, bumababa sa 31% ang probabilidad nila sa kamatayan na may kaugnayan sa kanilang sakit.
Bukod sa pagpapaunlad ng pisikal na kalusugan, nakaaapekto rin ang mga aso sa mabilis na produksyon ng “happy hormones” sa ating katawan tulad ng dopamine at oxytocin.
Habang ang mga companion dog ay nagpapabuti sa pang-araw-araw na kapakanan, ang mga aso naman na sumailalim sa espesyal na pagsasanay ay naging malaking tulong sa pagbibigay ng medikal na atensyon sa mga taong higit na nangangailangan nito. Mas bumababa ng 3.7 puntos ang kalubhaan ng sintomas ng mga pasyenteng may Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD) kapag kapiling nila ang isang psychiatric service dog. Binibigyang-importansiya rin nito ang kanilang presensiya sa mga medikal na pasilidad bilang karagdagang suporta para sa mga pasyenteng nakararanas ng stress.
Kahit saan man mapadpad sa mundo, dala-dala ng mga aso ang nakahahawang positibong enerhiya. Hindi nila kailangan ang mga salita upang maipadama ang init ng seguridad na lagi’t laging kailangan ng mga tao. Ang simpleng himas sa mabalahibo nilang mga katawan at halik sa maliliit nilang noo ay sapat na upang ika’y mapangiti.
Tahol na walang nakaririnig
Hindi na bago ang usapin ng pananakit ng mga aso. Kahit gaano kalakas ang tahol ng problemang ito, kalimitang hindi pa rin ito naririnig at nabibigyang-pansin.
Ang madalas na biktima ng pagmamalupit na ito ay ang mga asong umaasa lamang sa kalsada at walang among nag-aaruga. Ayon sa datos ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), mayroong 12 milyong aso sa lansangan ng ating bansa. Pakalat-kalat, umaasa sa mahuhukay na tira-tira sa mga basura, at madalas na nakakatikim pa ng pagmamaltrato mula sa mga taong dumaraan sa kalsada.
Isinasaad sa Republic Act No. 8485, o “Animal Welfare Act of 1998” na hindi maaaring maltratuhin ang mga hayop, pabayaan ang mga ito nang walang sapat na alaga at tahanan, at ilagay ito sa matinding paghihirap. May karampatang parusa rin para sa mga among mapapatunayang pinabayaan ang kanilang mga alaga.
Pinaniniwala tayo ng isang batas, na ito ang makahihilom sa sugat ng pananakit sa mga hayop, ngunit ang tanging makapagpapagaling lamang dito ay ang mga tao mismo. Humigit-kumulang 800 na kaso ng pang-aabuso sa hayop ang naitala ng PAWS, bago nagtapos ang taong 2025. Ang batas ay walang bisa kung hindi pinakikinggan ng tao. Wala itong magagawa kung patuloy tayong nagbibingi-bingihan sa malalakas na iyak ng mga aso sa lansangan.
Sa pagpapaliwanag ng PAWS, walang amo ang dapat magpabaya sa kanilang mga aso sa lansangan. Dapat rin na huwag magbulag-bulagan kapag may nakitang taong nananakit ng mga hayop. Tumawag sa 911 o iparating sa mga awtoridad at mag-ipon ng mga ebidensiyang litrato o “videos.” Sa ganitong paraan, maaaring kumpiskahin ng PAWS ang asong hindi nabibigyan ng sapat na pangangalaga at dalhin ito sa kanilang kustodiya.
Habang-buhay sa panandalian
May mga koneksyong nabubuo sa maikling panahon ngunit nananatili hanggang sa kamatayan.
Kaya’t sa tuwing naiingayan tayo sa malalakas na tahol ng mga aso at natatakot sa matatalas nilang ngipin, isipin muna nating naninirahan sa kanila ang likas na kabutihang sumisibol sa pagkalinga. Ang buntot na nanginginig sa takot ay siya ring kumakawag sa kasiyahan tuwing may nagpapakita ng pagmamalasakit — ang matatalim na pangil ay bahagi pa rin ng nakakatunaw nilang mga ngiti.
Bago pa man natututunan ng isang asong mangagat, nakatatak na sa kanilang isipan kung paano magmahal nang walang kapantay. Dadalhin ng hangin ang kanilang mga tahol tungo sa himpapawid at mananahan ito kasama ng mga bituin — ilalabas ang totoong kislap ng kanilang mga kaluluwang buong bahay nating titingalain.
Kapag ang isang aso ay umibig, pinaninindigan niya ang taong napili hanggang sa kamatayan. Kaya’t habang sila’y nabubuhay, ibigay natin ang purong pagmamahal bilang kanilang kanlungan.