Sa drama at pelikula, mas maraming nakikisimpatya sa mga pusong nagparaya

Xandra Gonzaga at John Luis Soriano

Bakit may mga taong hindi pinipiling mahalin kahit karapat-dapat naman sila?

Sa bawat pelikula at teleseryeng nahahati sa dalawa ang puso ng bida, may taong nakatakdang maiwang luhaan sa huli na tila nariyan lamang upang maging mas interesado ang takbo ng kuwento. Mas kilala bilang mga ‘2nd lead,’ sila ay likas na matapat, mapagmalasakit, at mapagparaya.

Kahit na pangalawa sa listahan ng minamahal, nangunguna naman sila sa puso ng madla. Mismong mga manonood na ang sumasalo sa sinumang itinuturing na reserba. 

Pitong taon ni Carson

Tila nasa pelikulang “I’m Drunk, I Love You” ang pinakaangkop na halimbawa ng isang dakilang 2nd lead. Kahit kay Carson umiikot ang kuwento, hindi naman ang mundo ni Dio. Kaya’t tanging impluwensiya lamang ng alak ang nagpalaya sa mga salitang pitong taon nang nakakulong sa kaniyang puso.

Tunay ngang kahanga-hanga ang mga taong handang sumugal sa pag-ibig kahit malabo itong masuklian. Hindi lamang dahil sa kakayahan nilang maghintay at magtiis, kundi sa pagdurusa na araw-araw nilang iindahin. Kahit masakit at nakakahiya ang ginagawa ni Carson, tila nahihila pa rin tayo ng pelikula para tapusin ito. Sapagkat katulad niya, maraming beses sa buhay natin na ipinagwalang-bahala ang sariling dignidad at ngumiti pa rin kahit nakakadurog na para lamang hindi mawala ang “Dio” ng ating buhay.

May mga sandaling halatang uuwi nang talunan sa huli ang bida, ngunit patuloy pa ring pinapanood ng madla ang pelikula na tila mga beteranong masokista. Ito ang parehong rason kung bakit napamahal ang lahat kay Carson. Marami ang nakaramdam ng awa sa isang karakter na nagdurusa dahil sa isang sitwasyong kaya naman niyang iwanan — subalit hindi magawa dahil sa labis na pag-ibig. 

Pagkatapos ng lahat ng mga pangyayari sa La Union, nasabi rin ni Carson ang mga katagang “Graduate na ’ko,” bilang pahimakas sa ilang taong pagpapaalipin sa kaniyang nararamdaman. 

Sa pagkakataong ito, hindi na siya kinailangang piliin ni Dio, dahil  sa wakas ay inuna na niyang mahalin ang sarili higit pa sa kahit anong bagay sa mundo.

Si Tae-sung na ating tagapayong

Masakit isipin na tagapayong ka lamang ng isang taong iba pa rin ang hinihiling na silungan araw-araw.

Kahit maganda ang tindig, nakakahalina ang boses, at tila perpekto ang mukha ni Kim Tae-sung sa Lovely Runner, hindi pa rin siya ang pinili sa huli. Kahit pakintabin pa niya ang sarili upang maging isang obra maestra sa paningin ng lahat, mananatili lamang siyang nakasabit sa dingding ng mga alaala ni Im Sol kung hindi naman siya ang totoong hinahanap nito. 

May mga taong handang buuin ang kaniyang sarili upang maging karapat-dapat sa puso ng kaniyang sinisinta, katulad na lamang ng binata na handang tawirin ang karagatan ngunit hinding-hindi makadadaong sa dalampasigan ng isang taong ang puso ay hinihintay na bumalik sa nakaraan na kailanman ay hindi siya kabilang.

Kababata nating si Jung-hwan

Sa isang madugong digmaan, kailangang matuto ang isang sundalong umatras kung kinakailangan. 

Puno ng masasayang alaala ang K-drama na Reply 1988. Mula sa makatotohanang paglalarawan ng buhay sa pagitan ng apat na magkakapitbahay hanggang sa masasakit na karanasan sa pag-ibig, tumatak ito sa puso ng mga manonood — lalo na si Jung-hwan na palaging seryoso ngunit nanlalambot pagdating sa kababata niyang si Deok-sun. 

Nabuo ang relasyon ng dalawang magkaibigan sa maliliit na alitan at panunukso, ngunit sa gitna ng kulitan ay unti-unting umuusbong ang pagtingin ni Jung-hwan na pinilit niyang itinago. Tanging mga manonood lamang ang saksi sa palihim niyang titig at kilos upang masulyapan lamang ang ngiti ng babaeng sentro ng kaniyang mundo. Tinatagan niya ang sarili upang hindi mahumaling sa kababata sa takot na kapag lumagpas pa roon ang kanilang turingan, tuluyan nang mawawalan ng halaga ang taon-taon nilang pinagsamahan.

Sapat na para sa kaniya ang manatili sa tabi ni Deok-sun, di bale na’t hindi magkayakap ang kanilang mga puso basta’t magkadikit ang kanilang mga balikat. Minsa’y mas gugustuhin pa niyang mabingi sa sigaw o masaktan sa sipa ng kaniyang sinisinta kaysa titigan ang blangko nitong mga mata sa oras ng pagtatapat. Sa palihim niyang  pagbuhos ng purong pagmamahal, sapat na ito para punan ang distansiyang siya lamang ang nakakaramdam. 

Ilang beses na ring naudlot ang plano niyang sabihin ang katotohanan dahil sa inaakalang ‘bad timing,’ ngunit simbolo lamang ito ng pag-aatubiling lulan ng matinding takot. At dahil mas nagiging magaan ang kahulugan ng makatotohanang salita kapag patawang sinasabi, dinaan na lamang niya sa biro ang oras ng pagtatapat na kinasasabikan ng lahat na mangyari.

Dahil pinili ni Seo-jun na maging mabuting ‘best-friend’

Naranasan mo na bang maging paboritong panyo ng isang taong palaging lumuluha? Ang sumasalo sa sakit na dumadaloy sa kanilang mga pisngi, ngunit sa huli ay kinakailangang magpaubaya para sa kasiyahan ng iba?  

Sa bawat pag-aaruga at pagpapatawa ni Han Seo-jun kay Ju-kyung sa True Beauty, patago niyang iniinda ang kaniyang mga sugat. Subalit hanggang pampunas na lamang ba siya ng luhang pumapatak para sa iba? Ang kaniyang jacket na nga lang ba ang makakayakap sa dalaga tuwing pinapahikbi ng pighati ang kaniyang mga balikat? Bawat haplos sa mga kamay na pangarap niyang hawakan ay nagdudulot ng matinding dagundong sa kaniyang dibdib—mga kamay na kailangan din niyang bitawan sa oras na mapagtanto ng isa sa kanila ang tunay na tinitibok ng kanilang puso.  

May mga taong ginagawang tulay ang sarili upang pagdugtungin ang dalawang pusong  nag-aalab.  May mga nagmamahal na pumapayag na maging blangkong pahina sa pagitan ng isang kuwentong batid na ng mga mambabasa ang wakas — mapalapit lamang sa mga talatang isinulat ng kaniyang iniirog. 

Sa huli, kusa nang kumakalas mula sa kamay ng kaniyang tagapagmay-ari ang isang panyo. Pagkatapos nitong punasan ang mga luhang tumulo para sa iba, tuluyang na itong maiiwan sa dilim nang nag-iisa. 

Hindi pa ba sapat si Lon?

Makisig, mayaman, at maginoo. Isang misteryo pa rin para sa karamihan kung bakit kumawala pa si Allie sa mga bisig ni Lon Hammond sa pelikulang The Notebook

Marami nang ipinakilalang mga 2nd lead sa pinilakang tabing na tila perpekto ayon sa pamantayan ng isang babae. Siyempre, biglaan lamang silang sumusulpot sa kalagitnaan ng kuwento upang masubok ang pagmamahal ng dalawang taong ‘nakatakdang’ magsama hanggang sa huli. Ngunit sino naman ang kanilang karamay matapos magparaya?

Hindi ipininta sa pelikula si Lon bilang kontrabida. Mula pa man sa simula, lubos niyang nirerespeto ang lahat ng kagustuhan ni Allie at hindi niya ito kailanman pinilit na magpakasal. Masaya niyang ibinigay ang singsing na simbolo ng kaniyang pagmamahal—samantala’y nasa isipan naman ng kaniyang kasintahan ang lalaking minsan niyang pinangakuan ng panghabambuhay. 

Kung hindi lamang nakita ni Allie ang larawan ni Noah sa diyaryong binabasa, nakatira sana siya ngayon sa isang mansiyon kasama ang isang masipag at mapagkakatiwalaang asawa. 

Maraming manonood ang lubhang nanghinayang sa sinapit ni Lon, ngunit para sa karakter, ang pagtanggap sa kasalukuyang sitwasyon lamang ang pinakamabuting gawin. Hanggang sa hulihan ng kanilang maikling pagsasama, inuna niya ang kasiyahan ni Allie at kusa siyang pinakawalan. Lumihis ito sa madalas na nangyayari sa ibang pelikula kung saan palaging nasusunod ang paghihiganti. 

Naging tamang tao man siya sa maling panahon, pinatunayan naman niya sa ating mga manonood na ang umibig nang tapat ay hindi kailanman naging isang kawalan. 

Mabaliw man si Arnaldo, nakatakda pa ring matalo

Ano nga ba ang mas masakit: ang paglaruan nang palihim o ang magmakaawa para sa pagmamahal na nakatakdang wasakin ka? 

Para kay Arnaldo Ardiente-Torres sa Wildflower, mas pinili niyang maging pangalawa sa puso ni Ivy Aguas basta’t nananatili pa rin siya sa tabi nito. Walang halaga ang yaman at kapangyarihan na binuo ng kaniyang mga ninuno kung ang pagsinta na ng taong mahal niya ang nasa linya. Handang siyang maging alipin ng kaniyang sariling kaharian, huwag lang iwan ng misteryosong babaeng biglaang bumihag sa kaniyang puso at kaluluwa.

Dahil sadyang mapaglaro ang tadhana, tila naging masunuring tuta ang dating leon na nilamon ang kung sinumang nakaharang sa kaniyang daanan. Bigla niyang nakalimutan ang mga salang lumalatay sa dugo ng kanilang angkan at tuluyang nawala sa pag-iisip — habang sa likod ng lahat ng ito, nilalasap ni Ivy ang tagumpay ng kaniyang mga plano. 

 Maraming manonood man ang nasa panig ni Ivy, hindi nila maiwasang maawa sa kinahinatnan ng dating ‘golden child’ ng mga Ardiente na si Arnaldo. Ang magmahal tungo sa punto ng pagkabaliw ay isang karanasang hindi hinihiling ninuman na mangyari sa kanilang mga kalaban, maliban na lamang kung ikaw ay katulad ng bidang matagal nang namanhid ang damdamin dahil sa masasakit na karanasan. 

Sa huli, isang nahihibang hari ang naiwang nakaupo sa isang nabubulok na trono, tuluyan nang nalulong sa pag-ibig na nagsilbing pinakauna niyang pagkatalo. 

May mga pag-ibig na sadyang isinilang hindi upang patunguhan, kundi upang maging sakripisyo lamang sa pagmamahalan ng iba. Ang mga 2nd lead ang nagsisilbing silungan ng mga ligaw na pusong naghihintay na humupa ang bagyo upang makauwi sa tunay nilang tahanan. Sila ang mga taong handang magpakatotoo subalit tila pinaparusahan ng tadhana sa tuwing hinahanap na naman nila ang tamis ng pagsuyo.

Ngunit doon sila nagiging dakila, dahil sa bawat luhang tahimik nilang iniluha, tinuruan nila tayo na ang purong pagmamahal ay tunay na mapagpalaya.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...