Aquino: Dapat maging malinaw sa publiko ang Pax Silica

Photo Courtesy of Manila Bulletin/Insurers for Good Governance FB Page

Hangarin ni Sen. Bam Aquino na maging daan ang mga hearing sa “full transparency” upang maging malinaw sa publiko at sa mga apektadong komunidad ang mga plano at inaasahang resulta ng proyektong Pax Silica bago ang anunsyadong pagpirma nito sa Nobyembre. 

Ito ay matapos buksan ng Senate Committee on Environment ang pagdinig ukol sa multi-bilyong dolyar na proyektong Pax Silica hub sa Tarlac noong Agosto 14.

Sinuri ng mga mambabatas ang inaasahang benepisyo sa ekonomiya nito laban sa lumalalang alalahanin tungkol sa polusyon, pagpapatalsik sa mga residente, at pagkakaroon ng sapat na tubig at kuryente sa rehiyon.

“We hope that these hearings can be the venue for full transparency,” pahayag ni Aquino sa kanyang opening statement. 

Pinamunuan ni Sen. Raffy Tulfo ang hearing na tumalakay sa mga potensyal na benepisyo ng US-backed na inisyatiba, kasama ang epekto nito sa kapaligiran, mga lokal na komunidad, at mga katutubong tao sa Capas, Tarlac.

Pagpapaalis sa mga katutubo

Itinulak ni Aquino ang mga opisyal na ipaliwanag kung gaano karaming magsasaka at katutubong komunidad (IP) ang maaring mapatalsik, at binanggit niya ang reklamo ng alkalde  ng Capas, Tarlac na wala umanong  konsultasyong naganap bago ipahayag ang proyekto. 

Isang lokal na tribal leader ang nagsabi sa mga senador na may palagay na 1,000 katutubong tao sa Sapang Kawayan ang natatakot mapatalsik, kahit pinanatili ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang facility mismo ay hindi itatayo sa lupang katutubo . 

Aminado ang BCDA na may mga “settlers” sa lugar: una ay 14 na bahay ang binanggit, bago ito itama sa palagay na 30 na bahay, habang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) naman ay nagtala ng 75 na bahay. 

Ayon kay Sapang Kawayan chieftain Petroniza Capriz-Muñoz, ayaw ng kanilang komunidad na umalis sa lupang doon nakalibing ang kanilang mga ninuno, at kinilala ng presidente ng BCDA na si Joshua Bingcang na hindi pa tinalakay nito ang usapin ng mga libingan sa mga residente. 

Once-in-a-lifetime?

Tinawag ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Pax Silica na “once-in-a-lifetime opportunity” na maaaring magdala ng halos $70 bilyon sa investments at lumikha ng mahigit-kumulang 200,000 direct jobs, ngunit inilahad niyang may “conditions and caveats” ang kaniyang suporta. 

Kabilang dito ang mahigpit na pagsunod sa mga batas ng Pilipinas, solusyon sa pangangailangan ng proyekto sa tubig at kuryente, proteksyon sa mga magsasaka at IP laban sa displacement, at tunay na technology transfer para sa mga Pilipino, ayon kay Gatchalian.

Humiling naman si Tulfo ng “comprehensive, multidisciplinary study” sa maaaring maidulot  ng proyekto sa kalikasan, at ginamit niya ang deadly Chuangxing steel plant collapse bilang babala. 

Hinihikayat ni Sen. Kiko Pangilinan ang BCDA na magmadali sa mga konsultasyon, at binigyang-diin niyang mahalaga ang suporta ng mga lokal na stakeholder para maging matagumpay ang proyekto. 

Sinabi ng BCDA sa mga senador na hindi na kailangang gumastos ang gobyerno para sa 1,600-hectare hub, dahil ang papel nito  ay pagbibigay lamang ng lupa. 

Sumang-ayon si Gatchalian kay Aquino na dapat may continuous oversight ang Senado sa proyekto upang masiguro na ang mga alalahanin na itinaas sa hearing ay sapat na matutugunan sa susunod na yugto.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...