Upang isaayos ang pamamahala sa sektor ng enerhiya, nilagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng United States of America (USA) nitong Huwebes ang isang $60-milyong grant deal sa ilalim ng Millennium Challenge Corporation (MCC), unang tulong pinansyal mula sa ahensya matapos ang halos isang dekadang pagliban.
Pinagtibay ang kasunduan sa pamamagitan ng mga pirma nina Kalihim ng Department of Finance (DOF) Frederick Go at US Ambassador Lee Lipton at mga opisyal ng MCC sa Luzon Economic Corridor (LEC) Investment Forum sa Grand Hyatt Hotel, Bonifacio Global City, Taguig City.
Matatandaang nakatanggap ang bansa ng $434-milyong compact mula 2011 hanggang 2016 sa ilalim ng administrasyong Aquino para sa mga kalsada at mga proyektong pampamayanan, ngunit hindi nagpatuloy sa administrasyong Duterte bunsod ng isyu ng human rights at rule of law.
Sa ilalim ng bagong kasunduan, ang apat na taon at siyam na buwang kasunduan ay isang Threshold Program Grant Agreement (TPGA) na layong ayusin ang mga institusyonal na kahinaan sa enerhiya at mapataas ang pagkakataong mapasama ang bansa sa MCC Compact, mas malaking grant program na magpopondo ng mga pangunahing programa at repormang pangkaunlaran.
“After a short period of absence, I am happy to say that a partnership today takes another step forward. This time, advancing two major priorities that are central to our economic future: strengthening energy security and mobilizing more investments,” ani Go.
Sinabi ng kalihim na ang pondo ay ilalaan para sa implementasyon ng Energy Development Governance Efficiency (EDGE) Project na tututok sa tamang pamamahala ng operasyon sa sektor at pagbibigay ng kuryente sa tulong ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC).
May dalawang bahagi ang EDGE: ang Permitting and Approvals Reform for Efficiency (PARE), upang mapabilis ang proseso at paglulunsad ng mga proyektong pang-enerhiya, at Smart Utilities for Regional Growth in Energy (SURGE), na magsisimula ng power-grid digitalization at modernisasyon sa mga kooperatiba ng kuryente.
Dagdag pa, kabilang sa kasunduan ang American Investment Mechanism (AIM) na tutulong sa US International Development Finance Corporation na magdala ng mas maraming American investments sa Pilipinas.
“It will support studies, planning, and financing needed to make projects investment-ready,” pahayag ng kalihim.
Sa paglagda ng kasunduan, kabilang ngayon ang bansa sa 91 bansang maaaring makabilang sa panibagong milyon-milyong dolyar na MCC compact na magbibigay ng mas malaki pang pondong pangkaunlaran tulad ng natanggap halos isang dekada na ang nakalipas. Ang mga kabilang na bansa ay isasailalim sa pagsusuri ng MCC batay sa pamantayan ng demokratikong pamamahala, kalayaang pang-ekonomiya, at pamumuhunan ng mamamayan bago matapos ang taon.