EDCOM 2, hiniling sa DepEd ang maayos na pagpopondo sa pagpapatayo ng mga paaralan 

Photo Courtesy of Panaynews.net

Nanawagan ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) sa Department of Education (DepEd) na unahin ang mga lugar na may pinakamalaking kakulangan sa silid-aralan matapos matuklasang 30 munisipalidad ang walang natanggap na alokasyon para sa 356 na silid-aralan sa ilalim ng 2026 classroom program.

Batay sa pagsusuri ng EDCOM 2 sa nakaplanong alokasyon ng DepEd, 45.2% lamang sa 332 lokal na pamahalaang may pinakamalaking kakulangan sa silid-aralan ang kabilang sa mga nakatanggap ng sapat alokasyon.

“We commend DepEd’s extraordinary efforts in mobilizing different routes for classroom construction. However, we also highlight the need for strategic and responsive allocations to ensure that these resources go where they are most needed,” ani EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark R. Yee.

Nagkakaiba rin ang distribusyon ng pondo batay sa klasipikasyon ng kita ng mga munisipalidad. Aabot lamang sa 55% ng mga fifth-class municipality ang nakatanggap ng alokasyon, kumpara sa 91% ng mga first-class municipality.

Sa Cavite, 272 silid-aralan ang inilaan sa Maragondon sa kabila ng tinatayang kakulangan nitong 64 lamang. Samantala, nakatanggap ang Tanza ng 448 silid-aralan laban sa kakulangan nitong 869, habang 356 naman ang inilaan sa Naic na may kakulangan na 631.

Target ng DepEd na makapagtayo ng 18,950 silid-aralan sa 2026 sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga lokal na pamahalaan, civil society organizations, at public-private partnerships.

Gayunman, nananatiling hamon ang mabagal na pagpapatupad ng mga proyekto. Sa ₱21.45 bilyong inilaan para sa 6,000 silid-aralan sa ilalim ng programang pinamumunuan ng DPWH, ₱1.87 bilyon lamang, na sumasaklaw sa 533 silid-aralan, ang umabot sa yugto ng award o malapit nang maigawad sa panahon ng pagdinig.

Kabilang sa mga dahilan ng pagkaantala ang paulit-ulit na naunsyaming bidding at pagtaas ng gastos sa konstruksyon dulot ng pagmahal ng gasolina, ayon kay DPWH Undersecretary Engr. Lara Esquibil.

Binigyang-diin ni Sen. Bam Aquino ang pangangailangang suriin kung aling paraan ng pagpapatayo ang mas mabilis at episyente upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga silid-aralan.

“Doon natin siya ilagay sa kabayong tumatakbo. Huwag na doon sa kabayong hindi gumagalaw,” ani Aquino, na tumutukoy sa pangangailangang ilipat ang mga proyekto sa mas mabilis na paraan ng implementasyon, alinsunod sa mga umiiral na batas at patakaran sa badyet.

Pinanawagan din ni Aquino sa DepEd na ilabas ang kumpletong listahan ng mga lokasyon ng mga proyektong pangsilid-aralan upang masubaybayan ng publiko ang paggamit ng pondo at progreso ng konstruksyon.

“EDCOM 2 is building a tracker for this… para even ‘yung completion ng mga classroom na ito, maging transparent rin sa ating mga kababayan,” dagdag ni Aquino.

Ayon sa EDCOM 2, kailangan ng karagdagang 68,147 silid-aralan upang matugunan ang pagsisiksikan sa 4,492 paaralang may mahigit 50 mag-aaral kada silid-aralan. Kailangan din ng 52,871 silid-aralan upang maalis ang double at triple shifting sa 1,889 na paaralan.

Para sa 2027, nagmumungkahi ang National Expenditure Program ng ₱30.55 bilyon para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. Humihiling din ang DepEd ng karagdagang ₱23.5 bilyon para sa mga bagong silid-aralan, gusali ng Last Mile Schools, Learning Continuity Spaces, at pagkukumpuni ng mga pasilidad.

Binigyang-diin ng EDCOM 2 ang pangangailangang itugma ang alokasyon ng pondo sa aktuwal na pangangailangan ng mga paaralan at tiyaking maipatutupad ang mga proyekto sa takdang panahon.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...