
Iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na wala siyang dapat ikatakot sa isinampang reklamong libel at cyberlibel ng nakakulong na si Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy laban sa senador.
Inihayag ito ni Hontiveros sa pamamagitan ng isang Facebook video nitong Setyembre 10, kung saan sinabi niyang dapat harapin ni Quiboloy ang mga kasong trafficking at sexual abuse na ipinataw laban sa kanya.
Ipinunto ng mambabatas na bukod sa mga kasong kinakaharap niya sa mga korte sa Pilipinas, wanted din si Quiboloy ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kasong sex trafficking at fraud.
“Siya ang itinuro ng mga biktima na nagtulak sa kanilang manlimos para siya ay yumaman. Siya ang itinurong sexual abuser ng mga babae at menor de edad” saad ni Hontiveros.
Sinabi rin ng senador na kailangan ng proteksiyon ng mga taong nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita laban kay Quiboloy.
Kasama sa pinakakasuhan ng kampo ni Quibuloy sina Akbayan Party-List Rep. Perci Cendaña ay Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima.
Akbayan nanindigan
Sa hiwalay na pahayag, tinawag ng Akbayan na “laughable” o katawa-tawa ang mga reklamo ni Quiboloy.
Sinabi rin ng partido na naninindigan ito sa mga testimonya ng mga biktima at sa mga rekord ng mga kaso sa Pilipinas at Estados Unidos.
Hinarap din ng Akbayan ang self-proclaimed na “Appointed Son of God” at sinabing wala umanong “absurd heavenly appointment” ang maaaring magligtas sa sinuman mula sa pananagutan.
Bwelta ni De Lima
Samantala, sinabi naman ni Rep. De Lima na inililihis ng mga reklamo ang atensyon mula sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy.
“Let us not waste government resources for this baseless case,” wika ni De Lima.
Binigyang-diin din ni De Lima na hindi biktima si Quibuloy ng cyber libel.
“Huwag na silang magkunwari na biktima siya ng cyber libel. Apollo Quiboloy is not a victim,” dagdag ng mambabatas.