ARAL program, hindi kabilang sa 2027 budget; DepEd, humiling ng dagdag pondo

Photo Courtesy of Rappler

Gianne Kahtlein Recilla

Inilahad ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na walang nakalaan na pondo para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program sa 2027 National Expenditure Program (NEP) na posibleng maging dahilan ng pagkaantala sa pagsugpo ng learning crisis sa bansa. 

Ayon kay Angara, maaaring mapasawalang bahala ang pagpupunyagi ng DepEd sa paglutas ng krisis sa edukasyon sa pamamagitan ng ARAL program kung hindi ito paglalaanan ng kinakailangang pondo para sa susunod na taon.

“There’s a zero allotment for this under the 2027 budget,” pahayag niya. 

Sinimulang ipatupad ang ARAL program sa bansa noong Oktubre 2024 sa pamamagitan ng Republic Act No. 12028 na naglalayong makatulong sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag-aaral mula sa pampublikong paaralan sa pagbasa, agham, at sipnayan. 

Dahil sa kawalan ng badyet para rito, humiling ang DepEd sa mga mambabatas ng dagdag ₱15.96 bilyon upang maipagpatuloy ang nasabing programa sa susunod na taon. 

Iginiit din ni Angara na nagkaroon ng magandang resulta ang inisyatibong ito sa taong panuruan 2025 – 2026 dahil nakapagtala ng 4.5 milyong mga mag-aaral ang natutong bumasa mula sa 6.7 milyong estudyante na nakibahagi sa ARAL program.

Dagdag pa rito, 2.5 milyong mga mag-aaral naman ang naitalang tumuntong sa grade-level reading. 

“The program has good results because out of the 6.67 million students that entered the ARAL Program, we saw at the end of the school year (2025-2026) that there were 4.5 million fewer struggling readers, with 2.5 million students improving to grade-level reading,”  saad ni Angara.

Bukod pa rito, hiniling din ni Angara sa mga mambabatas na pagbutihin ang RA 12028 dahil isinasaad dito na makakatanggap lamang ng overload pay ang mga kaguruan kung magtuturo ito nang higit pa sa anim na oras. 

Nag-ugat ang hangarin na ito dahil sa umusbong na usapin kung dapat bang makatanggap ng gantimpala ang mga guro sa paghawak ng ARAL program gaano man karami ang kanilang teaching load.

Samantala, ipinabatid naman ni Angara na patuloy na inaaral ng DepEd ang posibilidad na makapagbahagi na lamang ng food allowance sa mga guro, kung sasang-ayunan ito ng Commission on Audit (COA).

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...