Mahigpit na pagbabantay, ‘tranche fund releases’ ipinatupad sa P71.5-M farm roads sa Tarlac

Explained PHNews12 hours ago

Photo Courtesy of Francisco Tiu Laurel Jr./National Tobacco Administration

Geo Angelo Labalan

Naglatag ang Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mahigpit na panuntunan sa pagbabantay ng proyekto, kabilang ang mandatory geotagging, kapangyarihang magpatigil o mag-veto sa procurement, at three-tranche fund release system, sa pagpapatayo ng P71.52-milyong halaga ng farm-to-market road (FMR) sa Concepcion, Tarlac. 

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng dalawang kagawaran noong Setyembre 10, 2026, hindi maaaring simulan ng DPWH ang bidding o pag-award ng kontrata para sa apat na road projects nang walang opisyal na ‘No Objection Letter’ mula sa DA.  

Bago aprubahan ang anumang bidding, isasailalim muna ang mga naturang lugar sa joint validation at digital geotagging ng mga kagawaran at lokal na pamahalaan upang makumpirma na tama at mapakikinabangan ang gagawing kalsada ng komunidad. 

May kabuuang haba na 5.43 kilometro ang gagawing mga konkretong kalsada sa mga barangay ng Balutu, Santiago, at Castillo at sa pagdurugtong din sa mga barangay ng Balutu at Panalicsican.

Upang matiyak ang pananagutan sa pondo, hahatiin sa tatlong yugto o tranches ang pagpapalabas ng pondo: 50 bahagdan ay ilalabas matapos aprubahan ang mga plano at dokumento; 30 bahagdan kapag nakapaghain na ng liquidation report ang DPWH; at natitirang 20 bahagdan pagkatapos ng komprehensibong technical audit, joint inspection, at pagpasa ng operations and maintenance plan. 

“Let us make sure that every project is properly implemented, delivered on time, and serves its purpose. Every peso invested must translate into something meaningful for our people,” ani DA Undersecretary Arrey Perez.

Alinsunod sa MOA, trabaho ng DA ang pagtatakda ng mga teknikal na pamantayan, pagpapalabas ng pondo, at pagbabantay sa pisikal at pinansyal na takbo ng proyekto. Hawak naman ng DPWH ang pamamahala ng procurement at paggawa ng mga kalsada, quality control, at pagtiyak na sumusunod sa plano ang mga nakuhang kontraktor. 

Pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel na ang mga FMR ay malaking tulong para sa direktang pagdurugtong ng mga magsasaka at mamimili upang mabawasan ang gastusing pantransportasyon. 

“Farm-to-market roads are shortcuts for the development and prosperity of our farmers and rural communities. Through close cooperation with DPWH, we want these projects completed soonest so our farmers can bring their products to market more efficiently,” giit ng kalihim.

Hinimok naman ng ahensya ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pamamagitan ng FMR Watch, kung saan maaaring makita at mabusisi ang progreso ng konstruksyon at makapag-upload ng mga larawan at hinaing upang mabantayan ang pagsasagawa ng mga proyekto. 

Kapag natapos na ang pagpapatayo ng mga kalsada, magkatuwang na isasagawa ng DA, DPWH, at lokal na pamahalaan ng Concepcion ang panghuling pagsisiyasat at pormal na turnover ng mga naturang daanan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...