CAN’T FIND NEMO? Sea anemone bleaching bunsod ng climate change, peligro sa mga clownfish

Sa pelikulang “Finding Nemo‚” sinisid ni Marlin ang karagatan mahanap lamang si Nemo at tuluyan nang makauwi. Ngunit paano kung sa totoong karagatan, hindi na mahanap ng mga clownfish ang daan pauwi—hindi lamang sa isang tahanan, kundi sa tunay na kaligtasan?

Batay sa pag-aaral na inilathala sa npj Biodiversity noong 2025, naitala ang 100% bleaching sa mga sinuring sea anemone sa tatlong bahura ng gitnang Red Sea kasunod ng marine heatwave noong 2023. Kaugnay rin nito ang 94.3–100% pagkamatay ng mga clownfish na kilala rin bilang anemonefish.

Tahanan ng buhay-dagat ang Red Sea dahil sa likas na maligamgam na katubigan nito. Ngunit dahil sa matinding pagbabago ng klima at marine heatwaves, uminit ito nang higit pa sa normal, pati na rin ang ilang bahagi ng karagatan sa daigdig. 

Bilang paglilinaw, ang clownfish at sea anemone ay likas na magkatuwang sa pamumuhay sa ilalim ng karagatan. Sa agham, tinatawag ang relasyong itong “mutualism.”

Dagdag pa rito, mayroon ding symbiotic relationship ang sea anemone sa microscopic algae na zooxanthellae bukod sa relasyon nito sa clownfish.

Ang algae na ito ay ang nagbibigay ng pagkain at kulay sa mga sea anemone. Ngunit dahil sa matinding init, inilalabas ito ng mga anemone na nagdudulot ng bleaching.

Kung lubos talagang napuruhan ng ocean warming ang kalagayan ng mga sea anemone, hindi lamang ang mga katuwang nitong clownfish ang maaapektuhan—madadamay rin ang buong mutualistic system sa karagatan. 

Kumbaga, nagdudulot ito ng negatibong domino effect sa ilang bahagi ng Red Sea, lalo sa mga bahura nito. Kapag ito ay lumala, maaari ding malagay sa alanganin ang buhay ng mga naninirahan sa mga karatig na katubigan nito.

Bukod naman dito, umaasa rin ang mga mananaliksik na mapag-aralan din ng iba pang mga dalubhasa ang lagay ng karagatan sa iba pang lupalop ng mundo.

Nang sa gayon, matumbok ang nararapat na aksyon upang matugunan ang suliraning pangkaragatang bunsod ng climate change.

Binibigyang-diin ng mga naturang negatibong epekto sa mga clownfish at sea anemone ang malulubhang bunga ng climate change sa buhay-ilang. 

Samakatuwid, kung hindi pa maaagapan ang pagbabago ng klima sa hinaharap, ang tanong ay hindi na kung mahahanap pa ba ni Nemo ang daan pauwi sa ‘tahanan’—kundi kung may Nemo pa ba talagang matatagpuan sa karagatan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...