Kung mali ang suportahan ka, ako na makasalanan

Paris Dilanglawin 

Sa lipunang aking kinagisnan, normal na ang mga bagay na hindi talaga pangkaraniwan.

Bahain kapag malakas at tuloy-tuloy ang buhos ng ulan,

Maputulan ng tubig at kuryente tuwing hindi nakapagbabayad sa oras, at

Matulog nang may kumakalam na sikmura.

Kanino ako kakapit kung patuloy na niraragasa ng kahirapan ang aking buhay?

Ikaw, ang nagmistulang liwanag sa kadilimang bumabalot sa mundong aking ginagalawan

Sa mga pangako mo, nabibigyan ako ng pag-asang magkakaroon ng pagbabago

Kahit nakalubog ako, ayos lang, 

Dahil ang mahalaga nakaangat ka na

Naniniwala kasi ako na ikaw ang mag-aahon sa amin.

Kahit pa sabihin nilang may kinuha ka sa kaban, susuportahan pa rin kita 

Kasi may tiwala ako sa’yo 

Lalo na sa pangalan mo.

Noong sinungitan kami ng lipunan, ikaw lang ang ngumiti sa amin

At noong nangangailangan kami, umabot sa amin ang tulong mo.

Limang kilong bigas, dalawang pakete ng noodles, at apat na lata ng sardinas

Salamat sa Diyos at nandiyan ka. Maitatawid ko na ang ilang araw naming pangkain. 

Ayan, binabatikos at inaaway ka na naman nila

Hindi lang nila nakikita ang kabutihan mo

Sigurado akong may dahilan kung bakit mo nagawa iyon.

Nalalapit na naman ang halalan

Sa wakas at makikita na ulit kita

Sana huwag mo akong kalimutan

Ipambabayad ko kasi sa utang ‘yong sobre na ipapamigay mo.

Tuloy-tuloy na naman ang buhos ng ulan

Buti at nandiyan ang malaking trapal na isinabit niyo

Nababawasan ang talsik ng tubig sa loob ng bahay

Hindi bale, magagawa naman na ang proyekto niyo.

Tagtuyot na pero hindi pa nasisimulan

Baka kulang pa sa pondo

Hindi bale, makakapagtiis pa naman kami.

Taon na ang lumipas at anak mo na ang nakaupo

Kay sipag at buti talaga ng pamilya niyo

Sana wag ninyong kalimutan ang aming baryo.

May apo na ko pero hindi pa rin nasisimulan

Baka kinurakot ng mga tauhan niyo

Sana mapanagot niyo sila

Alam ko namang ginagawa niyo ang makakaya niyo.

Mahina na ang paningin ko at dinapuan na rin ng maraming sakit

Salamat nga pala sa libreng konsulta at libreng salamin

Makaaasa kayo sa aking boto.

Sinusundo na ako ng kamatayan

Pero bakit parang wala namang kaibahan?

Madilim at kawalan ang aking natatanaw

Susundan ko na lang ang ingay tulad ng lagi kong ginagawa.

Hindi naman ako pumikit

Mulat ang aking mga mata

Subalit madilim ang sistema

Kaya paano ko tuluyang makikita?

Marahil hindi “sino” ang kailangang sagutin
Dahil ang magbibigay-liwanag sa sistema
Ay hindi lamang iisa o ng iilan

Kundi ang kagustuhan ng bawat isa na may baguhin

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...